Binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang kanyang priority measures sa sektor ng edukasyon na susuporta sa mga programa at polisiyang pang-edukasyon ng administrasyon.
Sa nagdaang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, binanggit niya na masusing pinag-aaralan ng administrasyon ang K to 12 system. Matatandaang inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 5 na nagsusulong ng pagrepaso sa pagpapatupad ng Enhanced Basic Education Act of 2013 o K to 12 Law (Republic Act No. 10533). Sakop ng nasabing pag-aaral ang paghain ng mga solusyong mag-iibayo sa pagpapatupad ng batas, lalo na’t dumarami ang bilang ng mga Pilipinong hindi kuntento sa sistema ng K to 12.
“Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, makikipagtulungan tayo sa administrasyon upang tiyaking maihahatid natin sa bawat kabataang Pilipino ang dekalidad na edukasyon,” ani Gatchalian.
Ayon pa sa Pangulo, dapat umakyat ang ranggo ng Pilipinas sa mga international rankings pagdating sa Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM), na matagal na ring ipinapanawagan ng senador. Batay sa naging resulta ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMMS) 2019, labing tatlong porsyento lamang ng mga mag-aaral sa Pilipinas na nasa Grade 4 ang nakaabot ng minimum benchmark sa Math, samantalang labing-siyam na porsyento lamang ang nakaabot ng minimum benchmark sa Science.
Dahil sa mahalagang papel ng mga guro sa pagkatuto ng mga mag-aaral, hinimok ni Gatchalian ang administrasyon na tiyakin ang ganap at maayos na pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713) na layong mag-aangat ng kalidad ng teacher training at education sa bansa.
Inihain din ni Gatchalian ang Senate Bill No. 476 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act na magtatatag ng mga math at science high school sa bansa, lalo na sa mga probinsya kung saang wala pa nito.
Binigyang diin ng Pangulo ang pangangailangan ng mga kabataan pagdating sa internet, mga computer, at mga gamit para sa pag-aaral. Upang paigtingin ang digital transformation ng basic education sector, matatandaang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 383 o ang Digital Transformation in Basic Education Act. Inihain din niya ang Senate Bill No. 474 o ang One Learner, One Laptop Act na layong makapagbigay ng laptop sa bawat mag-aaral ng K to 12 sa mga pampublikong paaralan.
Hinimok din ni Pangulong Marcos sa Kongreso ang muling pagkakaroon ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa senior high school, bagay na ipinanukala ni Gatchalian sa kanyang Senate Bill No. 387.