28.6 C
Manila
Sabado, Abril 20, 2024

Alam mo ba?: Iwasang humina ang puso at isip

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

Sa huling Lunes ng bawat buwan, maiiba itong pitak o kolum nating Talaga. Katalagahan o realidad pa rin ang usapan natin, subalit hindi pulitika, kundi siyensiya o agham. Para naman maiba — at makapulot din ng kapaki-pakinabang na kaalaman kaysa sa huntahan tungkol sa intriga at imbiyerna ng nag-aagawan ng puwesto sa bansa.

Sa artikulong ito, sakit sa puso at talas ng isip ang tatalakayin. Una, babala para sa kababaihang nagpaalis ng matris, lalo na kung ginawa ito sa edad na 35 o mas bata.

Ayon sa ulat ngayong buwan (Hunyo 12) ng Inje University College of Medicine sa Seoul, Timog Korea, tungkol sa pagsusuri ng kababaihang edad 40 hanggang 49, may bahagyang paglaki ng tsansa o risk ng sakit sa puso (cardiovascular disease, CVD) o ng pagbabara ng ugat sa utak (stroke) ang mga naalisan ng matris o uterus.

Natuklasan ng pagsasaliksik sa 135,575 kababaihan ng Timog Korea sa loob ng mga pito hanggang siyam na taon, mas mataas ang tsansa ng CVD at stroke para sa inailisan ng matris.

Subalit ayon sa ulat, hindi ito dahilan upang huwag alisin ang matris kung kailangan para sa kalusugan ng babae. Lumabas ang pag-aaral sa JAMA Network Open (https://jamanetwork.com/journals/jamanetworkopen/fullarticle/2805939).


Sa kabilang dako, sa ibang pagsusuri noong 2019, gawa ng batikang Mayo Clinic sa lungsod ng Rochester, Minnesota, sa Estados Unidos (US), tumataas nang mahigit apat na ulit (4.6 beses) ang tsansa o risk ng congestive heart failure, isa pang uri ng sakit sa puso, para sa inalisan ng matris bago o sa 35 taong gulang; at 2.6 beses para sa coronary artery disease o ang pagbabara ng ugat sa puso, sanhi rin ng atake.

Sa pagitan naman ng 36 at 50 taong gulang, mahigit doble ang paglaki ng tsansa ng sakit sa puso (1.3 beses). Sa pag-aaral na ito, lalong napagtibay ang malaon nang kaalaman na may kinalaman ang pag-aalis ng matris o hysterectomy sa pangmatagalang epekto sa puso, ugat ng dugo, at paggamit ng katawan ng enerhiya.

Mababasa ang ulat ng Mayo Clinic sa: https://tinyurl.com/2ra4rdr8. Ayon sa dalawang pagsasaliksik, makabubuting mag-ingat at subaybayan sa posibleng sakit sa puso at ugat ang kababaihang inalisan ng matris.

Para tumalino, ugaliing umidllp …

- Advertisement -

Ayon sa pag-aaral, mas matalas ang isip ng mga taong mas madalas umidlip.

Tungkol naman sa pagtalas ng isip, ayon sa datos mula sa 378,932 katao sa Amerika, Britanya at Uruguay, mula edad 40 hanggang 69, natuklasan na mas matalas ang isip ng mga taong may lahi o genes para sa madalas na pag-idlip.

Bakit? Dahil ang mga regular sa pag-idlip o napping, mas malaki ang utak kaysa sa hindi palaidlip. Ayon sa pagsusukat, kasinlaki ng utak ng mga taong mas bata nang 2.6 hanggang 6.5 taon ang utak ng may lahi para sa regular na pag-idlip.

“Nakita sa aming pag-aaral na may kaugnayan (causal link) ang palagiang pag-idlip at mas malaking sukat ng utak,” sabi ni Valentina Paz, siyentipiko ng utak sa University College London (UCL) at punong may-akda ng pagsusuri.

At ayon sa mga pag-aaral, kung mas malaki ang utak, makatutulong ito sa pag-iwas sa dementia, ang paghina ng memorya at pag-iisip, at iba pang kapansanan.

Mababasa ang ulat ng UCL sa: https://tinyurl.com/yc463ns6. May iba pang pagsasaliksik sa mabuting epekto ng pag-idlip sa isipan, katulad ng nakita sa maedad na Tsinong umiidlip sa hapon (https://tinyurl.com/2tuzefs4).

- Advertisement -

At ayon sa mga pantas sa sikologo sa Flinders University sa Australya, may agad na susog sa isip ang 5 hanggang 15 minutong pag-idlip, at tumatagal nang isa hanggang tatlong oras ang mabuting epekto sa utak (https://tinyurl.com/ynvvh4p8).

Kaya tulog muna.

… at magbanat ng buto

Bukod sa pag-idlip, may agaran ding pagsigla ng isip mula sa pagbabanat ng buto o ehersisyo. Sa pag-aaral ni Propesor Wendy Suzuki ng New York University Center for Neural Science, may magaling na epekto sa isip kahit ang iisang maikli ngunit matinding ehersisyo.

Sa pagsusuri nina Suzuki, mas mataas ang gradong nakuha ng grupong nag-ehersisyo sa bisikleta kaysa sa pangkat na nanood lamang ng telebisyon. At kung gawing regular ang ehersisyo, mas malaki ang biyaya sa utak, gaya ng mga estudyante ni Suzuki na nagbanat-buto linggu-linggo, kahit minsan lang kada linggo.

Isinagawa ni Suzuki ang pagsasaliksik dahil sa sarili niyang pagtalas ng utak nang palagian siyang nag-ehersisyo. “Mas mabilis kong naaalala ang mga bagay,” aniya. “Namalayan kong mas mahusay ang utak ko dahil sa pag-eehersisyo.”

Kung akala nating sa ekperimento lang ni Propesor Suzuki ang biyaya ng banat-buto sa isip, may bagong pagsisiyasat na nagpapatibay rin nito ngayong nagdaang Marso lamang.

Ayon sa genetic study o pagsasaliksik sa lahi o genes ng 350,000 katao, lumalabas na mas mabuti ang epekto ng malumanay na ehersisyo, gaya ng mabilis na paglakad at pagbibisikleta, kaysa sa matinding pagsasanay, gaya ng basketbol at pagtakbo. Higit nang 1.5 beses ang malumanay na ehersisyo kaysa sa masigasig, ayon sa ulat (https://tinyurl.com/yw5y52kd).

Kaya matapos umidlip, lakad tayo!

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -