24.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 25, 2024

Gatchalian: Tiyakin ang kapakanan ng mga bata sa mga lugar na nasalanta ng bagyo

- Advertisement -
- Advertisement -

Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng mga kabataan sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.

Matapos manalasa ng bagyong Karding sa bansa, hinimok ni Gatchalian ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), at ang Department of Education (DepEd) upang tiyaking ang mga kabataan ay nasa mga ligtas na espasyo, lalo na’t sila ang humaharap sa pinakamatinding panganib sa panahon ng kalamidad. Nanawagan din si Gatchalian sa mga ahensya na tiyaking natutugunan ang pangangailangan ng mga bata pagdating sa kalusugan, nutrisyon, at sanitasyon, pati na rin ang pagbibigay ng psychosocial support at ang kanilang ligtas na pagbabalik sa klase.

“Nakita na natin sa kasaysayan ang epekto sa mga kabataan kapag mayroong mga sakuna. Halimbawa, nilabanan ng mga apektadong kabataan ang malnutrisyon at sakit matapos ang bagyong Yolanda. Maraming kabataan ang tumigil sa pag-aaral upang matulungan ang kanilang mga pamilyang maghanapbuhay. Meron ding mga sapilitang pumasok sa prostitusyon,” sabi ni Gatchalian.

Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Setyembre 26, mahigit dalawampung libong (20,380) mga pamilya ang inilikas dahil sa bagyo. Ayon pa sa situational report ng NDRRMC, may apatnapu’t tatlong (43) mga paaralan at animnapu’t anim (66) na mga silid-aralan sa National Capital Region (NCR), Region III at V ang ginagamit bilang evacuation center.

“Kailangang tiyakin natin ang kaligtasan ng mga kabataang apektado ng nagdaang bagyo. Dapat din nating tiyakin na matutugunan natin ang pangangailangan nila pagdating sa kalusugan at makakabalik sila nang ligtas sa kanilang mga paaralan, lalo na’t matagal na naantala ng pandemya ang kanilang edukasyon,” dagdag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Muli namang iginiit ni Gatchalian ang pangangailangan para sa pagkakaroon ng mga evacuation center sa lahat ng mga siyudad at munisipalidad, isang hakbang na ayon sa kanya ay makakaiwas sa paggamit sa mga school buildings at facilities bilang pansamantalang tirahan ng mga kinakailangang ililikas sa panahon ng sakuna.

Muling inihain ni Gatchalian ang Evacuation Center Act (Senate Bill No. 940) bilang isa sa kanyang mga panukalang batas ngayong 19th Congress na layong magpatayo ng matatag na evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Ang mga evacuation centers na ito ay magsisilbing pansamantalang tirahan ng mga kinakailangang ilikas dahil sa mga sakuna at iba pang mga kalamidad, kabilang ang malalang climate disturbance, sunog, at outbreak ng sakit.

Muli ring inihain ni Gatchalian ang 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155). Sa ilalim ng panukalang batas, pinapalawig ang tungkulin ng mga local school boards upang maisama ang pagpapatupad ng mga napapanahon, organisado, at mga localized interventions sa paghahatid ng edukasyon sa panahon ng kalamidad at mga sakuna.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -