LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Tiniyak ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa mga residente ng Pangarap Village sa Lungsod ng Caloocan na gagawin nito ang lahat ng nakapaloob sa mandato ng ahensya upang maprotektahan ang kanilang mga karapatan at masolusyunan din ang kanilang mga problema ukol sa nasabing usapin.
Sa pakikipagpulong kay Barangay 181 chairman Bernardo Quiboy, na sumasakop sa malaking bahagi ng Pangarap Village, nangako si PCUP incoming commissioner ng National Capital Region (NCR) Rey Galupo sa nabanggit na mga residente na gagawin niya ang lahat para matulungan sila sa pamamagitan ng pagdulog ng kanilang suliranin sa mga opisyal ng pamahalaang lungsod ng Caloocan na pinangungunahan ng bagong halal na alkaldeng Gonzalo Dale ‘Along’ Malapitan upang mapabilis ang pamamaraan na mabigyan ng relokasyon ang apektadong mga ISF.
Hinayag din ni Galupo na makikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan kay Caloocan City police chief Col. Samuel Mina Jr. at deputy nitong si Lt. Col. Ilustre Mendoza upang masiguro na magkakaroon ng mas pinaigting na police visibility sa kanilang komunidad upang maiwasang maganap ang anumang bagay insidente na hindi kanais-nais, o kaya’y paglabag sa karapatang pantao ng mga taga-Pangarap Village.
Samantala, nangako din naman si PCUP chairperson Elpidio Jordan Jr. na lahat ng suporta ay ibibigay ng kanilang ahensya upang mabigyan ng proteksyon ang mga maralitang tagalungsod, partikular na ang mga naninirahan sa Pangarap Village.
Nilinaw ni Jordan na habang ang naaaping residente sa nasabing lugar ay naideklara nang mga ISF, mandato pa rin umano ng PCUP na ibigay ang lahat ng pamamaraan upang makatulong sa kanila sa pamamagitan ng mabilis na pagresolba ng kanilang mga problema at agam-agam kaugnay ng matagal nang land dispute na nakaapekto sa mahigit 1,000 mahihirap na pamilya.