Muling siniyasat ni Senador Win Gatchalian ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ipakita ang kakayahan nito na tumugon sa anumang posibleng monetary crisis at iba pang katulad na hamon kung mabibilang ito sa mga institusyong magbibigay ng kapital para sa Maharlika Investment Fund (MIF) at sakaling ang sarili nitong capitalization ay maantala.
Ang naturang pagsisiyasat ay kasunod ng impormasyong makakamit lang ng BSP ang layunin nitong full capitalization pagkatapos ng 17 taon kung gagamitin ang mga dibidendo nito para sa pagpopondo sa MIF. Ang BSP ay may mandato sa ilalim ng Republic Act 11211, o ang Act Amending the New Central Bank Act, na magtaas ng capitalization mula P50 bilyon hanggang P200 bilyon mula sa idineklara nitong mga dibidendo.
Napag-alaman din ng senador na aabutin lamang ng 8 taon ang BSP para punan ang target nitong kapitalisasyon kung wala itong mandato na mag-ambag ng mga dibidendo sa MIF. Lumalabas na siyam na taon ang magiging delay ng kapitalisasyon ng BSP.
“Ang lubos kong ikinababahala ay ang kakayahan ng BSP na tumugon sa panahon ng mga hamon sa pagbabangko. Ang laki ng industriya ng pagbabangko ang dahilan kung bakit kailangan nating palakihin ang capitalization ng BSP. Ang sinasabing pagkaantala nito ng halos 2 dekada ay hindi nagbibigay sa akin ng kumpiyansa na walang masamang mangyayari sa susunod na 17 taon. Anumang bagay ay maaaring mangyari sa susunod na 17 taon. Kaya naman mas makakabuti sa atin kung mapunan natin agad ang buong capitalization ng BSP,” giit ni Gatchalian.
“Kung may problema sa sistema ng pagbabangko, sabihin nating krisis sa pera, handa ba tayong harapin ang lahat ng mga hamon na iyon? Kailangan nyong ipakita sa amin na kapag dumating ang worst-case scenario, handa ang BSP na labanan ang mga hamong iyon,” sabi ng senador sa BSP.
“Maaari nyo bang ipaliwanag kung bakit handang talikuran ng BSP ang 9 na taon ng capitalization build-up para lang magbigay daan sa pagpopondo sa MIF. Anong mga safeguards ang meron tayo para maprotektahan ang industriya ng pagbabangko?”, tanong ni Gatchalian sa BSP.
Binigyang-diin ng senador na kailangang ipakita ng BSP na kahit na sa pinakamasamang sitwasyon, ang institusyon ay handang tumugon sa mga hamon kahit na maantala ang buong capitalization nito. Sa naunang pahayag, sinabi rin ni Gatchalian na ang pagsasapribado ng mga ari-arian ng gobyerno ay mas lohikal at hindi gaanong kontrobersyal na pagkukunan ng pondo para sa MIF.