28.8 C
Manila
Sabado, Marso 2, 2024

Gatchalian: Ilaan ang electricity lifeline subsidy sa mga aktwal na benepisyaryo

- Advertisement -
- Advertisement -

Kasunod ng paglagda kamakailan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) No. 11552 o ang Act Extending and Enhancing the Implementation of the Lifeline Rate hanggang 2050, nanawagan si Senador Win Gatchalian sa gobyerno na tiyakin na ang mga pinakamahihirap na Pilipino ang talagang makikinabang sa lifeline rate subsidy.

Hanggang ngayon kasi ay inaayos pa at hindi pa naa-update ang listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan na tumutukoy sa mga pinakamahihirap na pamilya sa bansa na dapat makinabang sa mga subsidiya o ayuda. Pinangangambahan na baka mailaan sa iba at hindi sa mga aktwal na benepisyaryo ang naturang ayuda sa kuryente.

Sa ilalim ng batas, ang mga kwalipikadong marginalized end-user ay kinabibilangan ng mga benepisyaryo ng 4Ps at kinikilala ng mga power distribution utility na nasa ganoong katayuan batay sa pamantayang itinakda ng Energy Regulatory Commission o ERC.

“Ang panawagan ko lang sa gobyerno ay tiyakin na ang dapat makinabang sa subsidiyang ito ay ang mga tunay na benepisyaryo o yung mga pinakamahirap nating kababayan. Inaasahan na ang patuloy nating pagbibigay ng subsidiya ay magbibigay sa kanila ng kaluwagan sa gitna ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang mga gastusin sa bahay,” sabi ni Gatchalian.

Ang kalalagdang IRR para sa RA 11552 ay inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC), Department of Energy (DOE), at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Isinabatas noong Mayo 2021 ang RA 11552 na nagpapalawig ng subsidiya sa mas mahabang panahon para sa mga Pilipinong nasa below poverty line o itinuturing na marginalized na konsyumer ng kuryente sa bansa.

Binigyang diin ni Gatchalian, na nagsisilbing vice-chair ng Senate Committee on Energy, na ang pagpapalawig ng probisyon ng subsidy ng gobyerno para sa mga marginalized electric consumers ay makabuluhan dahil sa kawalan ng katiyakan sa ekonomiya na dala ng sunud-sunod na krisis bunga ng epekto ng pandemya at ang giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -