30.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 16, 2024

Isalba agad ang mga mawawalan ng trabaho sa POGO – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa labor department na madaliin ang pagpapatupad ng isang detalyadong programa na makakatulong sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa mga POGO o Philippine Overseas Gaming Operators na posibleng maalis sa trabaho sakaling magsara ang mga ito kung ipagbawal na sa bansa.

Bagama’t sinabi na ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tinitingnan nito kung paano matutulungan ang mga Filipino POGO workers na maaaring mawalan ng trabaho sakaling ipagbawal ang mga POGO sa bansa, binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang magkaroon ng makabuluhan at detalyadong programa para sa kanila, kabilang ang “retooling at upskilling” ng kanilang mga kasanayan. Tinatayang nasa 22,000 na mga pinoy ang kasalukuyang nagtatrabaho sa mga POGO operators sa bansa.

“Bagama’t hindi natin inaasahan ang biglaang pagsasara ng mga POGO sa bansa, mahalaga na mayroon nang nakahandang tulong o interbensyon para sa mga manggagawang Pilipinong mawawalan ng trabaho upang makahanap agad sila ng kapalit na trabaho sa lalong madaling panahon,” sabi ni Gatchalian.

Halimbawa, ang DOLE ay maaaring magpatupad ng isang mekanismo na direktang makikipag-ugnayan sa mga maaalis na mga empleyado ng POGO upang makalipat sa iba pang mga industriya tulad ng Business Process Outsourcing (BPO), sabi ng senador.

Ipinunto niya na ang lokal na industriya ng BPO, na nasa bansa sa nakalipas na 20 taon, ay kasalukuyang mayroong humigit-kumulang na 1.5 milyong Pilipinong empleyado at nakapagtala ng taunang growth rate na 8%. Inaasahang lalago ng 10% ang industriya sa susunod na 5 hanggang 10 taon, na nangangahulugan ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Sa kabilang banda, bumaba ang bilang ng mga accredited service provider ng mga lisensyadong POGO mula 2019 hanggang 2022. Mayroong 231 na accredited service provider ng POGO noong 2019 at bumaba ito sa 123 sa kasalukuyan, batay sa datos ng Philippine Gaming Corp. (PAGCOR).

“Kung ikukumpara sa mga POGO, makikita natin sa datos na ang BPO ay isang lumalagong industriya at maaari nating hikayatin ang ating mga kababayan na magtrabaho sa industriyang ito samantalang humina pa nga ang industriya ng POGO kahit pa naglagay na tayo ng isang tax regime para lang gawing ligal ang kanilang operasyon. Malinaw na hindi sustainable ang mga POGO kung pagbabasehan ang kakayahan nitong magbigay ng trabaho sa ating mga kababayan, “ani Gatchalian.

Sa katunayan, dagdag niya, karamihan sa mga kasalukuyang nagtatrabaho sa mga POGO ay mga skilled worker tulad ng mga nagtatrabaho sa customer relations, strategic support providers, IT support providers, at gaming software platform providers, at iba pa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -