Iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan para sa mas maigting na pagpapatupad ng sexuality education para sa patuloy na pagbaba ng bilang ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan, isa sa mga naging benepisyo ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012 o RH Law.
Sa isang forum na isinagawa ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development (PLCPD), United Nations Population Fund (UNFPA), at ng Commission on Population and Development (POPCOM), iniulat ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang adolescent birth rate sa bansa ngayong taon ay bumaba na sa 25 kada 1,000 kababaihan, mas mababa sa naunang 2022 target na 37 kada 1,000 kababaihan. Ngunit ayon sa opisyal ng DOH, nananatili pa ring mataas ang bilang ng mga teenage pregnancies o maagang pagbubuntis sa bansa.
Matatandaang nagbabala rin ang UNFPA na mas hirap makatapos ng pag-aaral ang kababaihang nagdalang-tao bago ang edad na 18. Para kay Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, kailangang suriin ng pamahalaan kung nakakapagpatupad nga ba ito ng epektibong sexuality education sa mga paaralan.
Inihain ngayong taon ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No.13 na layong repasuhin ang saklaw at pagiging epektibo ng kasalukuyang polisiya ng Department of Education (DepEd) sa Comprehensive Sexuality Education (CSE).
Sa kabila ng pagkakaroon ng Department Order (D.O.) No. 31 s. 2018 upang gabayan ang pagpapatupad ng CSE, pinuna ng UNFPA ang matagal na integration nito sa K to 12 curriculum. Lumabas din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang ilan sa mga kakulangan sa pagpapatupad ng RH education, kabilang ang hindi sapat na manpower, pasilidad, pagsasanay, instructional materials, at iba pa.
“Bagama’t may nakikita tayong pagbaba sa bilang ng mga maagang pagbubuntis, kailangang masuri pa rin natin kung paano natin tinuturuan ang ating mga kabataang kababaihan na iwasang malagay sa sitwasyon ng pagiging mga batang ina,” ani Gatchalian.
“Mahalagang mapigilan natin ang paglobo ng mga bilang ng maagang pagbubuntis sa mga kabataan, lalo na’t ang mga batang ina ay madalas hindi nakakatapos ng kanilang edukasyon at napagkakaitan ng magandang kinabukasan,”dagdag na pahayag ng mambabatas.