27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Pagtuturo ng financial literacy sa mga paaralan isinusulong ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Naghain si Senador Win Gatchalian ng isang panukalang batas na naglalayong maituro ang financial literacy sa mga mag-aaral sa elementarya, high school, at kolehiyo, kabilang ang mga technical-vocational institutions.

Sa ilalim ng Economics and Financial Literacy Curriculum and Training Act (Senate Bill No. 479), lahat ng mga pampubliko at pribadong mga paaralan, state at local universities and colleges, mga pribadong kolehiyo at pamantasan, at mga technical-vocational schools at centers ay kailangang bumuo ng isang kursong nakatutok sa Economics and Personal Finance (EPF). Ang naturang kurso ay magiging bahagi ng curriculum ng mga paaralang ito.

Sa elementary, tatalakayin ng kursong EPF ang mga basic economic principles tulad ng individual and family financial goal setting, pagsusuri sa mga gastusin, at paghahanda ng budget. Sa high school, kolehiyo, at technical-vocational level, tatalakayin ang mga usaping tulad ng credit, savings o pag-iipon, investment, retirement, at iba pa.

“Mahalaga ang pagbigay ng financial education sa mga kabataan upang matiyak ang kanilang seguridad at kapakanan sa hinaharap. Ang mga kabataang financially literate ay makakagawa ng mabuting desisyon na magkakaroon ng magandang epekto sa kanilang personal na mga buhay. Magagabayan din natin sila na samantalahin ang mga oportunidad na haharapin nila,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

“Sa mahabang panahon ng pag-aaral ng ating mga kabataan, tinuturuan natin sila ng kaalaman at kakayahan upang makakuha ng maayos na trabaho, ngunit hindi natin itinuturo kung paano ang tamang paggamit ng salapi. Kung matuturuan natin sila ng financial literacy, matuturuan natin silang makamit ang pag-asenso at mamuhay nang mas matiwasay,” dagdag na pahayag ng mambabatas.

Tinukoy din ni Gatchalian na bagama’t halos siyamnapung (89) porsyento ng mga kabataang Pilipino ay umaasa sa kaalaman ng kanilang mga magulang, lumalabas sa Global Financial Literacy Survey ng Standard and Poor’s na dalawampu’t limang (25) porsyento lamang na mga Pilipino ang maituturing na financially literate. Ibig sabihin, pitumpu’t limang (75) porsyento ng mga nakatatandang Pilipino ang hindi financially literate, kabilang dito ang mga magulang at mga guro na pinagmumulan ng kaalaman ng mga kabataan pagdating sa pinansya.
Bagama’t ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Finance (DOF), Securities and Exchange Commission (SEC), National Credit Council (NCC), at ang Department of Education (DepEd) ay naglunsad ng kanilang mga programa para sa financial literacy, nangangamba si Gatchalian na hindi maipagpapatuloy ang mga ito kung hindi gagawing institutionalized ang sistema ng edukasyon.

Layon din ng panukalang batas na magbigay ng EPF professional development para sa mga guro.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -