32.3 C
Manila
Sabado, Hunyo 15, 2024

Gatchalian: Ugnayan ng mga pribado, pampublikong paaralan sa pagkamit ng mga layunin sa edukasyon dapat suriin

- Advertisement -
- Advertisement -

Nais suriin ni Senador Win Gatchalian ang “complementary roles” ng mga pribado at pampublikong paaralan tungo sa pag-abot ng bansa ng mga layunin nito o sustainable development goals sa sektor ng edukasyon.

“Ang mga pribadong paaralan ay katuwang ng mga pampublikong paaralan sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon para sa ating mga kabataan. Dahil patuloy na hinaharap ng private schools ang mga hamon na lumala pa noong panahon ng pandemya, napapanahong pag-aralan natin kung paano sila makakabangon muli,” ani Gatchalian.

Ayon sa mambabatas, mahalagang matugunan ang mga hamong kinakaharap ng mga pribadong paaralan, lalo na’t pinalala ang mga ito ng pandemya at ng paghina ng ekonomiya. Halimbawa, dahil mas mababa ng 23 porsyento ang enrollment rate ng school year 2021-2022 kung ihahambing sa bilang na naitala bago tumama ang pandemya, nagsara ang 185 na mga pribadong paaralan.

Sa Proposed Senate Resolution No. 12, binigyang diin ni Gatchalian na kinakailangan ang isang naaakmang framework para sa pagpapatupad ng tinatawag na principle of complementarity sa pagitan ng mga pampubliko at pribadong paaralan. Ito ay upang magkaroon ang bansa ng sistema ng edukasyon na tutugon sa mga pangangailangan ng bansa alinsunod sa mandato ng Saligang Batas.

Isa pang hamong kinakaharap ng sektor ng edukasyon ang pagkakaiba ng sahod ng mga guro sa pampubliko at pribadong mga paaralan na naging sanhi ng paglipat ng maraming guro sa public schools. Ang average na sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan kada buwan ay P20,754 noong 2019 na tumaas sa P22,316 sa pagsisimula ng ikalawang semestre ng school year 2019-2020. Ayon naman sa survey ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), ang average na buwanang sahod ng isang guro sa pribadong paaralan ay P14,132 sa elementarya, P15,048 sa junior high school, at P16,258 sa senior high school.

Tinukoy din ni Gatchalian ang mga hamon sa pagpapatupad ng na-amyendahan nang Republic Act No. 6728 o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE). Ipinatupad sa ilalim ng batas ang public-private partnership sa edukasyon sa pamamagitan ng iba’t ibang tulong pinansyal sa mga guro at mag-aaral. Ang mga tulong pinansyal na ito ay pinalawig sa ilalim ng Republic Act No. 10533 or o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 na mas kilala bilang K to 12 Law.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -