Hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang mga lokal na pamahalaan o local government units (LGUs) na paigtingin ang kanilang programa sa pagbabakuna upang maiwasan ang outbreak ng mga vaccine-preventable diseases.
Ito’y matapos iulat ng Department of Health (DOH) na may isang milyong sanggol sa Pilipinas na mas bata sa isang taong gulang ang hindi pa nababakunahan. Ayon pa sa DOH, ang Pilipinas ang isa sa sampung bansa na may pinakamababang bilang ng mga batang nabakunahan. Pinangangambahan din ng ahensya na baka magkaroon ng measles outbreak kung nananatiling mababa ang bilang ng mga kabataang bakunado.
Ayon kay Gatchalian, dapat maging agresibo ang pamahalaan pagdating sa pagbabakuna lalo na’t naantala ito noong sumiklab ang pandemya ng COVID-19.
“Maraming beses nang napatunayan ng agham na ligtas at mabisa ang mga bakuna laban sa pagkakasakit. Kaya naman sa tulong ng ating mga lokal na pamahalaan, dapat nating tiyakin na ang ating mga programa para sa pagbabakuna ay maabot lahat ng mga sanggol,” ani Gatchalian.
Bagama’t nakikipag-ugnayan na ang DOH sa mga medical societies at grupo ng mga pediatric doctors, binigyang diin ni Gatchalian ang mahalagang papel ng mga LGU para sa mabilis na pagpapatupad ng mga programa para sa pagbabakuna. Sa ilalim ng Expanded Program on Immunization (EPI), ipinapatupad ang Reaching Every Barangay Strategy (REB) upang mabigyan ang mas maraming kabataan ng mga routine vaccines. Tinitiyak din ng EPI na lahat ng mga health center at barangay health station ay may isang kawaning may sapat na training sa REB.
Mahalaga din ang papel ng mga LGUs sa ilalim din ng Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011 (Republic Act No. 10152) na layong bigyan ng libre at mandatory immunization ang nga batang hanggang limang taong gulang. Responsibilidad, halimbawa, ng mga LGUs, kasama ng ibang ahensya ng pamahalaan, non-government organizations, at iba pang mga professional academic societies na tiyaking may sapat na information materials na ipapamahagi sa publiko.
Dapat ding alalayan ng LGUs ang DOH, kasama ang akademya, mga professional societies, at non-government organizations sa information, education, at training programs para sa lahat ng mga health personnel pagdating sa mga benepisyong hatid ng pagbabakuna.