26.8 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 4, 2024

El Niño nagsimula na

- Advertisement -
- Advertisement -

IDINEKLARA noong Martes ng state weather bureau, Pagasa ang pagsisimula ng El Niño phenomenon sa Tropical Pacific at inaasahan na ang epekto nito sa Pilipinas.

Maaaring maapektuhan ng El Niño ang mga palayin. TMT FILE PHOTO

Sa isang press briefing, sinabi ng Pagasa na itinaas na ang kanilang warning status mula sa El Niño Alert tungo sa El Niño Advisory.

Sinabi rin ng Pagasa na ang kasalukuyang El Niño ay “mahina” ngunit nagpapakita ng mga palatandaan ng paglakas sa mga darating na buwan.

“Ang El Niño ay magpapatuloy hanggang sa unang quarter ng 2024, na nagpapakita ng mga palatandaan ng paglakas sa mga darating na buwan,” ayon kay Ana Liza Solis, hepe ng climate monitoring and prediction section ng Pagasa sa isang press briefing.

Gayunpaman, sinabi ng Pagasa na maaari pa ring asahan ang mas malakas na panahon ng habagat na maaaring magresulta sa higit sa normal na kondisyon ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng bansa.


Ano ang El Niño?

Ang El Niño ay isang pattern ng klima na nangyayari kapag ang sea surface temperature (SST) sa ibabaw ng Central at Eastern Pacific Ocean ay uminit at nakakaapekto sa hangin at agos ng dagat.

Pinapataas nito ang posibilidad na magkaroon ng mas mababa sa normal na kondisyon ng pag-ulan, na posibleng magdulot ng dry spell kung saan mas mababa sa 1mm ang ulan sa bawat araw, tagtuyot na mas mababa sa .02mm ang ulan sa bawat araw at iba pang masamang epekto sa kapaligiran na makakaapekto sa iba’t ibang sektor na sensitibo sa klima tulad ng yamang tubig, agrikultura, enerhiya, kalusugan at kaligtasan ng publiko.

Ayon pa kay Solis, idineklara nila ang presensya ng El Niño sa Tropical Pacific matapos umabot sa 0.5°C ang Oceanic Niño Index noong mga buwan ng Abril, Mayo at Hunyo.

- Advertisement -

Ang huling EL Niño ay naganap sa huling quarter ng 2018 na umabot hanggang third quarter ng 2019.

Epekto ng El Niño

Nagbabala ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) nitong Martes ang posibilidad ng water interruptions sa Metro Manila na makakaapekto sa mahigit 632,000 kabahayan sanhi ng pagbaba ng lebel ng tubig ng Angat Dam.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni MWSS division manager Patrick Dizon na magkakaroon ng isang inter-agency technical group meeting para sa Angat Dam operation management para pag-usapan ang lebel ng tubig ng dam na malapit na sa kritikal na antas at bumaba sa 181.83 metro noong Hulyo 4 at malapit na sa 180-metro na minimum operating level.

“Ang nakikita lang po natin na worst-case scenario just in case magkaroon po tayo ng low rainfall sa ating watershed ay magkakaroon po ng interruption dito sa ating mga areas ng Maynilad ng around six to 10 hours po na interruption. So itong mga interruption na ito naman ay naka-focus po kapag gabi – around 10 or madaling araw kung saan po iyong demand ng water from our customers ay mababa,” pahayag ni Dizon.

Gayunman, hindi umano magkakaroon ng water interruption ang Manila Water, na nagbibigay ng serbisyo ng tubig sa silangang bahagi ng Metro Manila.

- Advertisement -

Ayon pa kay Dizon, nagpatupad ang National Water Resources Board (NWRB) ng two-cubic meters per second (CMS) cut sa alokasyon ng tubig para sa Maynilad at Manila Water bilang paghahanda sa El Niño.

Ang pag-apruba sa naturang water allocation ay bahagi ng management strategy nito, na naglalayong mapanatili ang sapat na lebel sa Angat Dam para sa nalalabing bahagi ng taong ito at sa susunod, sakaling magpapatuloy pa rin ang El Niño, ayon sa NWRB.

Dahil sa El Niño, sinabi pa ni Solis na hanggang noong Hunyo 30, naranasan na ang dry spells sa Apayao, Cagayan, at Kalinga batay sa tatlong buwang aktwal na pag-ulan sa mga lalawigan. May dagdag na ulat ni Rufina Caponpon

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -