28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Pabilisin ang financial aid gamit ang ‘One Filipino One Bank Account’ – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Upang mapabilis ang pamimigay ng gobyerno ng ayuda, naghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na magmamandato sa mga government financial institutions na magbukas ng bank account sa bawat PIlipinong wala pang bank account.

“Sa ilalim ng panukalang ito, mas mapapadali na ang pamimigay ng ayuda dahil derecho na ito sa mismong bank account ng mga benepisyaryo at hindi na kailangang pumila pa,” sabi ni Gatchalian kasunod ng inihain niyang Senate Bill No. 808 o One Filipino One Bank Account Act.

“Sa pamamagitan din nito, mas madaling matututo ang ating mga kababayan na gumamit ng bangko at ng mga online facilities para sa iba’t-ibang transaksyon tulad ng pagbabayad ng bills o mga bilihin at para mag-impok,” dagdag pa niya.

Kabilang ang educational assistance at ibang-ibang uri ng subsidiya sa mga financial services na inihahatid ng gobyerno sa mga higit na nangangailangan nating kababayan. Sabi ni Gatchalian mas mabilis at mas maayos na maipapamahagi ang mga ito sa pamamagitan ng pagbubukas ng bank account sa Land Bank of the Philippines (Landbank) o Development Bank of the Philippines (DBP).

Ayon sa mambabatas, gagana ang iminumungkahing panukala kasabay ng batas na Community-Based Monitoring System (CBMS) o isang organized technology-based na sistema ng pagkalap ng impormasyon at datos sa mga kabahayang sakop ng bawat lokal na pamahalaan simula sa barangay level upang mas madaling tukuyin ang mga benepisyaryo.

“Dahil sa inaasahang mas mabilis na koordinasyon mula sa mga barangay ng bawat lokal na pamahalaan, magiging synchronized ang galaw. Maiiwasan din nito ang kaguluhan at mapapanatili ang kaayusan sa pamimigay ng tulong pinansyal sa mga kababayan nating nangangailangan,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.

Sinabi rin niya na higit na kailangan ng gobyerno na mag-facilitate at pagtibayin ang tinatawag na financial inclusion landscape sa bansa na tutugon sa paghahatid ng public at social services sa lahat ng nangangailangang Pilipino nang mas mabilis at mas mahusay.

Batay sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) 2019 Financial Inclusion Survey, 28.6% lamang ng mga respondents na may edad labing lima pataas ang mayroong formal account kabilang ang bangko, e-money, cooperative at microfinance institutions accounts, at 12.2% lamang sa kanila ang mayroong bank accounts. Ayon pa sa naturang survey, 71% ang nahihirapang magbukas ng account dahil sa documentary requirements at 58% ang walang requirement para sa kanilang loan applications sa isang formal financial institution.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -