28 C
Manila
Linggo, Disyembre 22, 2024

Laurel, Pilipinas, Asya

KAPANGYARIHAN AT KASAYSAYAN

- Advertisement -
- Advertisement -

MADALAS sa madalas, ang diskusyon ukol sa kasaysayan ng nasyunalismo sa Pilipinas ay nalilimita sa aksyon at sinabi ng ating mga bayani upang mabuo tayo.  Gayundin, kung titingnan ang ating kultura, mas nakikita natin ang ating pagkakaugnay sa Kanluran dahil ang mga dalawang sumakop sa atin nang matagal — ang mga Espanyol at mga Amerikano, ay mula sa Kanluran.  Ang pananampalataya ng karamihan, maging ang gawi, pananamit at hilig ay mula sa Kanluran gayundin ang ating kasanayan sa Wikang Ingles.  Kaya nga kahit sa ilang aklat sa ibang bansa, may kalituhan kung tayo ba ay bahagi talaga ng Asya o Pacific Islanders ba talaga, dahil naging ibang-iba tayo sa mga Asyano.

Ang pagdiriwang ng ika-70 taong guning pagkakatatag ng Lyceumm of the Philippines University Manila kasama sina Dr. Nicole Abotiz, Prop. Xiao Chua at Dr. Ricardo Jose (Screengrab mula sa LPU Manila Facebook page)

Noong Peb. 3, 2022, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-70 guning taong pagkakatatag ng Lyceum of the Philippines University Manila at ng ika-131 guning taong kapanganakan ni Dr. Jose P. Laurel, ang tagapagtatag ng Lyceum sa Maynila, nagkaroon ng tinatawag na ”Founder’s Lecture” ang isang nakababata ngunit bantog at batikan nang binibini sa larangan ng akademikong kasaysayan, si Dr. Nicole CuUnjieng Aboitiz, research fellow ng Clare Hall sa University of Cambridge at executive director ng Toynbee Prize Foundation.

Ilang beses na rin akong kinuha bilang tagapanayam ng Founder’s Lecture sa iba’t ibang kampus ng Lyceum kaya marahil kinuha rin nila akong reaktor sa partikular na lekturang ito at karangalan naman na makasama rin sa Dr. Ricardo Trota Jose, na guro at tagapayo ko sa Unibersidad noon at ang pangunahing historyador ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa Pilipinas.

Giting at Talino – Si Jose P Laurel sa kanyang pamosong anyong nakikibaka (Mula sa Official Gazette)

Ang paksa ni Dr. Aboitiz ay “Cultures of Empire, Nation, and Universe in the Thought of Jose P. Laurel”.  Nakasama ang ilang bahagi nito sa kanyang aklat na Asian Place, Filipino Nation:  A Global Intellectual History of the Philippine Revolution, 1887-1912.

May ilang nauna nang naisulat ukol sa partikular na mga kaugnayan ng pagsilang ng bansang Pilipino at mga Asyano, ilan sa mga ito ang aklat na Revolutionary Spirit: Jose Rizal in Southeast Asia ni John Nery, ang artikulong “Daydreaming about Rizal and Tetcho: On Asianism as Network and Fantasy” ni Caroline Hau at ang artikulo ni Ramon “Bomen” Guillermo na “Andres Bonifacio: proletarian hero of the Philippines and Indonesia.”


Ang ginawa ni Dr. Aboitiz ay gumawa siya ng isang komprehensibong akda na nagpapakita nang kung papaanong sa kabila ng pakikipag-ugnay ng mga ilustrado ng La Propaganda sa Espanya at sa aspirasyong maging katulad ng mga Espanyol, at ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan na nais nang humiwalay dito, nakikita nila kapwa ang mga sarili nila na bahagi ng Asya, at ng kung ano ang pagkakaintindi nila sa mundong Malay (na mas tinatawag natin ngayon na Austornesian dahil mayroon na ngang bansang Malaysia ngayon).  Ang tawag dito ay Pan-Asianism.

Gayundin, minatyagan ng mga mapanghimagsik sa ibang bahagi ng Asya ang mga kaganapan sa Pilipinas.  Nang makapagtatag tayo ng Unang Konstitusyunal na Demokratikong Republika sa Asya, bagama’t sandali lamang, tiningnan tayo ng mga Asyano bilang inspirasyon sa kanilang sariling pagpupunyagi laban sa kanilang mga kolonisador.  Malaki ang papel dito ni Mariano Ponce, ang payunir na public historian sa kasaysayan ng bansa upang aktibong makilahok ang mga Pilipino sa adhikaing maging demokratiko ang Asya, lalo na ang Tsina.  Naging inspirasyon din ng ibang mga bansa sa Timog Silangang Asya ang ating mga bayaning sina José Rizal at Andres Bonifacio.

Ngunit ayon kay Dr. Aboitiz, hindi lamang ito natapos sa panahon ng pagsilang ng bansa.

Pabalat ng Asian Place, Filipino Nation ni Nicole Cuunjieng Aboitiz na inilathala ng Ateneo de Manila University Press

Makikita rin ito sa buhay at paniniwala ng naging pangulo ng Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na si Pangulong José P. Laurel.  Ang aklat ay nagbibigay ng karagdagang “layer of analysis” sa atin na kadalasang binabasa lamang si Laurel bilang isang nasyunalista.

- Advertisement -

Ayon kay Dr. Aboitiz, isinilang si Laurel sa panahon ng banggan ng mga imperyo.  Pabagsak na ang Imperyong Espanyol, pumapaimbulog naman ang Imperyong Amerikano, at sa panahon ng kanyang paninilbihan sa pamahalaan ay ang pagtindig ng Imperyong Hapones kung kailan nilalayon nilang kunin na ang Asya mula sa kuko ng Imperyalismong Kanluranin.  Sentral noon sa kanila ang isyu ng “race” o rasa na hinahati tayo bilang mga puti, mga dilaw (ibang Asyano), mga itim at mga kayumanggi.

Kaugnay nito ang isyu ng “Social Darwinism,” o sa madaling salita tinitingnan na ang mga lipunan ay may ebolusyon rin mula sa mababang uri ng lipunan hanggang sa pagkakaroon ng mataas na uri ng lipunan.  Sa mga panahon na iyon, ibinabatay ni Adolf Histler ang pagiging angat ng kanilang lipunang Aleman dahil sa kanilang rasa.  Sa matagal na panahon, ang tingin ng Kanluran sa kanilang kabihasnan ay mas angat sa iba dahil sa kanilang pagiging maputi.

Dahil sa konteksto na tayo ay matagal na sinabihan na mababang uri tayo ng “rasa,” para kay Laurel, mayroon din siyang ideya ng Social Darwinism ngunit hindi para sa sabihing “superyor” ang mga Pilipino ngunit upang iangat ang pananaw ng kanyang mga kababayan (edification of the race).  Kung ang mga kabayo nga ay nabi-breed upang mas maging mas magandang hayop, ang Pilipino rin ay maaaring mas maging dakilang lahi, sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng tamang edukasyon at ilabas ang mga magagandang katangian natin mula sa pagkakakubli nito ng daan-daang taong kolonyalismo.  Kapag nangyari ito, magbubunsod ito sa atin na maging mas malusog at may “class.”  Kumbaga, “very secure” siya sa kadakilaan ng ating lahi pero hindi sa paraang Hitlerian, o nangmamata ng ibang lahi kundi ang palitawin ang “Racial Will” o ang diwa at kalooban ng bansa upang i-edify o iangat ang pagkakamamayan.

Nga lang, dahil sa kanyang konteksto, para sa kanya ang ideyal na uri ng pamumuhay na Pilipino ay iyong “lowland Christian Life.”  Ito kasi ang  “worldview” na kanyang kinalakhan.  Kaiba ito sa pananaw natin ngayon na mas inklusibo kabilang ang mga katutubo, Muslim, Kristiyano at iba pa, maging ang mga nasa diaspora dahil nagbago na ang panahon.

Nilinaw din ni Dr. Aboitiz na si Laurel, bagama’t sa unang tingin ay maituturing na “particularist” dahil sa kanyang pananaw sa Pilipino at sa kanyang sariling bansa, “universalist” din pala ito.  Para kay Laurel, ang Inang Asya ang kumanlong sa sangkatauhan (“nursed the human race”) at ang Pan-Asianism niya ay naglalayon na magkaisa ang mga rasa na wala dapat diskriminasyon (na noon ay napakarebolusyunaryo nang kaisipan).  Maaaring sabihin tulad ng mga Hapones, tumutugon si Laurel sa rasismo ng Kanluran subalit sa mas malalim na pananaw, ito rin ay kritisismo sa konsepto ng mga Hapones sa kanilang sarili bilang “master race” at sa ginagawa ng mga Aleman sa mga Hudyo noong digmaan.  Kumbaga #AdvancedMagisip.

Ngayon, ayaw na nating mag-isip na nakabatay sa ating rasa o kulay ng balat, sa pamamagitan ng DNA nakita natin na lahat naman tayo ay nagmula sa mga ninunong pawang nanggaling sa Aprika, subalit mayroon pa rin tayong mga aral na maaaring makuha sa pilosopiya ni José P. Laurel.  Puwedeng iaplay ang racial will pero sa konsepto na ng ating kultura (“cultural will”) at ang pagsalig sa agham, na nagbunsod din sa kanya para itatag ang Lyceum of the Philippines, na nais magbigay ng edukasyon sa masa sa mga malalayong probinsya.

- Advertisement -

Isa pa, hindi ba taksil si Laurel, lagi siyang tumitingin sa Hapon bilang halimbawa kung paano maging bansa.  Tandaan natin na sa henerasyon ng mga ipinanganak sa panahon ng Himagsikan, ang Hapon ay kaibigan, doon sila nag-iilihan o tumatakbo kapag nanganib ang buhay nila.  Iba ang pannaaw nila sa mga mas nakababata na ang Amerika na ang itinuturing na kaibigan.  And ginamit niya ang pagkakataon na sakupin tayo ng Japan at mailuklok sa pagkapangulo  para isulong ang pagbabago ng lipunan o ”social engineering” ng mga Pinoy.

Ilan sa mga kritiko ko ang nagsasabi na bakit “nationalism” pa rin ang tema mo? Hindi na uso yan.  Post-modern na, may globalisasyon na.  Ang sagot ko sa kanila, paano mo idede-construct ang bayan e hindi pa naman tayo buo?  Relevant pa si Laurel kasi marami pa sa atin hindi kilala ang sarili natin at nakadepende pa rin tayo sa mga dayuhan.  Nalilito pa tayo kung sino nga ba tayo. Maging ang ating kasaysayan ay pilit pinapalabo.  Paano pa natin lalo makikilala ang ating sarili?

Kapag buo na tayo, saka natin gawin ang dekonstruksyon.

Kapag buo na tayo, mas mainam na ang pagsama natin sa ibang bansa. Para hindi tayo ang pinagsasamantalahan, kasi alam natin kung ano ang kailangan at interes natin at ano ang ating lakas.

Hindi magkalaban ang nasyunalismo at ang  pakikiisa natin sa mga bansa na tulad nang ipinakita ni Dr. Nicole Aboitiz at ni  Dr. Jose P. Laurel.

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -