28.1 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Gatchalian: Tiyakin ang mabilis na daloy ng mga sasakyan sa tollgates sa gitna ng posibleng exodus

- Advertisement -
- Advertisement -

Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa mga pangunahing tollway sa bansa na tiyaking walang magiging aberya sa Radio Frequency identification (RFID) cards sa anumang Easytrip at Autosweep stations kasunod ng inaasahang exodus ng mga sasakyan galing ng mga probinsya pabalik ng Metro Manila na maaaring magdulot ng matinding pagbagal ng trapiko.

Kahit ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ay nangangamba sa inaasahang dagsaan ng mga sasakyan pagsapit ng Enero 2, isang araw bago ang pasukan sa susunod na araw.

“Kailangang siguruhin na magiging madali sa mga biyahero ng major tollways ang daloy ng trapiko pabalik ng Metro Manila mula sa mga probinsya at maiwasan ang system glitch sa RFID cards sa anumang Easytrip at Autosweep stations,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi rin ng senador na habang maganda ang karanasan ng mga motorista sa paggamit ng mga pangunahing tollways tulad ng South Expressway, North Expressway, Tarlac–Pangasinan–La Union Expressway (TPLEX), at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), at iba pa, mayroon pa rin aniyang nagrereklamo ng traffic build-up sa ilang mga tollgate.

Dagdag pa rito, nanawagan din si Gatchalian sa pamunuan ng mga tollway na ito na pabilisin ang pagpapatupad ng Phase 3 ng Toll Interoperability Project ng gobyerno na magbibigay daan sa mga motorista na gumamit ng iisang RFID sticker na lamang sa mga pangunahing expressway.

Sa ilalim ng Phase 1 ng toll interoperability project, madali nang mabasa ang mga Autosweep tag ng Easytrip system gamit ang dalawang account habang sa pangalawang yugto ng naturang proyekto, dalawang RFID wallet ang ipinambabayad sa mga toll na may isang solong RFID sticker na nababasa ng mga sensor sa lahat ng tollgate.

Kasama sa ikatlo at huling yugto ng proyekto ang pagpapatupad ng isang sticker ng RFID para sa lahat ng mga expressway at isang mobile wallet.

“Kailangan nating gawing hindi stressful at mas madali ang paglalakbay para sa ating mga motorista. Kailangan din natin ang maayos na sistema sa trapiko sa hangaring mapalakas ang sektor ng turismo at mapalago ang buong ekonomiya ng bansa,” dagdag ng mambabatas.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -