MAY posibilidad na ibaba ang volcanic alert level 3 ng Bulkan Mayon sa Alert Level 2, ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) OIC Director Teresito Bacolcol. Ito ay kung ang seismic activity nito at ang sulfur dioxide (SO2) gas emission ay bababa.
“Our monitored parameters are dropping. So we will check if this will be sustained,” (“Bumababa ang mga resulta ng aming mga parameters kaya titingnan namin kung magtutuloy-tuloy ito”) paliwanag ni Bacolcol. (Basahin ang kaugnay na balita sa https://www.manilatimes.net/2023/06/14/news/national/cash-aid-for-mayon-affected-families-eyed/1895986)
Sa kabila nito, pinaalalahanan pa rin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos ang mga evacuees sa Camalig, Albay na manatili sa evacuation center dahil sa nakaambang panganib ng bulkan.
Samantala, pinag-aaralan din Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng cash assistance sa mga evacuees upang maibsan ang kanilang nararanasang hirap. Ayon kay DSWD Secretary Rexlon Gatchalian, magkakaroon sila ng pera pambili ng kanilang mga pangangailangan habang hindi pa sila maaaring bumalik sa kanilang mga tahanan.
Hanggang kailan
Gaano nga ba sila katagal mananatili sa evacuation center? Ito ang tanong ng pag-aalala ng mga evacuees. Para sa pamahalaan, sa ngayon, mas mahalaga ang buhay ng mga evacuees. Kung walang opisyal na pahayag ang Phivolcs na wala nang panganib, hindi pa sila makababalik sa kanilang mga tahanan.
Kasalukuyang nasa Alert Level 3 ang sitwasyon ngayon ng Bulkang Mayon. Para mas maintindihan, alamin natin ang ibig sabihin at ano ang inaasahan sa bawat alert level. Ayon sa Department of Science and Technology (DoST)-Phivolcs, lima ang volcanic alert levels na may iba’t ibang pamantayan at pakahulugan. (Basahin sa https://www.phivolcs.dost.gov.ph/index.php/volcano-hazard/volcano-alert-level).
Mga maaaring asahan sa bawat volcanic alert level
Ang Alert Level 1 ay may bahagyang paglindol sa isang lugar (low level seismicity), mayroong usok at gases na lumalabas sa bunganga ng bulkan (fumarolic) at iba pang mga aktibidad. Maaaring magmatic, tectonic o hydrothermal disturbance ito pero walang nakikitang mangyayaring pagputok.
Kapag Alert Level 2 o nakakabahalang lebel ay mayroon nang mabababa hanggang katamtamang lakas o dami ng paglindol na tuluy-tuloy pero hindi nararamdaman. Maitatala din ang ilang “deformations” sa lupa. May pagtaas ng tubig at/o ‘ground probe hole temperatures,’ bukod sa pagbula ng bungnga ng bulkan. Posibleng maglabas ng magma o tunaw na bato ang bulkan at tuluyang sumabog.
Medyo tumitindi na ang pag-aalboroto ng bulkan kapag itinaas na sa Alert Level 3 (ang kasalukuyang Alert Level ng Bulkang Mayon) at tinatawag itong kritikal na lebel. Magiging madalas ang low frequency na mga lindol at/o “harmonic tremor.” Ilan sa mga ito ay mararamdaman na.
Ayon sa Phivolcs, mayroon itong biglaan o papataas na pagbabago sa temperature, pagbula, pagbuga ng radon gas at pH level mula sa bunganga ng bulkan. Sinusukat ng pH kung gaano ka-acidic o gaano ka-basic ang tubig. Posible ring sabayan ito ng pagbiyak ng lupa at madalas na mga lindol.
Dalawa ang maaaring mangyari kapag level 3 na. Maaaring maging sukdulan ito at magkaroon ng “hazardous eruption” sa loob ng ilang araw o lingo kung kumitindi ang mga aktibidad ng bulkan. Pero kung humina ang mga aktibidad nito, ibababa ito sa Level 2.
Matindi at hindi na panatag ang bulkan kapag nasa Alert Level 4 na. Patuloy na ang mga “seismic swarm” nito kasama ang “harmonic tremor at/o “low frequency na lindol na madalas nang mararamdaman. Ang harmonic tremor ay ang patuloy na paglabas ng seismic at infrasonic energy na madalas maiugnay sa paggalaw ng magma o mga tunaw na bato sa ilalim ng lupa at iba pa. Maglalabas na ito ng maraming usok mula sa mga luma at bagong bitak. Posible na itong magkaroon ng peligrosong pagsabog sa mga susunod na ilang araw.
Nakapipinsalang pagsabog (Hazardous eruption) na ang Alert Level 5 dahil mararanasan na sa lebel na ito ang mga pagbuga ng lava at nagbabagang abo at maging paggapang ng tunaw na bato. Kapag tumagal ang ganito pagsabog, maaari itong lumakas at maging sukdulan.