26.4 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Mensahe ni Gatchalian sa Nat’l Children’s Month: Itaguyod ang kapakanan ng mga kabataan

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa gitna ng pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong buwan ng Nobyembre, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tutukan ang kapakanan ng mga kabataan habang patuloy ang pagbangon ng bansa mula sa pandemya ng COVID-19.

Binigyang diin ni Gatchalian ang pinsalang dinulot ng pandemya sa mga kabataan, lalo na noong panahon ng mga lockdown. Maliban sa learning loss o pag-urong ng kaalaman dahil sa kawalan ng face-to-face classes, pinuna rin ni Gatchalian na tumaas ang banta ng karahasan sa mga kabataan. Tumaas din ang tsansang makaranas ang mga kabataan ng problema sa mental health noong kasagsagan ng mga lockdown.

Bagama’t ang pagbabalik ng full face-to-face classes ay mahalagang hakbang sa pagbangon ng sektor ng edukasyon, nanindigan si Gatchalian na kailangang patatagin ang mga hakbang at programa upang tugunan ang pangangailangan ng mga kabataan. Kabilang dito ang pagpapatupad ng learning recovery, psychosocial intervention, at mga programa para sa child protection.

Sa Senate Bill No. 150 ni Gatchalian o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act na isa sa mga prayoridad ng senador ngayong 19th Congress, isinusulong ang pagkakaroon ng programa para sa national learning intervention na tutugon sa learning loss. Magiging bahagi ng panukalang programa ang mga tutorial sessions at remediation plans. Tututukan din ng naturang programa ang mga essential learning competencies sa Language, Mathematics, at Science.

Layon din ng panukala ang sapat na probisyon ng suporta sa pangangailangang nutritional, social, at emotional health ng mga kabataan upang tiyakin ang kanilang pangkalahatang kapakanan. Ito ay upang maging mas matatag ang mga kabataan at maging mas mahusay sila pagdating sa kanilang pag-aaral.

Inihain din ni Gatchalian ang Senate Bill No. 379 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act. Layon ng naturang panukala na gawing institutionalized ang Mental Health and Well-Being Program. Isinusulong ng panukalang batas ang pagkakaroon ng Mental Health and Well-Being Center sa lahat ng mga paaralan sa basic education upang maghatid ng mental at well-being services na tutugon sa pangangailangang mental, emotional, at developmental ng mga mag-aaral, guro, at non-teaching personnel.

“Sa patuloy na pagbangon natin mula sa pandemya, mahalagang tutukan natin ang kapakanan ng ating mga kabataan, lalo na’t kasama sila sa mga pinaka-apektado ng pinsalang dulot ng COVID-19. Mahalagang hakbang ang muling pagbabalik ng face-to-face classes, ngunit marami pa tayong maaaring gawin upang lalo pang itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga kabataan,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -