27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Sapat na pondo para sa National Academy of Sports tiniyak ni Gatchalian sa 2023 budget

- Advertisement -
- Advertisement -

Tiniyak ni Senador Win Gatchalian na makakatanggap ang National Academy of Sports (NAS) ng kaukulang pondo sa ilalim ng 2023 national budget upang matiyak ang maayos na operasyon ng paaralan.

Sa ka-aaprubang P5.268 trillion na pondo ng national government para sa 2023, aprubado rin ang panukala ni Gatchalian na dagdagan ang pondo ng NAS, lalo na para sa Sports-Integrated Secondary Education Program. Iminungkahi ni Gatchalian na dagdagan ng P57 milyong pondo ang P88.1 milyong inilaan sa programa. Aabot sa mahigit P145 milyon ang kabuuang pondo ng naturang programa.

Bahagi ng pondo ng Sports-Integrated Secondary Education Program ang monthly stipend para sa mga mag-aaral ng Grade 7, probisyon para sa masustansyang pagkain, at pakikilahok ng mga mag-aaral sa mga kompetisyon. Bahagi rin ng programa ang benchmarking para sa pinaigting na roadmapping at upang matulungan ang NAS na maging lider sa sports development.

Matatandaang nagpahayag ng pangamba si Gatchalian noong unang ipinanukala ng ilan na bawasan ng P104 milyon ang pondo ng programa dahil makakaapekto ito sa pag-recruit ng mga atleta, lalo na iyong mga mula sa probinsya.

“Tinitiyak natin na matutupad natin ang ating pangako noong isabatas ang paglikha sa NAS — ang mabigyan ng kaukulang suporta ang ating mga atleta at pagtibayin ang ating suporta sa sports dito sa ating bansa,” ani Gatchalian, co-author at sponsor ng Republic Act No. 11470 na lumikha sa NAS System.

Sa ilalim ng batas, mandato sa NAS System na magpatupad ng dekalidad na programa sa high school na may special curriculum sa sports. Mag-aalok ang paaralan ng mga full scholarship sa mga natural-born na mamamayang Pilipino na may kakayahan at potensyal sa sports. Layunin ng NAS curriculum na tulungan ang mga student-athletes na maging mahusay sa kanilang mga sports o magtagumpay sa pinili nilang karera.

Layon din ng batas na magtatag ng mga regional high schools for sports na popondohan ng pambansang pamahalaan. Ito ay upang mapaigting ang paghubog ng mga batang atleta sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -