30.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 16, 2024

Mga paaralan hindi handa sa pagpapatupad ng programa sa mother tongue – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

Nababahala si Senador Win Gatchalian na bagama’t halos isang dekada na ang lumipas bago isabatas ang pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education batay sa K to 12 Law (Republic Act No. 10533), lumalabas sa isang pag-aaral na wala pang sampung porsyento sa mga paaralan sa bansa ang handang ipatupad ang programa.

Bagama’t nakatakda ang Department of Education (DepEd) na magsagawa ng sarili nitong impact study sa naturang programa, lumabas sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na siyam na porsyento lamang sa 16,287 na paaralang na-survey ang nakapagsagawa ng apat na kinakailangang gawain para sa epektibong pagpapatupad ng MTB-MLE. Ang mga gawaing ito ay ang pagsusulat ng mga big books sa wika, panitikan, at kultura; dokumentasyon ng ortograpiya ng wika; dokumentasyon ng grammar o balarila ng wika; at ang dokumentasyon ng diksyunaryo ng wika.

Tinukoy din sa nasabing pag-aaral ang dahilan ng mga paaralan kung bakit bigo silang ipatupad ang MTB-MLE. Kabilang dito ang kakulangan ng mga gamit sa pagtuturo, kawalan ng diksyunaryo, kakulangan o kawalan ng mga textbook, at ang kakulangan ng mga guro sa kaalaman sa wikang ginagamit ng paaralan sa pagtuturo.

Iniulat din ng DepEd na sa target nitong 305,099 na mga educators ay 72,872 lamang ang sumailalim sa pagsasanay. Kabilang dito ang mga supervisors, school heads, at mga guro mula Kindergarten hanggang Grade 3.

“Hindi handa ang ating mga paaralan at hindi rin handa ang ating mga guro dahil batay sa impormasyon ng DepEd, 23% lamang ang nabigyan ng training. Hindi ito magandang senyales upang matiyak natin na maayos na naipatutupad ang mother tongue sa ating mga paaralan,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Hinimok ni Gatchalian ang DepEd na magsagawa ng sarili nitong impact study sa pagpapatupad ng MTB-MLE.

Sa ilalim ng K to 12 Law, ang pagtuturo, mga kagamitan sa pagtuturo, at assessment mula kindergarten hanggang Grade 3 ay dapat isagawa sa pangunahing wika ng mga mag-aaral. May mandato rin ang DepEd na magpatupad ng mother language transition program mula Grade 4 hanggang Grade 6 upang unti-unting magamit ang Filipino at English bilang wika ng pagtuturo sa high school.

Ang ginawang pagsusuri ng Senado sa MTB-MLE ay bahagi ng isang mas malawak na pagrepaso sa programa ng K to 12 na isinulong ni Gatchalian sa paghain niya ng Proposed Senate Resolution No. 5.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -