LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Nakipag pulong na ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) sa Carmel Development Incorporated (CDI) upang matugunan ang mga agam-agam ng mga informal settler families (ISFs) na umuukupa sa 156-ektaryang lupain ng real estate developer sa Pangarap Village na matatagpuan sa Barangay 181 at 182 sa lungsod ng Caloocan.
Ayon kay PCUP commissioner for the National Capital Region (NCR) Rey Galupo, siya na mismo ang kusang nakipag-usap sa CDI makaraang mag-courtesy call sa Caloocan City Police upang matiyak na walang hindi kanais-nais na kaganapan ang mangyayari sa gitna ng mga reklamo ng residente ng Pangarap Village ukol sa harassment at panggigipit ng mga security personnel mula sa CDI na sinira ang magkabilang dulo ng nag-iisang kalsada papasok at palabas ng kanilang komunidad.
Nauna nang dumulog ang mga naninirahan sa PCUP upang ireklamo na wala silang natatanggap na responde mula sa pulisya na pinaghihinalaan nilang kumakampi sa CDI para sila ay palayasin.
Subalit itinanggi ni Caloocan City Police chief Col. Ismael Mina ang mga alegasyon at ikinatuwiran nitong naging parehas sila sa usapin at hindi rin sila nagpabaya sa kanilang tungkuling matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Nangako naman si CDI field operations manager Ryan Arojo kay Galupo na gagawin nila ang lahat ng hakbang upang hindi matapakan ang mga karapatan ng mga ISF sa Pangarap Village at mabigyan sila ng panahon para mapayapang makapag-relocate.
Pinaalam din ni Galupo kay Arojo na makikipagpulong siya kay Caloocan City Mayor Dale ‘Along’ Malapitan upang pag-usapan ang posibilidad na mabigyan ng relokasyon ang mga residente sa Pangarap Village.
Pinunto niya na seryosong tutuparin ng PCUP ang mandato nito na tulungan ang lahat ng maralitang tagalungsod habang sinusunod ang mga alituntuning nakasaad sa batas.
“Nandito kami para sa lahat. Habang ang mandato namin ay protektahan ang mga karapatan ng mga urban poor, mahalaga ding siguraduhin namin na ang mga stakeholder, kabilang na ang mga property owners, ay protektado din batay sa Saligang Batas na nagbibigay proteksyon sa lahat,” idiniin ni Galupo.