25.1 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Mga education frontliners binigyang pugay ni Gatchalian sa pagbubukas ng klase

- Advertisement -
- Advertisement -

Binigyang pugay ni Senador Win Gatchalian ang mga frontliners sa edukasyon para sa pagtiyak sa pagpapatuloy ng edukasyon at sa pagbubukas ng mga paaralan sa kabila ng nananatiling banta ng COVID-19.

Pinasalamatan ni Gatchalian ang mga guro, punong-guro, at mga schools superintendent para sa paghahanda sa mga paaralan at sa pagsasagawa ng mga hakbang tungo sa ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes, kabilang ang paglalagay ng temperature readers, mga pasilidad sa handwashing, pagsusuot ng face mask, pagmonitor sa mga may sintomas ng COVID-19, at pagtiyak sa maayos na ventilation sa mga silid-aralan.

“Nagpapasalamat tayo sa ating mga guro, mga punong-guro, at ating mga schools superintendent para tiyakin ang maayos na pagbubukas ng ating mga paaralan ngayong school year. Hindi magiging posible ang pagpapatuloy ng edukasyon at ang ligtas na pagbabalik ng face-to-face classes kung hindi dahil sa kanilang patuloy na pagsisikap, kaya naman ipinapaabot natin sa kanila ang ating pinakamataas na pagpupugay,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Sinabi ni Gatchalian na bagamat sa pangkalahatan ay naging maayos ang pagbubukas ng klase batay sa kanyang obserbasyon, binigyang diin din niya na kailangang tiyakin ang sapat na mga pasilidad para sa pagbubukas ng lahat ng mga paaralan para sa face-to-face classes. Ani Gatchalian, may mga paaralan na napilitang mag-klase sa mga gymnasium o covered court sa unang araw ng pasukan sa mga pampublikong paaralan. Mayroon din aniyang mga estudyanteng kinailangang maupo sa sahig. Dagdag ni Gatchalian, may mga paaralan kasing umakyat ang bilang ng enrollment dahil na rin sa paglipat ng mag-aaral, bagay na nagdulot ng kakulangan ng mga desk at upuan.

“Sisiguraduhin nating mabibigyan ng sapat na pondo ang pagpapatayo ng classrooms. Malaking pondo ang kakailanganin lalo na para sa mga paaralan sa bansa na tinamaan ng nakaraang malakas na lindol at bagyong Odette na tumama noong Disyembre ng nakaraang taon,” pahayag ni Gatchalian.

Ayon sa Department of Education, mahigit walumpu’t anim na bilyong piso ang kakailanganin sa pagpapatayo ng mga silid-aralan sa 2023.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -