28.3 C
Manila
Martes, Oktubre 22, 2024

Saan ako: Talo-talo na ngayon kay Gibo?

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

Hindi kami personal na magkakilala ni Secretary of National Defense Gilbert Teodoro Jr., ni ang minsan man lang ay nagkaroon kami ng direktang ugnayan. Subalit sa huling dalawang nakaraan niyang laban sa pulitika, lantaran kong ipinahayag sa aking mga sulatin ang pagsuporta sa kanyang kandidatura. Una, sa eleksyong pampanguluhan noong 2010. Udyok iyon ng leksyon na natutunan ko sa kasaysayan na sa hanay ng mga kandidato bilang pangulo, si Gibo ang, sa salitang kalye, ‘nagkaregla’ na manalo.

Bilang dating Kalihim ng Tanggulang Pambansa, siya ang may pangkasaysayang huwaran upang manalo. Dating Defense Secretary si Ramon Magsaysay bago mahalal na presidente noong 1954. Ganun din si Presidente Fidel V. Ramos nang manalong pangulo noong 1992. Dagdag na huwaran para kay Gibo ay ang paghalili ni FVR sa isang babaeng presidente, na si Corazon C. Aquino. Ang pangulong hahalinhan noong 2010 ay babae rin, si Gloria Macapagal Arroyo. Matay kong isipin, walang katalo-talo si Gibo. Kung bakit nangulelat pa nga. Saan nagkamali ang kasaysayan?

Halungkat uli ang utak ko ng regla sa kasaysayan. Nanalong presidente si Benigno Aquino 3rd na talamak ang naging pagkatig sa Kano sa alitan nito sa Tsina. Si PNoy ang nagtulak sa arbitral case ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) na noong 2016 ay pinagpasyahan laban sa Tsina. Ang kapasyahan na iyon ang ipinagpipilitan ngayon ng Amerika na isulong ng administrasyon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong” R. Marcos Jr. sa pag-igting ng hidwaang Estados Unidos-Tsina sa South China Sea. Sa panahon din ni PNoy, noong 2014, inaprubahan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ang pinakamainit na isyu ngayon sa ugnayan ng Tsina at Pilipinas.

At sa init na yan, walang kaabug-abog, biglang umarangkada si Gibo: “Ang teriyoryo natin ay teritoryo natin.”

Sabihin mo iyan sa Tsina na ganon din ang pag-angkin sa rehiyon, di ba naghahamon ka?


Alam ba ni Gibo na ang pinapasok niya ay ang mismong sabwatang bumigo sa ambisyon niyang maging pangulo noong 2010?

Sa panahong iyun, ginawa ng Estados Unidos ang planong giyera sa Ukraine. Kaugnay ng plano, kailangang guluhin ang Tsina, at mabisang panggulo ay ang agawan sa teritoryo sa South China Sea sa pagitan ng Tsina at Pilipinas. Samakatwid, kailangan ang presidenteng Pilipino na magiging sunud-sunuran sa Amerika.

2014 nang planuhin ng Amerika ang giyera sa Ukraine.

2014 nang aprubahan ni PNoy ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na tulad ng plano ng Amerika ay totoong gumugulo ngayon sa Tsina habang palala naman nang palala ang giyera sa Ukraine na noong nakaraang linggo lang ay sinaksihan na ng pag-atake ng Ukraine hanggang sa Moscow.

- Advertisement -

Hindi si PNoy ang tumalo sa mga kalaban noong 2010. Ang Amerika.

Sa katunayan, ilang beses nang Amerika ang nagpasya kung sino ang magiging presidente ng Pilipinas? Simulan mo kay Cory na iniluklok sa poder ng People Power na sino pa ba ang nagmaniobra kundi Kano. Sumunod si FVR, mapagdududahan pa ba ang pagiging Amboy? Si Erap totoong halal ng bayan, subalit dahil sa pagsuway sa utos ni Bill Clinton na huwag salakayin ang Camp Abubkar ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), siya ay inimpeach sa pagtatapos ng 2000, na kung kaya naka-halili bilang presidente si Gloria Macapagal Arroyo.

