Upang matiyak na bawat rehiyon sa bansa ay may modelong Inclusive Learning Resource Center (ILRC) para sa learners with disabilities, iminungkahi ni Senador Win Gatchalian na itaas sa P160 milyon mula sa P96 milyon ang pondo para sa capital outlay ng Department of Education (DepEd) para sa Special Education (SPED).
Ang P96 milyong pondo ay nakalaan para gawing ILRC ang labing anim na SPED Centers. Mandato sa mga ILRC na ito ang maghatid ng libreng support services, kabilang ang language at speech therapy, occupational therapy, physical at physiotherapy, at iba pang mga serbisyo at hakbang na makatutulong sa pagkatuto ng mga mag-aaral na may kapansanan.
“Taos-puso kong inirerekomenda ang dagdag pondo sa capital outlay ng DepEd para sa SPED upang makapag-convert tayo ng SPED center sa bawat rehiyon, at magkaroon tayo ng modelong ILRC kada rehiyon,” ani Gatchalian, sa kanyang interpellation sa panukalang pondo ng DepEd para sa taong 2023.
Dagdag ng senador, magrerekomenda siya sa Senate Committee on Finance ng kanyang mungkahing pagkukunan ng pondo.
Para kay Gatchalian, ang paglalaan ng pondo para sa SPED ay sang-ayon sa pagsasabatas ng Republic Act No. 11650 o ang “Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act.” Si Gatchalian ang nag-sponsor ng naturang batas noong 18th Congress.
Mandato ng batas sa DepEd na makipag-ugnayan sa mga local government units upang makapagpatayo ng ILRC kada lungsod at munisipalidad sa bansa. Nakasaad din sa batas na lahat ng mga center para sa kabataang may kapansanan ay gagawin nang ILRC.
Muling binigyang diin ni Gatchalian ang pagbibigay ng suporta para sa mga mag-aaral na may kapansanan, lalo na’t kasama sila sa mga pinaka-apektado ng pandemya ng COVID-19. Batay sa datos ng DepEd noong Marso 14, 2022, may 126,598 na mga mag-aaral na may kapansanan ang nag-enroll sa mga DepEd schools para sa School Year (SY) 2021-2022. Ito ay mas mababa ng 65 porsyento sa 360,879 na naitala para sa School Year 2019-2020.