PATULOY na bumababa ang kalidad ng lupang pangsakahan sa Pilipinas dahil sa maling paggamit ng fertilizers at pesticides na nagiging dahilan ng polusyon sa lupa na nagpapalala ng sitwasyon.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang pagdalo sa National Soil Health Summit sa Diamond Hotel sa Maynila.
Ipinaliwanag ng Pangulo na ayon sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), 75 porsyento ng kabuuang lupang pansakahan ay nanganganib na gumuho. Idinagdag pa na 457 milyong tonelada ng lupa ang nawawala kada taon dahil sa bumababang kalidad at pagkawala ng natural na nutrisyon.
Nakadagdag din dito ang kumbersyon ng mga lupa para maging pabahay o subdivision. Isa rin ang pagkawala ng tinatayang 47,000 ektarya ng mga gubat kada taon. Kasama na dito, ayon sa DENR, ang may 11 hanggang 13 milyong ektarya ang itinuturing nang bumaba na ang kalidad.
Dahil dito, inatasan niya ang Department of Agriculture, DENR, Department of Science and Technology na pag-aralan ang pagpigil sa pagkasira ng lupang pansakahan, siguraduhin ang food security at ang mas malusog na nutrisyon.
Iniulat din ng Presidente na gumawa na sila ng 5-point priority agenda sa lupa at pamamahala sa tubig katulad ng National Soil Health Program at ang implementasyon ng Sustainable Land Management para siguraduhin ang tamang paggamit at pamamahala ng lupa, tugunan ang pagkasira ng lupa, pahusayin ang produktibidad ng pananim, at pagbutihin ang kita ng mga magsasaka.