28 C
Manila
Linggo, Hunyo 16, 2024

PCUP hiniling ang pagkakaisa at kooperasyon sa pagresolba ng usapin ng urban poor

- Advertisement -
- Advertisement -

LUNGSOD QUEZON, Kalakhang Maynila — Sa pagkilala sa laki ng problema ukol sa pagsasagawa ng mga Pre-Domolition Conference (PDC) na siyang bumubuo sa pagpupulong ng mga stakeholder na reresolba sa usapin ng mga informal settler, hinihiling ni Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) chairperson at chief-executive-officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. ang pagkakaisa at mas maigting na koordinasyon sa hanay ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagtugon ng lumalalang isyu ng kalagayan ng mga maralitang tagalungsod.

Sa huling araw ng pagpupulong ng ‘Just and Humane Demolition and Eviction’ na pinangunahan ng PCUP at isinagawa sa Oracle Hotel and Residences sa Loyola Heights, Quezon City, inamin ni Undersecretary na ang usapin ng mga PDC ay mareresolba lamang kung yaong kalahok dito ay magkakapit-bisig para harapin ang problema.

Naihayag sa dalawang-araw na pagpupulong ang mga hinaing ng mga stakeholder para ipahayag ang mga balakid na kanilang kinakaharap na kalakip ng problema ng mga informal settler. Bukod dito, tinukoy din nila ang mga bagay na nagpapahirap na maging matagumpay ang mga gawaing tulad nito.

“Napakalaki ng ating problema ukol sa mga PDC dahil dito nagkakaroon tayo ng kakulangan tulad ng pagbibigay ng tulong sa ating mga maralitang tagalungsod na kapag ide-demolish na ang mga bahay o i-e-evict na sa kanilang mga tinitirhan ay kailangang mabigyan ng relocation o kaya ay financial assistance,” pinunto ni Usec. Jordan habang idiniin na ang mandato ng PCUP ay iugnay lamang ng ahensya ang mga maralitang tagalungsod sa ahensya ng gobyerno na makakatulong sa kanila.

“Hindi kaya ito ng iisang ahensya. Alam nating nais ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na matulungan ang ating mahihirap na kababayan subalit we have to help each other in doing this. Dapat ay magkaisa tayo at magtulungan para malunasan ang usapin ng urban poor at ang kakulangan sa pabahay para sa ating mamamayan,” dagdag ng opisyal.

Alinsunod dito, hinayag ng pinuno ng PCUP ang tungkol sa kanyang planong magtatag ng mga satellite office na tutulong sa PCUP para maging mas accessible ito sa mamamayan, partikular na ang mga marginalized sectors ng ating lipunan at mga mahihirap na pamilya.

“Mahalaga ito dahil dito rin natin malalaman kung ilan po talaga ang ating urban poor na kailangan nating tulungan. We in the PCUP are actually in the process of determining possibilities of fulfilling our mandate in the most righteous way,” aniya.

Sa huli, binigyang-pansin ni Usec. Jordan ang kahandaan ng PCUP na maglingkod sa mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasanib ng talino at talento ng lahat sa ilalim ng pamunuang nagkakaisa ni Pangulong Marcos.

“Para sa maralitang tagalungsod, we are ready to serve. And to our leaders, we should be guided that leaders are not supposed to create followers but should produce more devoted leaders instead,” kanyang pagtatapos.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -