30.2 C
Manila
Linggo, Marso 3, 2024

Gatchalian pinaiimbestigahan sa Blue Ribbon ang pagpili ng PAGCOR ng 3rd party auditor ng mga POGO

- Advertisement -
- Advertisement -

Nais ni Senador Win Gatchalian na magsagawa ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y maanomalyang pagpili ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng isang third party na auditor na namamahala sa pagtukoy ng gross gaming revenue ng Philippine Offshore Gaming Operators o mga POGO sa bansa.

Sa isang resolusyon na inihain noong Enero 30, sinabi ni Gatchalian na dapat tukuyin

ang anumang pananagutan at magsagawa ng amendment sa procurement laws, kung kinakailangan, hinggil sa umano’y iregularidad sa pagpili sa Global ComRCI Consortium, ang third party auditor na kinontrata ng PAGCOR para sa industriya ng POGO.

“Kailangang suriin ang tila maanomalyang kontratang pinasok ng naturang ahensiya ng gobyerno at ang paggasta nito upang mapanatili ang tiwala at kumpiyansa ng mga tao sa gobyerno,” sabi ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Ways and Means.

Inihain ni Gatchalian ang resolusyon kasunod ng mga natuklasan sa nakaraang mga pagdinig na isinagawa ng komite na nagpapakita na ang PAGCOR ay nabigo na sumunod sa mga umiiral na mga batas at panuntunan sa kontratang pinasok nito sa third party auditor noong 2017. Ang kontrata ay nagkakahalaga ng P6 bilyong sa loob ng sampung taon.

“Kailangang busisiin nang maigi ang kwestiyonableng pagpili sa Global ComRCI bilang third party auditor ng mga POGO. Kung mayroong paglabag sa batas, kailangan ring malaman kung sino ang mga nagkasala o lumabag sa batas,” ayon sa senador.

Halimbawa, ang mga batas sa pagpili ay nangangailangan ng isang kontratista na mayroong operating capital na hindi bababa sa P1 bilyong. Para makasunod sa naturang requirement, nagsumite ang third party auditor na Global ComRCI ng bank certification na inisyu ng Soleil Chartered Bank na kalaunan ay nakumpirmang hindi awtorisadong mag-isyu ng naturang bank document dahil hindi ito rehistrado sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Dagdag pa rito, pinatunayan ng Securities and Exchange Commission (SEC) na walang korporasyon o partnership na nakarehistro sa ahensiya sa ilalim ng pangalan ng Global ComRCI. Gayundin, ang opisina at lugar ng operasyon nito ay hindi matagpuan at hindi man lang nakakuha ng mga business permit mula sa mga lokal na pamahalaan ng Makati at Maynila kung saan sinasabing nag-uupisina ito.

Binigyang-diin din ni Gatchalian na ang kakulangan ng technical capability ng third party auditor para matukoy ang tamang gross gaming revenue ng mga POGO sa bansa ay maaaring humantong sa underpayment ng 2% franchise fee sa PAGCOR at 5% gaming tax sa Bureau of Internal Revenue ( BIR).

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -