NAKATUTUWANG isipin na ang simpleng pangarap ng mga magulang ni “It’s Showtime” host Jhong Hilario na makapagtapos siya ng pag-aaral ay kanya nang natupad, hinigitan pa niya ito ng hirangin siyang magna cum laude sa kursong Political Science sa Arellano University.
Ibinida ng aktor sa kanyang Instagram post kahapon (June 15) ang kanyang graduation photo na may caption na, “Virgilio “Jhong” V. Hilario Jr, AB Political Science, Arellano University, Magna Cum Laude,” na sa ngayon ay may halos 200 libong likes na.
Hindi rin pinalampas ng It’s Showtime na batiin si Jhong ng live sa programa, sabi nga ni Vice Ganda, “Achieve na achieve!,” na sinundan pa ng ilang pagbati ng mga hosts sabay group hug.
“Thank you Showtime family, salamat ABS-CBN family.. guys, sa inyong lahat, since day one na nag-start ako, di’ba di ko naman pinapa-announce na nag-aaral ako pero, talagang sinuportahan nyo na ‘ko,” pahayag pa ng host sa Showtime episode kahapon.
Aniya, napakalaking bagay na sinuportahan at pinayagan sya ng programa na lumiban sa show isang beses sa isang linggo para matutukan lamang ang kanyang pag-aaral. Iba din ang dalang hatid na inspirasyon ng kanyang unika-iha na si Sarina dahil na-realize niya ang importansya ng edukasyon nang dumating ito sa buhay niya, dagdag pa ng aktor.
Bukod pa rito, hindi rin nalimutan na pasalamatan ni Jhong ang kanyang partner na si Maia Azores na di umano’y isa sa mga nagtulak sa kanyang tapusin ang pag-aaral, maging ang kanyang mga magulang dahil aniya, “utang ko rin sa mga magulang ko yung pag-aaral, dati nag-pursige sila pero napabayaan ko,” matapos siyang pumasok sa show biz noong 1996.
Sa edad na 46-anyos, ang noontime show host ay hindi lang sa mundo ng entertainment aktibo, nagsisilbi din siya sa Lungsod ng Makati bilang Councilor ng unang distrito nito at kasalukuyan ay nasa ikatlong termino na.
“Maraming, maraming salamat po sa lahat ng patuloy na nagmamahal at sumusuporta. Patuloy po ang pagseserbisyo ng Hilario. 🙏💜 #HilarioCares #TeamUnited #ProudMakatizens,” ayon sa kanyang post sa IG noong Mayo 2022.
Hindi na bago sa pulitika ang pamilya Hilario, ang ama ni Jhong na si Virgilio Hilario Sr. ay naging Councilor din ng nasabing lungsod at ayon sa aktor ay kanyang nagsilbing inspirasyon sa pagpasok sa mundo ng pulitika.
Nagsimula ang karera ni Jhong nang siya ay maging bahagi ng dance group na Streetboys taong 1993. Unti-unti ring napansin ang husay nya sa pag-arte at naging bahagi ng mga pelikula at programa sa telebisyon gaya ng “Muro Ami,” “Dekada ’70,” iba’t-ibang episode ng “Maalaala Mo Kaya,” “Mara Clara,” “FPJ’s Ang Probinsyano,” at marami pang iba.