Sa gitna ng pagdiriwang ng National Teachers’ Month mula Setyembre 5 hanggang Oktubre 5, nanindigan si Senador Win Gatchalian na bibigyan niya ng prayoridad ang pagtaguyod sa kapakanan ng mga guro, kabilang ang pagtaas ng kanilang mga sahod.
Pinasalamatan ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education ang mga guro para sa kanilang mga sakripisyo upang maipagpatuloy ang edukasyon sa gitna ng pandemya ng COVID-19. Dahil ang mga guro ang isa sa may pinakamahalagang papel para sa pagkatuto ng mga bata, binigyang diin ni Gatchalian na kailangang itaas ang kanilang morale.
Una sa mga prayoridad na panukalang batas ni Gatchalian sa 19th Congress ang Teacher Salary Increase Act (Senate Bill No. 149) na layong itaas ang salary grade (SG) ng Teacher I sa SG 13 na may sahod na P29,798 mula SG 11 na may sahod na P25,439. Layon ding itaas ng panukalang batas ang sahod ng Teacher II sa SG 14 (P32,321) mula SG 12 (P27,608). Para naman sa Teacher III, itataas ang kanilang sahod sa SG 15 (P35,097) mula SG 13 (P29,798).
Binigyang diin ni Gatchalian na pagdating sa sahod, napag-iwanan na ang mga guro ng bansa kung ikukumpara sa mga guro sa ASEAN region. Sa Singapore halimbawa, ang average na buwanang entry level na sahod ng guro ay P51, 820, ang pinakamataas sa ASEAN. Sa Malaysia naman, ang average na buwanang entry level na sahod ng mga guro ay P44, 607.
Maliban sa pagtaas ng sahod ng mga guro, muling iginiit ni Gatchalian ang panawagan niya para sa ganap na pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Bago magsara ang 18th Congress, iniulat ni Gatchalian ang naging resulta ng isinagawang pagrepaso sa pagpapatupad ng batas na naipasa limampu’t anim na taon na ang nakakaraan.
Isa sa mga rekomendasyon ni Gatchalian ang pagpapagaan sa trabaho ng mga guro upang makatutok sila sa kanilang pangunahing trabaho – ang pagtuturo. Ayon kay Gatchalian, dapat magkaroon ng sapat na non-teaching personnel sa lahat ng mga paaralan.
Iginiit din ni Gatchalian na kailangan ng mga guro ng sapat na health insurance. Ibinahagi niya ang isang panukala ng Government Service Insurance System (GSIS): para sa premium na P400, mabibigyan ang DepEd personnel ng coverage na aabot sa P120,000. Aabot lamang sa P369.8 milyon ang gagastusin ng pamahalaan upang matustusan ang mga premium na ito.
“Patuloy nating isusulong ang mga panukalang batas upang matugunan ang pangangailangan ng ating mga guro at maitaguyod ang kanilang kapakanan. Napapanahon na rin upang tiyaking matutupad ng pamahalaan ang mga pangako sa ating mga guro, kabilang ang pagtaas ng kanilang sahod,” ani Gatchalian.
Balak din ni Gatchalian na maghain ng panukalang batas upang ma-amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers at gawin itong mas angkop sa kasalukuyang panahon.