28 C
Manila
Martes, Enero 14, 2025

Epekto ng pandemya sa edukasyon pinabubusisi ni Gatchalian bago magpasukan

- Advertisement -
- Advertisement -

Ilang linggo bago magsimula ang bagong school year, isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagsusuri sa naging epekto ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa pandemya ng COVID-19, kabilang ang mga hakbang tungo sa pagbangon ng sektor ng edukasyon.

Sa paghain ng Proposed Senate Resolution No. 11 na isa sa mga prayoridad ni Gatchalian sa 19th Congress, layunin ng mambabatas na matukoy at matugunan ang naging mga hamon sa mga programa ng Department of Education (DepEd) para sa pagpapatuloy ng edukasyon.

Ani Gatchalian, bagama’t pinagsikapan ng DepEd na tugunan ang naging epekto ng pandemya, patuloy na hinarap ng basic education sector ang maraming mga suliranin, kabilang ang pag-urong ng kaalaman at pinsala sa ekonomiya—mga bagay na lalong nagpapalala sa dati nang “poor performance” ng mga mag-aaral bago pa tumama ang pandemya.

Ayon sa isang ulat ng UNESCO, UNICEF, at ng World Bank, ang learning poverty sa bansa bago pa tumama ang pandemya ay umabot na sa mahigit siyamnapung porsyento (90.5%). Ang learning poverty ang porsyento ng mga batang sampung taong gulang na hindi marunong bumasa o umunawa ng simpleng kwento. Ayon sa naturang ulat, ang learning poverty sa mga bansang tulad ng Pilipinas ay maaaring umakyat ng sampung (10) percentage points dahil sa pagsasara ng mga paaralan.

Tinataya ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ang isang taong pagsasara ng mga paaralan ay may katumbas na halos labing-isang (10.7) trilyong piso pagdating sa productivity at income loss sa susunod na apatnapung (40) taon.

Dagdag pa ni Gatchalian, ang patuloy na pag-antala ng COVID-19 sa edukasyon ay magdudulot ng matinding pinsala sa mga mag-aaral tulad ng pagkawala ng basic numeracy at literacy skills, dagok sa mental health, kakulangan ng sapat na nutrisyon, at mas mataas na panganib na dumanas ng pang-aabuso.

Ayon sa UNESCO Institute of Statistics’ Global Monitoring Dashboard, ang ganap na pagsasara ng mga paaralan sa Pilipinas ay ipinatupad sa loob ng pitumpu’t limang (75) linggo.

“Upang matiyak natin ang pagbangon ng sektor ng edukasyon, nais nating suriin at maunawaan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Kasunod nito ang pagpapatupad natin ng mga hakbang upang hindi mapag-iwanan ang ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian.

Nakatakdang magbukas sa Agosto 22 ang School Year 2022-2023 habang may hanggang Oktubre 31 ang mga paaralan upang mag-transition sa limang araw ng in-person learning. Simula Nobyembre 2, lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan ay dapat nagpapatupad na ng limang araw ng face-to-face classes.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -