26.7 C
Manila
Huwebes, Disyembre 19, 2024

Alokasyon ng tubig sa Metro, babawasan

El Niño pinaghahandaan

- Advertisement -
- Advertisement -

MAGBABAWAS ng alokasyon ng tubig sa Metro Manila simula Hulyo 1 bilang paghahanda sa nalalapit sa posibleng epekto ng El Niño sa bansa.

 

Nagpaalala ang MWSS sa mga residente na magtipid sa tubig. TMT FILE PHOTO

 

Ayon sa National Water Resources Board (NWRB), babawasan ang alokasyon ng tubig mula sa 52 cubic meters per second (CMS) sa 50 CMS.

Babawawasan din board ang alokasyon mula
30 CMS sa 28.5 CMS.


 

“Nakaamba pa rin po ang epekto ng El Niño. Kailangan po nating paghandaan ang supply ng tubig,” ayon sa NWRB.

 

Nauna nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na ang epekto ng El Niño ay mararamdaman natin bago matapos ang taon hanggang summer ng 2024.

- Advertisement -

 

Ayon sa ulat, ang water level ng Angat Dam ay bumaba na sa 183.25 meters kahapon, Hunyo 28, 2023, malapit na kritikal na lebel na 180 meters dahil sa mga epekto ng El Niño.

 

“Sa loob ng dalawang lingo at wala pa ring sapat na ulan, maaabot na ang low water level na180 meters,” sabi ng Pagasa hydrologist na si Edgar dela Cruz.

 

Samantala, umaasa ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magkakaroon ng sapat na ulan, lalo na sa mga watershed na nagpupuno ng tubig sa mga dam.

- Advertisement -

 

Idinagdag pa ni MWSS Administrator Leonor Cleofas na “ang demand ng tubig sa Hulyo ay magiging mas kakaunti kaysa mga nakaraang buwan na mainit ang panahon.”

 

Pero ipinaliwanag din ni Cleofas na “kung hindi magiging sapat ang ulan, bababaan natin ang water pressure at magkakaroon tayo ng 10 hanggang 12 oras ng kawalan ng tubig sa 632,000 water service connections sa buong Maynilad areas.”

 

Samantala, ipinatupad na ng Maynilad Water Services Inc. ang 13 oras na walang tubig sa ilang lugar mula Miyerkules para palitan ang ultrafiltration (UF) membranes sa Putatan Water Treatment Plant.

 

Ang maintenance na nasasakop ang tatlong Maynilad 14 UF membrane ay magreresulta sa araw-araw na kawalan ng tubig mula sa Hunyo 29 hanggang Agosto 8, 2023, 5:00 ng hapon hanggang 6:00 ng umaga.

 

By batch ang gagawing water interruption sa apektadong lugar ng Las Piñas City, Bacoor City at Imus City.

 

Kung magiging mababa ang supply ng tubig sa matataas na lugar tulad ng Quezon City, Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela), Manila at Makati, maaapektuhan din ang Parañaque at Pasay.

 

Nakiusap ang MWSS sa mga residente na simulan na ang pagtitipid sa tubig.

 

El Niño, unawain
Ayon sa Department of Science and Technology–Philippine Atmospheric and Geophysical Astronomical Services Administration (DoST-Pagasa) ang El Niño ay ang pag-init ng temperatura sa gitna at silangang bahagi ng tropikal Pacific Ocean, kasabay ng paghina ng hangin mula sa silangan o easterlies. Nangyayari ito kada dalawa hanggang pitong taon, kasabay ng paghina ng ihip ng trade wind o hangin mula Silangang Amerika patungong Asya. Tumatagal ito ng anim hanggang 18 buwan.

 

Matindi ang epekto ng El Niño hindi lamang sa mga tao, kundi pati na rin sa agrikultura at pangisdaan na pinagkukunan ng pagkain.

 

Dahil sa El Niño, mas umiinit ang temperatura at tumatagal ang tagtuyot. Naaantala rin ang pagsisimula ng tag-ulan, at nababawasan ang dami ng tubig-ulan. Bagama’t mas kaunti, inaasahan na mas malakas ang mga bagyo lalo sa pagpasok ng panahon ng Habagat. Ang mas malakas na bagyo ay maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa na makakaapekto sa mga pananim o mga alagang hayop. Dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -