25.7 C
Manila
Miyerkules, Nobyembre 20, 2024

Rizal, Kalinangan, Kalayaan, Kabansaan

Kapangyarihan ng Kasaysayan

- Advertisement -
- Advertisement -

Ipinagdiriwang natin ngayon ang ika-162 taong kaarawan ng ating Pambansang Bayani, Gat Dr. José Rizal.

Ngunit napag-aralan natin na gusto lamang niyang maging probinsya tayo ng Espanya hindi ba? Ayaw ba niya tayong maging ganap na bansa? Ayaw ba niya tayong magsarili? Kung gayon bakit siya ”pambansang” bayani?

Bagong-tuklas na larawan ni Jose Rizal na binigay niya sa kanyang guwardiya na si Jose Taviel de Andrade (Mula sa Koleksyon ni Ambassador Jose Maria A. Carino, awtor ng Jose Rizal, Sculptor)

 

Nagkakasundo ang mga historyador tulad nina Padre John Schumacher, SJ at Floro Quibuyen na nais ni Rizal ng ”step-by-step” na proseso mula paghingi muna ng reporma, at pag naibigay na iyon pagdating ng panahon ay ang mapayapang pag-alis ng Espanya sa Pilipinas.

Kung gayon, kung laban si Rizal sa mga Espanyol, bakit nais niya tayong maging probinsya muna ng Espanya. Maiintindihan ito sa lente ng iskolar na si Manuel Sarkisyanz na nabuhay si Rizal sa tunggalian ng ”Dalawang Espanya”— Ang Kolonyal na Espanya sa Pilipinas na nakagisnan ni Rizal ay atrasado at puno ng pang-aapi.


Ngunit pinalad na si Rizal ay makapag-aral sa Espanya at natikman ang kalagayan doon ng mga tao kung saan may mga kalayaang magpahayag ng kanilang saloobin sa pamahalaan nang hindi nakukulong at may kalayaan itakda ang direksyon ng kanilang buhay ang mga mamamayan. Nakita ni Rizal, ayon kay Benedict Anderson, ang “spectre of comparison”— ang demonyo ng paghahambing. Nakalasap si Rizal at ang mga kasama niyang propagandista ng mga kalayaan at nais nilang dalhin ito sa kanilang mga kababayan sa Pilipinas.

Nang dahil sa kalayaan, nagkaroon sila ng pambihirang pagkakataon hindi lamang upang paunlarin ang kaalaman para sa sarili, kundi tuklasin ang mga aklatan upang isulat ang ating kasaysayan. Nagkaroon sila ng panahong magsulat ukol sa kalagayan ng bansa. Sina Pedro Alejandro Paterno ay nagsulat ng unang nobelang Pilipino na Ninay at isinulat ang La Antigua Civilizacion Tagalog, ang unang aklat ukol sa kasaysayan ng ating mga ninuno na sinulat ng isang Pilipino. Nabasa ito ni Rizal at tinalbugan naman niya nang isulat niya ang kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo at ang mga anotasyon niya kay Morga na nagpapakita na may kalinangan at kaginhawahan na tayo bago pa dumating ang dayuhan.

Ngunit may problema sa dalawa. Nalimita sila sa kanilang pananaw ng kanilang edukasyong Kanluranin. Para kay Paterno, may kultura na ang mga ninuno natin pero lalo itong naging pino nang humalo dito ang kulturang kolonyal. Para kay Rizal, dahil ang agenda niya ay bigyan tayo ng mga reporma ng mga Espanyol, sinabi niyang hindi muna dapat isama sa pagkabansa ang mga katutubo. Kailangang ipakita na nagiging katulad na ng mga Espanyol ang mga Pilipino.

 

- Advertisement -
Orihinal na edisyon ng anotasyon sa Morga na binigay ni Rizal sa kanyang guwardiya na si Jose Taviel de Andrade (Mula sa Koleksyon ni Ambassador Jose Maria A. Carino, awtor ng Jose Rizal, Sculptor)

 

Dito nakipagdebate sa kanya sa panulat ang nasa Pilipinas noon na si Don Isabelo de los Reyes. Inangkin ni Don Belong, ”Ako ay kapatid ng mga nasa kagubatan” (I am a brother of the wild). Mas lubog kasi siya sa bayan at hindi nakapagtataka na pagdating ng panahon, siya ang magiging Ama ng Unyonismo ng mga Manggagawa sa Pilipinas. ”Grounded” kasi siya, tulad sa termino ng historyador na si Ian Alfonso. Hindi komo si Rizal ay si Rizal ay lagi siyang tama.

Napahiwalay ang kamalayan ng mga ilustrado sa karaniwang Pilipino dahil sa kanilang mga natutunan. Hindi na nila naiintindihan ang bayan. Sa termino ngayon, mayroon silang ”elitismo.” Ganoon talaga, may konteksto ang lahat.

Ngunit bakit si Rizal ang pambansang bayani sa puso ng mamamayan, kasi naging iba ang pagbasa ng bayan kay Rizal. Malaki ang papel dito ni Andres Bonifacio na inangkin siya sa pamamagitan ng pagsalin sa mga akda ni Rizal sa paraang maiintindihan ng mga tao. Gamit ang wika at kultura ng bayan, ang mga anotasyon ni Rizal sa Morga ay nilagom ni Bonifacio sa ”Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog,” at and kanyang sanaysay na ”El Amor Patrio” ay nilagom bilang tulang ”Pag-ibig sa Tinubuang Bayan.” Si Bonifacio rin ang unang nagsalin ng ”Mi Ultimo Adios” tungo sa “Huling Pahimakas” kaya naman naintindihan ng mga rebolusyunaryo ang pangunahing mensahe ni Rizal at kasamga ng mga ideya ni Bonifacio at Jacinto nagkaisa ang diwa ng marami upang mabuo tayo bilang isang bansa.

Kultura ang naging instrumento sa pagbubuo ng mga Pilipino tungo sa pambansang rebolusyon: sa pamamagitan ng mga tula, awit, nobela, likhang sining at kasaysayan.

Sa mga pagkakataong hindi maintindihan ng ilan sa mga elit ang saloobin ng bayan, doon naghahari ang kaliluhan sa isa’t isa. Pinaghihiwalay tayo ng pulitika. Ngunit ang kultura at totoong kasaysayan ang magkakaisa muli sa atin. Hindi perpekto ang pagkakaisa ngunit magkaintidihan man lamang tayo tungo sa pangarap ng mga bayani – La Solidaridad! Solidarity! Hindi na sapat ang unity lamang.

- Advertisement -

Nagkakasundo tayo sa simpleng paggalang sa watawat, hilig sa pagkain, OPM. Iba-iba man ang lokal na mga kultura natin, tayong lahat ay nagmumula sa kultura ng paglalayag ng ating mga ninunong Austornesian — mula Luzon, Visayas, Mindanao at maging ang mga Moro, ay may pinagsasaluhan tayong kultura. Pinag-iisa din tayo ng mga kuwento natin ng pagtindig laban sa mga mananakop tulad noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ayon nga sa awitin ni Kent Charcos, ”Samo’t saring iisa.”

Matapos ang isang pamanghating halalan ng 2022, nag-usap-usap muli tayo bilang bansa sa panonood ng teleserya na ”Maria Clara at Ibarra,” muli batay sa mga nobela ni Rizal. Siya muli ang nagkaisa sa bansa.

Ang maghihiwalay sa atin ay ang sobra-sobrang nasyonalismo (nagdulot ng pagwasak sa kapwa tulad ng nangyari sa holocaust sa Europa), sobra-sobrang paniniwala na wala na sa lugar at walang katibayan. Dapat yung tama lang, yung hindi “extreme” at dapat laging “grounded” sa ating kultura — doon lamang tayo tunay na lalaya at giginhawa.

Kapag nag-usap-usap tayo, doon lang tayo mabubuo, titibay at doon na tayo makakaharap sa globalisasyon at magkakaroon ng tunay na pagsasarili. Makakaharap lamang tayo sa mundo kung kilala natin ang ating sarili at buo tayo. Mamahalin lang natin ang bayan kung kilala natin siya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -