Silip sa ‘Cagayan Provincial Learning and Resource Center’
“Nakita mo na ba ang provincial library ng Cagayan?” Iyan ang bungad sa akin ng isang kaibigang Ilokano na taga-Cagayan. Maglaan daw ako ng panahon na makadako sa naturang library kung ako’y nasa Lungsod ng Tuguegarao. Nang makausap ko si Atty Mabel Villarica-Mamba, ang First Lady ng Cagayan, isa rin ito sa kanyang binanggit. Kitang-kita ko sa sa kanya ang pagiging proud sa naturang library.
Madalas, kapag nakakabisita ako sa ibang bansa at nakikita ang ganda ng kanilang mga public libraries, naiinggit ako. Nahihiling ko na sana’y may mga ganoon ding library sa ating bansa. Ibang-iba ang mga libraries nila. Talagang gaganahan kang mag-ukol ng oras sa pagbabasa.
Sa paanyaya ni Michael Pinto, ang kasalukuyang provincial librarian, nagkaroon ako ng pagkakataong mapasok ang bagong provincial library na nakatayo sa pinaka-puso ng Tuguegarao City. Ang dating provincial library, na nasa pangangalaga ng Office of the Governor (sa termino ni Gov. Manuel Mamba), ay tinatawag na ngayong “Cagayan Provincial Learning and Resource Center (CPLRC).”
Hindi ganito ang inaasahan kong makita sa loob ng isang public library. Ang buong apat na palapag ng library ay ‘instagrammable.’ Nanaisin mong kunin ang iyong cellphone upang kumuha ng ilang larawan o mag-selfie (at ganoon nga ang ginawa ko). Pagpasok pa lang sa ground floor ay sasalubong na sa iyo ang mga reading chairs na anyong-duyan na nasa ilalim ng puno. “Para kang nagbabasa lang sa ilalim ng puno!” masayang sabi ni Mr. Pinto. Hindi lang ‘yan, napansin kong may mga reading corners sila na parang play area. May tent pa o teepee na puwedeng pasukin ng bata habang nagbabasa. May mga nakaukit ding reading nooks sa mga dingding ng library. Maganda ang interiors ng library, bati ko.
Kuwento ni Mr. Pinto, may kontribusyon daw siya sa naging disenyo ng buong library. “Yung mga magagandang bagay na nakikita ko sa mga libraries sa abroad, pinilit kong maipasok sa disenyo nito. Nagsa-suggest ako sa interior designer at pinakikinggan naman niya ako.”
Nabanggit ko kay Mr. Pinto na noong makabisita ako sa ilang public libraries sa South Korea noong 2019, natuwa ako sa nakitang isang machine na naglilinis sa mga hiniram na aklat – ang “book sterilizer.” Ang isang hiniram na aklat, kapag isinauli na, ay ipapasok sa loob ng book sterilizer. Habang awtimatikong nabubuklat ang mga pahina ng aklat, nakatapat dito ang mga ultraviolet ray na siyang nagdi-disinfect sa mga mikrobyong kumapit sa mga pahina ng libro. Kaya talaga namang mainit-init pa ang aklat kapag inilabas.
“Aba, meron din kaming book sterilizer dito,” pagmamalaki ni Mr. Pinto. At itinuro niya ang isang machine na nandoon sa ground floor ng kanilang gusali. Nagulat ako na may ganito na rin pala tayong book sterilizer sa bansa. Tamang-tama ito ngayong di pa natatapos ang pandemyang Covid-19. Mai-sterilize muna ang aklat na hiniram bago ito ilagay muli sa estante.
Ipinakita rin niya sa akin ang isang room kung saan nila ginagawa ang storytelling at film showing. Air-conditioned ito at inspired ng pamosong Callao caves. Ang Kuweba ng Callao ay kilalang tourist attraction sa kanilang lalawigan. Dito sa Callao cave natagpuan ang isang bahagi ng katawan ng tao – isang metatarsal (maliit na buto sa dakong paa) – na nang suriin ng mga archeologists ay sinasabing kabilang daw sa Homo luzonensis, isang uri ng specie ng tao na kaiba sa Homo sapiens. Hamak itong mas maliit kaysa sa karaniwang height ng tao ngayon na kabilang sa Homo sapiens. Sa dingding ng audio-visual room na mistulang isang kuweba, makikita ang imahe ng anino ng isang tao sa loob ng kuweba. “Siya si Ubag, ang representation ng specie na Homo luzonensis, na sinasabing nabuhay 67,000 years ago,” pagkukuwento pa ni Mr. Pinto. May museum feel ang kuwartong ito ng library.
Sa section na Cagayaniana, nandoon naman ang koleksyon ng mga aklat na nailathala ng mga Cagayano. Maingat itong nakasinop doon. Nakita ko pa ang sariling aklat ni Mr. Pinto, ang “LAYB LIFE: Mga Kuwento at Karanasan ng Isang Librarian.” Nakakabilib ang mga kagaya niyang librarians na nakasusulat din ng kuwento at sanaysay.
Sa iba pang dingding ng library ay makikita ang mga quotation mula sa ilang kilalang tao tungkol sa kahalagahan ng library at ng pagbabasa. May isang room din doon na ginagamit kapag kailangang mag-recording ni Mr Pinto para sa kanyang teleradyo show sa CPIO na naglalayong mailapit ang public library sa mga Cagayano: ang ‘Caygandang Alamin’ tuwing Martes ng hapon at ang ‘Buhay na Aklat’ tuwing ikatlong Miyerkules ng buwan.
Upang mas gawing popular ang library service sa Cagayan, pinangunahan na rin ng kanilang panglalawigang aklatan ang pagtatayo ng maliliit na book stands sa iba’t ibang dako ng lungsod. Tinawag nila itong ‘Munting Aklatan ng Bayan.’ Nakalagay ito sa mga matataong opisina gaya ng water district office, electric cooperative office, PRC office, at iba pa. “Puwede pong kumuha lang ng libro ang mga tao at iuwi ang mga ito; pero puwede rin na palitan nila ng ibang reading material din. Sakaling maubos ang laman ng Munting Aklatan, nire-replenish po namin ito ulit,” pagbabahagi ulit ni Mr Pinto. “Naki-partner din kami sa mga offices kung saan namin inilalagay ang mga book stands na ito at sila na rin ang kusang nagre-replenish kapag naubos na ang laman.”
Malakas ang wifi connection sa buong library, isang bagay na nakakaakit upang patuloy na puntahan ang kanilang library. “Kahit nga sa hapon, diyan sa maliit na parke sa harap ng library, nandiyan ang mga tao. Sumasagap siguro ng wifi connection,” natatawang kuwento ni Mr. Pinto. At mas dumami nga raw ang nais mag-stay sa loob ng provincial library. Tinatayang nasa 400 hanggang 500 katao ang bumibisita sa library bawat araw, bagay raw na ikinatutuwa nila. Maituturing nilang malaking achievement ang maengganyong bisitahin ng mga kabataan ang kanilang library.
Ayon pa kay Mr. Pinto, kamakailan din ay may isang senior citizen na pumunta sa kanila at nagpapaturo kung paanong gumamit ng computer. May computer room sila doon na puwedeng gamitin ng mga estudyante. May wi-fi ito at puwede pang mag-print ng materials ng libre. “Yung ganoong pagkakataon na makapagbibigay ng serbisyo ang library sa kanila, ‘yun ang maganda.”
Nabanggit din ni Mr. Pinto na malaki rin ang ginagampanang papel ng provincial library sa paglalathala ng aklat sa kanilang lalawigan. Hindi na lang daw sila isang library ngayon. Inirehistro na nila ang kanilang library bilang isang publisher. Muli niyang binanggit na ang provincial library nila ay isa na ring ‘learning and resource center’ kaya maaari na silang mag-publish ngayon. Katunayan, nakapaglathala na sila ng tatlong aklat pambata na pawang nagwagi sa isang writing competition na naglalayong itampok ang ugnayan nila sa pamosong Cagayan River (o ang Rio Grande de Cagayan), ang sinasabing pinakamahabang ilog sa bansa. Ang tatlong aklat na unang inilathala ng CPLRC ay ang sumusunod: Napagod ang Latang si Lita; Mina and the River; at How did Bob the Mullet Fish Find Home?
May balak din silang maglagay ng coffee shop sa pinakataas na palapag ng library. Naglagay na nga sila ng mga silya na nakaharap sa bintana para may ambience habang nagkakape’t nagbabasa. “Di ba’t kape at libro ang magandang kombinasyon?” sabi pa ng butihing librarian.
Magandang halimbawa ang ipinakita ng mga namumuno ng ‘Cagayan Provincial Learning and Resource Center.’ Dapat itong pamarisan ng maraming lugar sa Pilipinas. Sana’y maglaan din ng budget ang mga namumuno ng bawat LGU sa bansa para sa pagsasaayos ng kani-kanilang panglalawigan o pambayang library; at sa pagbili ng mahuhusay na aklat para sa kapakanan ng mga mamamayan nila.
Ang pagbabasa ay puhunan natin sa pag-unlad. At masarap magbasa sa isang magandang aklatan.