Sa ngayon, lantaran na ang pagkatig ni Presidente Bongbong sa Amerika sa tunggalian nito sa Tsina. Sa harap ng matinding pagbatikos ng Tsina, pinanindigan niya ang pagkakaloob sa Amerika ng apat pang karagdagang “pinagkasunduang pook” sa loob ng mga kampo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang gawing base militar ng Amerika na ayon sa kasunduan ay hindi maaaring pakialaman ng awtoridad ng Pilipinas. Na para bang Kano ang talagang may-ari ng mga kampo ng AFP.

Mabuti pa noong panahon ng amang Marcos, ang mga base militar ng Amerika, tulad ng Clark Airbase at Subic Naval Base, ay pinagbabayad ng renta. Nakahandang muling itaas ni Marcos ang upa sa mga base militar na ito noong 1985, kung kaya noong 1986 minaniobra ng US ang People Power Revolt na nagpabagsak sa kanya.

Sa ilalim ng EDCA, hindi lang libre ang paggamit ng Amerika sa kampo ng AFP kundi sisingilin pa sa Pilipinas ang mga gastusin sa pagtatayo ng mga pasilidad oras na iniwan na ito ng Amerika.

Dalawa sa apat na tinaguriang “EDCA sites”ay ang Camilo Osias Naval Base sa Bayan ng Sta. Ana at ang La-lo Airport sa Bayan ng La-lo kapwa nasa Cagayan, na ang Taiwan Strait lamang ang pagitan sa Mainland China. Kung kaya nagpupuyos sa galit ang Tsina dahil nga naman lantaran na itong pag-umang ng giyera sa kanya. Ganun pa rin ang isa pa sa apat, ang Kampo Melchor de la Cruz na nasa Isabela, nakapuntirya pa rin sa Tsina. Ang pang-apat na nasa Palawan ay maliwanag na ang tinutudla ay ang mga kampo militar ng Tsina na nasa South China Sea.

- Advertisement -

Hindi na pagtatalunan pa. Hindi mag-aatubili ang Tsina na gamitin ang kanyang makapangyarihang arsenal ng sandata upang supilin ang maliwanag na intensyon ng mga dagdag na EDCA kampo militar. Hindi rin malayong mangyari na unahan na ng Tsina ang Amerika, tulad ng ginawa ng Russia sa Ukraine noong Pebrero ng isang taon. Inunahan ng Russia ang US-NATO sa intensyon nitong pagmiyenbruhin na ang Ukraine sa NATO. Hanggang ngayon nakabitin pa ang pagsapi ng Ukraine sa NATO. Dahil ito sa patakaran ng NATO na ang pag-atake sa isang kasapi ay pag-atake sa buong NATO, na kung kaya oras na maging miyembro ang Ukraine ng NATO, ang giyera sa Ukraine ay kagyat na sasambulat na giyera sa buong Europa. Ang pagbinbin sa pagsapi ng Ukraine ay nagpapahiwatig na ang NATO ay hindi pa handa para dito.

Bakit?

Hindi pa ganap ang mga paghaganda sa rehiyon ng South China Sea. Base sa mga naipahayag na programa, kakailanganin ang anim na taon upang makumpleto ang paghahanda sa mga dagdag na tinaguriang EDCA sites.

Anim na taon!

Ang buong termino ni Pangulong Marcos!

Diyos ko po!

Si Bongbong ay ginawang presidente upang gawing turnilyo sa makina ng giyera ng Amerika laban sa Tsina!

Iyan ang makinang pagtuturnilyuhan din ngayon kay Gibo. Maaatim ba niya?

Walang dudang kwalipikado siya. Napakaningning ng kanyang rekord sa akademya at serbisyo publiko: lider ng Kabataang Barangay sa buong Central Luzon, nagtop sa Bar noong 1989, pumasa rin sa bar sa New York, bago tatlong terminong sunud-sunod na kinatawan ng Tarlac sa Batasang Pambansa hanggang sa mahirang ni Presidente Arroyo bilang Kalihim ng Tanggulang Pambansa.

Subalit sa usapin ngayon, hindi ang alinman sa mga nabanggit ang mahalaga. Ipinapain ng Amerika ang Pilipinas sa giyera sa Tsina. Ang tanong kay Gibo: Papayag ka ba?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -