27.3 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 11, 2024

Gatchalian: Paghubog sa cybersecurity experts dapat simulan sa basic education

- Advertisement -
- Advertisement -

Habang binabalak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mag-alok ng mga short-course training programs para sa mga cybersecurity experts at mga software engineers, nanindigan naman si Senador Win Gatchalian na ang paghubog sa mga eksperto ng cybersecurity ay dapat magsimula sa basic education.

Dahil sa panganib na hinaharap ng Pilipinas pagdating sa mga cybercrimes, giniit ni Gatchalian na kailangang punan ang kakulangan ng cybersecurity experts sa bansa. Ayon kasi kay DICT Secretary John Ivan Uy, meron lamang 200 certified cybersecurity experts sa bansa kumpara sa 3,000 ng Singapore.

Binigyang diin ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education na kailangang itaas ang enrollment rate sa Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM) strand ng senior high school, kung saan maaaring magmula ang magiging mga eksperto sa cybersecurity. Aniya, meron lamang 612,857 na mga mag-aaral sa senior high school sa STEM strand o katumbas lamang ng 16% ng senior high school enrollment.

“Sa sistema natin ng basic education kung saan maaaring magmula ang mga eksperto ng cybersecurity, may kakulangan na tayo,” ani Gatchalian, na iminungkahing ituro nang maaga ang mga kaalaman hinggil sa cybersecurity.

“Pagdating sa coding, halimbawa, tingin ko ay dapat ituro ito sa junior high school para magkaroon ng karanasan ang ating mga mag-aaral at pagdating nila sa senior high school, maaari na silang makagawa ng mga mas komplikadong gawain. Pagdating sa kolehiyo, maaari na silang magkaroon ng specialization sa iba’t ibang larangan,” dagdag ni Gatchalian.

Inihain din ni Gatchalian ang Senate Bill No. 476 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act na layong magpatayo ng math and science high. school sa lahat ng probinsya ng bansa.

Ngayong taon, iniulat ng cybersecurity company na Kaspersky Security Network na para sa taong 2021, mahigit 50 milyong web threats ang napigilan sa Pilipinas na pang-apat sa mga bansang itinuturing na top targets ng mga cybercriminals. Lumabas din sa naturang ulat na ang mga cyberthreat sa bansa ay umakyat na sa 433% mula 2017 hanggang 2021.

Binigyang diin din ni Gatchalian ang panganib na dulot ng mga cyberthreats aa ekonomiya ng bansa. Noong 2021, lumabas sa isang pag-aaral ng digital communications technology conglomerate na Cisco na 57% ng mga small and medium-sized na mga negosyo sa bansa ang nakaranas ng cyberattack, 73% sa mga ito ang nakawala ng customer information. Sa mga negosyong ito, 28% ang nagsabing nagdulot ito ng kawalang umabot sa $500,000 samantalang 10% naman ang nagsabing nawalan sila ng $1 million o higit pa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -