28.8 C
Manila
Sabado, Marso 2, 2024

Panawagan ni Gatchalian sa NGCP: Mangontrata ng ancillary services para sa tuloy-tuloy na suplay ng kuryente

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa hangarin na matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente, muling ipinanawagan ni Senador Win Gatchalian sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na tuparin ang mandato nito sa pagkontrata ng mga ancillary services.

Dahil ang Pilipinas ay laging nasasalanta ng bagyo na siyang nagiging dahilan din ng pagkawala ng kuryente, importanteng mapanatili ito para sa mga kritikal na imprastraktura na kinakailangan sa panahon ng mga kalamidad, ayon kay Gatchalian.

“Ang daloy ng kuryente ay dapat laging maaasahan upang matiyak ang maayos na pagpapatakbo ng mga pasilidad at maiwasan ang pagkawala ng kuryente na nakakasama sa ating ekonomiya. Kailangan lang gawin ng NGCP ang trabaho nito na mangontrata ng ancillary services,” dagdag niya.

Ang panawagan ng vice chairman ng Senate Committee on Energy ay kasunod ng pag-akyat noong nakaraang buwan ng grid status sa Luzon sa red alert mula sa yellow alert na nagdulot ng rotational brownout sa ilang probinsiya nang bumagsak at bumaba ang output ng ilang planta.

Kritikal ang pagkontrata ng ancillary services, ani Gatchalian, lalo na’t may 899 megawatts (MV) na ancillary services na nakatakdang mag-expire sa 2023 at 568 MW pa sa 2024. Mayroong 1,511 MWs na ancillary services ang nag-expire noong 2020.

“Hindi dapat nagpapabaya ang NGCP sa tungkulin nito na pag-kontrata ng ancillary services para masiguro natin ang tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya at maiwasan ang perwisyo na dulot ng palagiang brownout sa ating mga mamamayan,” dagdag nya.

Samantala, nauna nang binalaan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang NGCP dahil sa kabiguan na matugunan ang tungkulin nito bilang system operator.

“Hinihikayat ko ang ERC na patuloy na bantayan ang mga may pananagutan na gampanan ang kanilang tungkulin upang tiyaking may sapat na suplay ng kuryente sa buong bansa,” pagtatapos ni Gatchalian.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -