32.4 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 8, 2024

Pagpapalit ng petsa ng Araw ng Kalayaan, hindi dulot ng sama ng loob

Sulyap sa nakaraan kung bakit Hulyo 4 noon, Hunyo 12 na ngayon

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng nakaambang panganib na posibleng maging dulot na Bulkang Mayon at maging mga kakaibang aktibidad ng Bulkang Kanlaon sa Negros at Taal,Batangas, tuloy ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. (Basahin ang kaugnay na artikulo tungkol sa Bulkang Mayon sa Pangunahing Balita ng Pinoy Peryodiko).

Napapanahon ang pagdiriwang na ito para maipaalala ang kabayanihan ng mga Pilipino na nagpalaya sa mga Pilipino sa pananakop ng Espanya sa loob ng 333 taon. Mahalaga ring malaman ang nakaraan para maging matapang sa pagharap sa mga pagsubok ng kasalukuyan. Wika nga ni Dr. Jose Rizal, “Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.”

Ang bahay ni Pangulong Emilio Aguinaldo sa Kawit kung saan idineklara ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. KUHA NI J. GERARD SEGUIA

Ito rin ang magpapalaya sa kakulangan ng kaalaman na nagdudulot ng takot na walang basehan. Katulad na lamang ng kasaysayan kung bakit ang pagdiriwang ay naging Hunyo 12 mula Hulyo 4. Ayon kay Pangulong Diosdado Macapagal na siyang nagpapalit ng petsa, eto ay isang matalinong desisyon na hindi base lamang sa “sama ng loob.”

Kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946

Ayon sa https://www.officialgazette.gov.ph/featured/republic-day/about/, pormal na kinilala ng Estados Unidos ang Kalayaan ng Republika ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946. Ito ang pagwawakas ng proseso na sinimulan noong 1916 kung saan sa Jones Law ay ipinangako ang tuluyang pagkilala sa kalayaan ng Pilipinas o ang Tydings-McDuffie Act o Philippine Independence Act noong 1934. Nakasaad dito ang 10 taong paghahanda sa tuluyang kalayaan ng Pilipinas. Isinagawa ito ni Manuel Roxas na muling nanumpa bilang pangulo ng Pilipinas, na nagpapawalang-bisa sa pagkilala sa Estados Unidos na kinakailangan para lumaya.

Ang Kalayaan ng Pilipinas—at ang inagurasyon ng Ikatlong Republika—ay naging hudyat ng muling panunumpa ni Pangulong Roxas, ngayon bilang kauna-unahang Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Ang Kongreso at ang Komonwelt ang unang naging Unang Kongreso ng Republika, at kinilala na ito ng buong mundo dahil maraming pamahalaan na ang nakipagkasundo sa bagong republika. Mula noong Hulyo 4, 1946, ipinagdiwang na ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas taon-taon hanggang 1962.

Paglilipat mula Hulyo 4 sa Hunyo 12

Taong 1962, nag-isyu si Pangulong Diosdado Macapagal ng Proclamation No. 28, s. 1962, na dagling nagpapalipat ng petsa ng Araw ng Kalayaan mula Hulyo 4 sa Hunyo 12—ang petsa kung kailan na-proklama ang Kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya sa tahanan ni Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite noong 1898.

Sa kanyang proklamasyon, sinabi ni Pangulong Macapagal “the establishment of the Philippine Republic by the Revolutionary Government under Emilio Aguinaldo noong Hunyo 12, 1898, marked our people’s declaration and exercise of their right to self-determination, liberty and independence.” (“ang pagtatatag ng Republika ng Pilipinas ng Pamahalaang Rebolusyonaryo sa ilalim ni Emilio Aguinaldo noong Hunyo 12, 1898 ay sagisag ng deklarasyon ng mga Pilipino upang igiit ang kanilang karapatan na magpasya para sa sarili, kalayaan at pagsasarili.”)

Pinagtibay din ni Macapagal ang pananaw ng mga historyador at maraming political leader na ang araw ng pagkakatatag ng bansa ay dapat Hunyo 12, dahil ang Hulyo 4 ay pagpapanumbalik lamang nito.

At isa pa, ang pagpapalipat ay ginawa dahil na din sa pagtanggi ng U.S. House of Representatives sa iminungkahing $73 milyong dagdag na war reparation bill para sa Pilipinas noong Mayo 28, 1962. Ang pagtanggi, ayon kay Pangulong Macapagal ay nagdulot ng “galit sa mga Pilipino” at “pagkawala ng kabutihan ng mga Amerikano sa Pilipinas.” Ipinaliwanag niya na napapanahon na upang isulong ang pagbabago ng petsa ng kalayaan, isang pampulitikang hakbang kahit bago pa siya manalo sa pagkapangulo.

Ayon kay Macapagal, “I decided to effect the change of independence day at that time not as an act of resentment but as a judicious choice of timing for the taking of an action which had previously been decided upon” (“Nagpasya akong gawin ang pagpapalit ng araw ng Kalayaan noong panahon na iyon hindi dahil sa sama ng loob kundi bilang isang matalinong pagpapasya sa isang aksyon na dati nang napagpasyahan.”}

Samantala, hindi agad ipinasa ng Kongreso ang panukala ayon sa batas. Si Rep. Ramon Mitra Sr. ang nagsulong na aprubahan ng Kamara ang June 12 independence day bill. Ang panukalang batas ay inakda nina Rep. Mitra at Rep. Justiniano Montano. Nakausap din ni Pangulong Macapagal si Senador Gerardo Roxas, anak ni Pangulong Roxas. Nabahala si Macapagal na hindi tuwirang sumang-ayon ang Senador sa panukalang batas dahil ang “historical focus sa unang Panguluhan ng Republika ay maaaring lumipat mula Roxas kay Aguinaldo.

“Tila, ang pagkaantala ay hindi dulot ng sama ng loob ngunit sa halip, dahil sa pagnanais ng ilang mambabatas na mapanatili ang ilang kahalagahan para sa Hulyo 4. Isang pagkakasundo ang naging resulta kung saan ang Kongreso ay nagpasya na isama ang isang probisyon sa panukalang batas na gawing Hulyo 4 ang “Araw ng Republika.”

Pagkatapos noon, taong 1964, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act No. 4166 noong 1964, na pormal na nagtakda sa Hunyo 12 ng bawat taon bilang petsa ng Kalayaan ng Pilipinas. Kasabay nito, ang Hulyo 4 ay itinalaga bilang Araw ng Republika, ang petsa ng pundasyon para sa ating moderno at malayang republika. Mula 1964 hanggang 1984, ang Araw ng Republika ng Pilipinas ay ipinagdiriwang bilang isang pambansang holiday.

Mula Philippine-American Friendship Day sa Araw ng Republika

Nagsimula ang pagdiriwang ng Philippine-American Day sa bisa ng Proclamation No. 212, s.1955 na itinatag ni Pangulong Ramon Magsaysay. Nang sumunod na taon, sa bisa ng Proclamation No. 363, s. 1956, ang pagdiriwang ay naging taunang kaganapan.

Sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos, ang Philippine-American Day ay naging Philippine-American Friendship Day at inilipat sa Hulyo 4 at hindi na ipinagdiwang ang Republic Day. Nang mag-isyu si dating Pangulong Marcos ng Proclamation No. 2346 s. 1984, ito ay naging Philippine-American Friendship Day na naging working holiday.

Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Corazon C. Aquino, ang pagdiriwang ng Philippine-American Friendship Day at Philippine Republic Day bilang non-working holiday ay tuluyan nang inalis. Hindi isinama sa mga non-working holidays ang Hulyo 4 sa Administrative Code of 1987.

Taong 1996, muling ginunita ni Pangulong Fidel V. Ramos ang anibersaryo ng Araw ng Republika sa pamamagitan ng Proclamation No. 811, s. 1996, hindi isang holiday kung hindi isang pampublikong selebrasyon upang gunitain ang ika-50 taon ng Kalayaan. Noong Hulyo 4, 2015, ang Pilipinas ay naging malayang bansa sa loob ng 69 taon.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -