29.5 C
Manila
Linggo, Nobyembre 10, 2024

Mutiny sa Russia

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
General Yevgeny Prigozhin TMT FILE PHOTO

MALAKING kahingahan nang maluwag ang dulot ng balitang tinapos na ng Wagner Group ang banta nitong mutiny sa Russia. Ang pagkontra ng Wagner sa military ng Russia ay ideneklara ni General Yevgeny Prigozhin sa Timog siyudad na Rostov-on-don nitong nagdaang Biyernes na kaagad ay sinundan ng pagkilos ng kanyang 20,000-lakas na mga mersenaryo papunta sa pagsalakay sa Moscow. Nagdulot ng takot ang pag-martsa ng mga mandirigmang Wagner na nagmula sa Bakmuth sa kahabaan ng highway sa Southern Military District ng Russia na walang pagkontra ng militaring Russo. Nagdulot ito ng alalahanin na ang kinatatakutang salakay sa Moscow ay magkakatotoo.

Ukraine President Volodymyr Zelenskyy TMT FILE PHOTO

Wala akong ebidensyang matutukoy, pero ang destabilisasyong panloob ang lumilitaw na pinakamabisang paraan ng Estados Unidos para pagwagian ang giyera sa Ukraine. Ang kontra-opensiba na inilunsad ni Ukraine President Volodymyr Zelensky nitong mga nakaraang buwan ay bigung-bigo; ang mga modernong kagamitang pandigmang kaloob ng NATO ay pawang dinurog lamang ng mga mas modernong gamit sa digmaan ng Russia sa loob lamang ng 24 oras.

Dulot ng kabiguan ng kanyang kontra-opensiba, nagpahayag si Zelensky ng pagkadismaya.

“Ayokong maging presidente ng isang bansa na ang mga pangangailangan ay iniaasa sa limos ng iba,” pahayag ng presidenteng Ukrainian.

Pinakabagong deklarasyon ni Zelensky, ayaw na niya ng mga gamit sa pandigmang tulong; gusto na niya ng tulong salapi upang magamit sa rehabilitasyon ng mga winasak ng digmaan.


Naisip kong tukuyin ang mga nasa itaas dahil sa maliwanag nang batay sa mga pinakahuling pangyayari, bigo ang tambalang Estados Unidos-NATO na gapiin ang Russia kung pag-uusapan ang giyera. Maging ang economic sanctions na ipinatupad ng tambalan laban sa Russia ay bigo rin, at sa malaking bahagi ay nagboomerang pa ang epekto sa Amerika at Europa, tulad ng pagmahal ng mga bilihin at presyo ng enerhiya.

Pagkaraan ng isang taon, ang tanging nalalabing pag-asa para sa US-NATO upang magwagi sa Russia ay wasakin ito sa panloob na kaayusan. Isang digmaang sibil, halimbawa.

O, oo nga! Mutiny na militar!

Hindi pagtatakhan kung ang pagaalsa ng Wagner Group ay trinabaho ng CIA. Walang ibang paraan upang pahinain ang Russia at palakasin ang alyansya ng Estados Unidos-NATO.

- Advertisement -
Presidente Vladimir Putin TMT FILE PHOTO

Mabilis ang naging hakbang ni Presidente Vladimir Putin. Ipinahayag niya na ang pagbalikwas militar ng Wagner Group ay isang teroristang gawain na kataksilan sa “Amang Bayan” at lahat ng may kagagawan ay parurusahan.

Bilang dating pinuno ng KGB, ang pinakamakapangyarihang ahensya sa paninijtik ng Russia, hindi maaaring makaligtaan ni Pangulong Putin ang panimuno ng Estados Unidos sa panloob na kaguluhan sa Russia upang pilayan ito sa digmaan sa Ukraine. Ang agarang pagsugpo sa mutiny ng Wagner Group ay maasahan lamang. Kung sa simula ay madali silang mabili ng CIA, bilang isang mercenary group (bayarang grupo) anong kontra bayad naman ang inalok ni Pangulong Putin upang ang naroroon nang pagsulong upang lumusob sa Moscow ay mapigilan sa panghabampanahon? Mismong ang Komander ng Wagner na si Heneral Yevgeny Prigozhin ang nag-anunsyo na isinusuko na nila ang pagsalakay sa Moscow at sa halip ay pumapayag na humimpil na lamang sa Belarus, na tumanggap naman sa kanila nang matiwasay.

Mangyari pa, lahat nang ito ay makaraan ng masinop na mga negosasyon sangkot din ang mga awtoridad ng Belatus.

Sa bahagi ng kolum na ito, ang mapayapang pagresolba sa mutiny ng Wagner Group ay nagbunga sa pagpigil sa ganap sanang paglala na ng krisis sa Ukraine sa antas ng totoong ubusan na ng lahi sa pagitan ng mga nandidigma. Gaya ng natukoy na sa unahan, ang mutiny ng Wagner ay trinabaho ng CIA, kung kaya nagbibigay ito ng katwiran sa Russia na salakayin na mismong ang Estados Unidos. Di ba madalas magbanta si Presidente Putin na bobombahin niya ng missile ang alinmang bansang maglulunsad ng mga pang-atakeng armas pandigma laban sa Russia? Ituring mo ngayong armas na pandigma ang ginawa ng CIA na pagbalikwasin ang Wagner Group laban sa Russia. May katwiran nang patamaan na ng sandatang nuclear ng Russia ang Estados Unidos kung nagkataon.

Uulitin ko, wala akong ebidensya na CIA ang may kagagawan sa mutiny ng Wagner group. Hinihinuha ko lamang ito batay sa mga pangyayari. Sino ang maghahangad na guluhin ang panloob na katiwasayan ng Russia? Di ba Amerika? At kapag pagpapago ng pamahalaan ng ibang bansa para sa kapakinabangan ng Estados Unidos ang nakataya, ang laging nakatukang ahensya ay CIA.

Pasalamat ang mundo na naging ganap na maagap at may kakayahan si Pangulong Putin na tugunan ang sitwasyon. Makasisiguro ang mundo na kahit papaano sa ngayon hindi pa magaganap ang kinahihindikang pagsambulat ng digmaang nukleyar.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -