26.4 C
Manila
Lunes, Pebrero 3, 2025

Kailangan ng evacuation center sa lahat ng lungsod, munisipalidad ‘pag may sakuna tulad ng pag-aalboroto ng Mayon — Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng patuloy na pag-alboroto ng Bulkang Mayon, muling iginiit ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangan para sa mga evacuation center sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa bansa.

Binigyang diin ni Gatchalian na nakakaantala sa pagpapatuloy ng edukasyon ang patuloy na paggamit sa mga school buildings bilang evacuation centers sa panahon ng mga kalamidad. Ayon sa mga balita, mahigit 17,000 mag-aaral mula sa limang bayan sa Albay ang apektado ng paglikas. Nananatili ang mga evacuee sa mahigit 20 na pansamantalang silungan at karamihan sa mga ito ay mga paaralan sa elementarya at high school.

Bagama’t 80 porsyento ng mga mag-aaral ang nagpapatuloy ng kanilang pag-aaral gamit ang mga module, patuloy naman ang iba sa face-to-face classes na isinasagawa ng mga guro sa mga gymnasium o daycare center, pati na rin sa mga corridor o sa ilalim ng mga puno.

Matagal nang isinusulong ni Gatchalian ang pagpapatayo ng mga evacuation center sa lahat ng mga lungsod at munisipalidad sa bansa. Sa ilalim ng Evacuanter Center Act (Senate Bill No. 940) na inihain ni Gatchalian, ipapatayo sa bawat lungsod at munisipalidad ang angkop na pasilidad sa mga kailangang lumikas dahil sa mga sakuna at kalamidad.

Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, dapat kayanin ng mga evacuation center ang mga hanging may bilis na 320 kilometers per hour o 200 miles per hour, at lindol na may lakas na 7.2 magnitude pataas.


Nakasaad sa panukalang batas na makikipag-ugnayan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga alkalde upang tukuyin ang mga lugar na bibigyang prayoridad sa pagpapatayo ng mga evacuation center. Para naman sa mga lugar na bibigyang prayoridad ngunit walang espasyong maaaring patayuan ng evacuation center, maaaring ayusin ng NDRRMC ang mga pasilidad sa paaralan o iba pang istrukturang ginagamit na bilang evacuation centers at gawin ang mga itong mas matibay.

Nakasaad sa Children’s Emergency Relief and Protection Act (Republic Act No. 10821) na gagamitin lamang ang mga classroom bilang evacuation center kung wala nang ibang pasilidad na maaaring gamitin. Sa kabila nito, dismayado si Gatchalian na patuloy na ginagamit ang mga paaralan bilang evacuation center dahil nakakaantala ito sa pag-aaral ng mga estudyante.

“Upang maiwasan natin ang paggamit sa mga silid-aralan bilang evacuation center, napapanahon nang maipatayo natin sa bawat lungsod at munisipalidad ang angkop na pasilidad kung saan maaaring manatili ang mga biktima ng mga kalamidad,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -