28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Gatchalian sa mataas na presyo ng agri products: Lumikha ng task force kontra smugglers, hoarders

- Advertisement -
- Advertisement -

Nanawagan si Senador Win Gatchalian na bumuo ng task force na tutulong sa pag-aresto sa talamak na smugglers at hoarders ng mga produktong pang agrikultura, sibuyas halimbawa. Aniya, ang task force ay dapat na pamunuan ng Department of Agriculture (DA) kasama ng National Bureau of Investigation (NBI).

“Malinaw na mayroong kakulangan sa suplay ng sibuyas, pero patuloy ang pagtaas ng presyo kahit na may pumapasok na karagdagang suplay sa merkado,” sabi ni Gatchalian.

Ayon sa kanya, maaaring may mga grupo o indibidwal na nag-iimbak ng suplay at nagmamanipula ng mga presyo upang itulak pa pataas ang presyo ng sibuyas. Ibinahagi niya na kamakailan lamang ay bumili siya ng kalahating kilo ng sibuyas sa halagang halos 500 pesos na.

“Hindi lang households ang natatamaan dito kundi pati mga maliliit na negosyante. Kailangang maimbestigahan ang isyu ng smuggling sa bansa at masampahan ng kaso ang mga smugglers ng economic sabotage,” ani Gatchalian.

Muling iginiit ng mambabatas na magpapatuloy ang mga smugglers sa kanilang mga iligal na aktibidad maliban kung matunton ng gobyerno ang mga big-time smugglers at masampahan sila ng kaukulang kaso.

“Sa nakikita kong datos, mababa ang conviction rate at ‘yan ang isang titignan namin sa Ways and Means Committee. Titignan namin ‘yung mga ini-import at magkano ang ibinabayad na buwis at kung ilan na ba ang nakakasuhan. Titignan din natin kung ano ang nagiging problema ng Bureau of Customs (BOC) kasi kung walang napaparusahan, uulit at uulit lang ang mga smugglers,” ayon sa senador na chairman ng Senate Ways and Means Committee.

“Masama ang epekto ng smuggling sa ekonomiya hindi lamang dahil sa nawawalan ng kita ang gobyerno dahil sa hindi nakokolektang mga buwis. Sinisira din ng smuggling ang market dynamics ng mga lokal na produkto. Kailangan natin ng malakas na pagpapatupad ng mga umiiral na batas para mabisang matugunan ang isyung ito at maprotektahan ang mga lokal na producer,” dagdag niya.

Ang Republic Act 10845, na kilala rin bilang An Act Declaring Large-Scale Agricultural Smuggling as Economic Sabotage, ay naging batas noong 2016. Gayunpaman, ang smuggling ng mga produktong agrikultura ay patuloy na pumapasok sa bansa nang walang tigil. Bukod sa sibuyas, ang mga produktong pang-agrikultura na ipinupuslit sa bansa ay kinabibilangan ng asukal, mais, baboy, manok, bawang, karot, isda, at ilang mga gulay, ayon sa datos ng Department of Agriculture.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -