PATULOY pa rin ang pag-agos ng lava mula sa bunganga ng Bulkang Mayon at pagpapakita ng banaag (crater glow). Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nakapagtala sila ng apat na volcanic quake, 307 rockfall events at 13 dome-collapse pyroclastic density current events sa nakalipas na 24 na oras. Naglabas din umano ito ng 826 tonelada ng sulfur dioxide flux.
Nananatiling alert level 3 ang bulkang Mayon kung kaya’t ipinagbabawal pa rin ang pagpasok ng sinuman sa loob ng anim na kilometrong (6km) radius Permanent Danger Zone at paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan. Babala ng Phivolcs, possible ang pagguho ng bato, pagbagsak ng tipak ng lava o bato, pag-agos at pagtilapon ng lava, katamtamang pagputok at pagdaloy ng lahar lalo na kung umuulan.
Dahil sa mga aktibidad na ito ng Bulkang Mayon, muling ipinaalaala ni Phivolcs chief Teresito Bacolcol na posibleng magkaroon ng malakas na pagputok sa mga darating na araw.
Ayon kay Bacolcol, “it is already technically erupting which is an effusive kind of eruption that is quiet and gentle” ( pumuputok na ito technically na tinatawag na effusive kind na tahimik at mabagal).
Sanhi nito, tumataas ang bilang ng mga lumilikas. Ayon sa Phivolcs noong Biyernes, aabot na sa sa 38,391 ang mga naapektuhan ng pag-aalburuto nito.
Ayon naman sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC) umabot na sa 9,900 pamilya o 38,000 indibidwal na apektado ng pag-aalburuto ng Mayon. Sa bilang na ito, may 5,000 mga pamilya ang nakatira ngayon sa 27 evacuation centers sa buong Albay.
Karamihan sa mga evacuees ay mula sa mga bayan ng Camalig, Ligao City, Daraga, Guinobatan, Malilipot, Santo Domingo at Tabaco City.
Bahagi ng plano ng pamahalaan ang permanenteng paglilipat ng lahat ng apektado ng pagputok ng Bulkang Mayon, pahayag ng NDRRMC.
Sinabi ni NDRRMC Deputy Spokesman Diego Mariano na isa sa mga pinakaligtas na paraan ay lumayo sa bulkan.
Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.na kailangang maglaan ang pamahalaan ng sapat ng ayuda para sa mga evacuees ng hanggang tatlong buwan.