Isang linggo makalipas ang pagbubukas ng full face-to-face classes sa bansa, pinapurihan ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) para sa matagumpay na pagbabalik-eskwela, bagay na aniya’y mahalaga para sa muling pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinasalang dulot ng pandemya ng COVID-19.
Suportado din ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education ang boluntaryong pagsusuot ng face masks. Ayon sa senador, isang hakbang ito para sa pagbabalik-normal ng mga paaralan matapos ang mahigit dalawang taon ng pagpapatupad ng distance learning.
Ngunit para kay Gatchalian, patuloy pa rin dapat ang pagpapatupad ng mga mitigation measures tulad ng pagtiyak ng maayos na ventilation, paglalagay ng sapat na pasilidad para sa handwashing, at pagsulong ng pagbabakuna laban sa COVID-19.
Matatandaang pinayagan na sa ilalim ng Executive Order No. 7 ang boluntaryong pagsusuot ng face masks sa parehong loob at labas ng mga establisyemento maliban na lamang sa mga healthcare facilities, medical transport vehicles, at pampublikong transportasyon sa lupa, ere, o dagat. Ngunit nakasaad sa executive order na dapat patuloy pa rin ang pagpapatupad ng minimum public health standards upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“Matapos ang mahigit dalawang taon ng pagpapatupad ng distance learning, sa wakas ay nakabalik na ang ating mga mag-aaral sa full face-to-face classes. Hindi magiging posible ito kung hindi dahil sa ating mga guro, school heads, mga superintendent, at pati na kooperasyon ng mga magulang,” ani Gatchalian.
Binigyang diin din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapatupad ng learning recovery upang matugunan ang learning loss na dulot ng kawalan ng face-to-face classes. Inihain niya ang Senate Bill No. 150 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act upang magpatupad ng pambansang programa para sa learning intervention. Magiging bahagi ng programa ang mga tutorial sessions at mga remediation plans.
Titiyakin ng panukalang ARAL Program na ang mga mag-aaral ay mabibigyan ng sapat na panahon para maturuan ng mga essential competencies upang matugunan ang learning loss. Tututukan din ng ARAL Program ang Reading o Pagbasa upang mahasa ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral. Para sa mga mag-aaral sa Kindergarten, tututukan naman ang pundasyon ng mga mag-aaral upang mapatatag ang kanilang literacy at numeracy.