NITONG nakaraang linggo, ipinatupad ng pamahalaang lungsod ng Quezon ang isang automated system upang maiwasan ang nagkalat na mga pekeng aplikasyon para magkaroon ng persons with disability (PWD) identification cards.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng lungsod ay nagpatupad ng mahigpit na proseso ng verification para matukoy at maalis ang mga taong nagsasabing may kapansanan para mapabilang sa listahan ng mga rehistradong PWD.
Ito ay ang bagong PWD ID registration system, na nag-oobliga sa mga aplikante na magsumite ng mga kinakailangan dokumento bilang patunay na sila ay may kasapansanan gamit ang online portal QC E-Services.
Sa pamamagitan nito, hindi na kinakailangang bumisita ang isang PWD sa tanggapan at maiiwasan ang pagkakataon na makipag-transaksyon sa mga fixer.
Ayon kay Belmonte, “ang hindi wastong paggamit ng mga PWD ID upang makakuha ng mga diskwento ng mga taong hindi lehitimong PWD ay hindi katanggap-tanggap. Upang matugunan ang isyung ito, nagpatupad kami ng isang automated registration system, na ginagawang mas mahusay at ligtas ang proseso.”
Sino ang mga kwalipikado?
Ayon sa Republic Act No. 7277 na inaprubahan noong Marso 24, 1992, An Act Providing for the Rehabilitation, Self-Development and Self-Reliance of Disabled Person ang Their Integration Into the Mainstream of Society and for Other Purposes o mas kilala bilang Magna Carta for Disabled Persons, ang mga taong may kapansanan ay ang mga dumaranas ng limitasyon o kakulangan bilang resulta ng kapansanan sa pag-iisip, pisikal o pandama, upang magsagawa ng mga aktibidad sa paraan o saklaw sa itinuturing na normal para sa isang tao.
Dahil ang pagkakaroon ng mga ganitong kapansanan ay maaaring makahadlang sa isang tao na mamuhay na malaya sa pagtingin ng ibang tao, sila ay may karapatan sa iba’t ibang mga pribilehiyo at pakinabang upang matulungan sa pang-araw-araw na gawain sa pamamagitan ng PWD ID.
Ayon sa batas, may 20 porsyentong diskwento sa iba’t ibang mga establisyimento at serbisyo, kabilang ngunit hindi limitado sa mga pamasahe sa transportasyon, serbisyong medikal at dental, mga gamot, tulong pang-edukasyon, mga aktibidad sa paglilibang, at mga pangunahing bilihin para sa mga may hawak ng PWD ID.
Sa kasalukuyan, ang PWD ID ay may bisa na limang taon simula nang iisyu ng PDAO ng alinman sa pamahalaang lungsod o munisipalidad kung saan naninirahan ang isang PWD at pagkatapos ay maaaring i-renew ng kada-tatlong taon.
Batay sa Pambansang Sanggunian Ukol sa Ugnayang Maykapansanan o National Council on Disability Affairs (NCDA) Administrative Order No. 001 Series of 2021, ang mga aplikanteng may maliwanag na kapansanan na ang ibig sabihin ay makikita sa pagkakaroon ng Physical Impairment at kapansanan sa mobility o function tulad ng ganap na pagkabulag, putol na mga paa, paglalakad ng paika-ika at iba pa ay hindi kinakailangang magsumite ng Certificate of Disability mula sa isang doktor para kumpirmahin ang kapansanan. Ito ay maaari nang tayahin ng issuing officer ang aplikante upang matukoy ang sanhi ng kapansanan at mag-isyu ng Certificate of Disability. Gayunpaman, sakaling may pagdududa ang issuing officer ay maaaring sumangguni sa city at municipal health office para sa huling kumpirmasyon.
Ang aplikanteng may hindi maliwanag na kapansanan ay ang may kapansanan na hindi nakikita sa pisikal at kinakailangang magsumite ng isang sertipiko ng kapansanan na inisyu ng mga espesyalista o ng mga naaangkop na manggagamot mula sa City, Municipal/Regional Health Office o anumang kinikilalang pribadong institusyong medikal na may kakayahan upang magsuri.
Kabilang dito ang bingi or mahinang pandinig, kapansanan sa intelektwal, kapansanan sa pagkatuto, mental na kapansanan, psychosocial disability, di-malinaw na visual na kapansanan, hindi maliwanag na pagsasalita, hindi maliwanag na sakit na kanser at hindi maliwanag na pambihirang karamdaman.
Ang isang tao ay may visual disability kung ang kanyang mahinang paningin ay hindi maitatama ng salamin sa mata, contact lens, gamot, o operasyon.
Lifetime PWD ID
Noong Setyembre 2020, naghain si Senador Manuel “Lito” M. Lapid ng panukalang batas na naglalayong magbigay ng lifetime validity ng PWD Identification Cards sa mga taong may permanenteng kapansanan.
Layunin ng Senate Bill 1795 na alisin ang hindi kinakailangang pasanin ng pag-renew ng PWD ID kada tatlong taon. Ang kasalukuyang set-up ay nangangailangan ng pag-renew ng PWD ID upang muling suriin ang karapatan ng may hawak ng ID sa mga benepisyo na nauukol sa kanyang katayuan bilang taong may kapansanan.
Ang pag-amyenda sa RA 7277 ay magbibigay daan para sa lifetime validity ng mga PWD ID. Ang pribilehiyong ito ay ibibigay sa kondisyon na ang naturang permanenteng kapansanan ay sertipikado ng municipal o city health officer kung saan nakatira ang ID holder. Ang mga nag-iisyu na tanggapan ay dapat ding magpatupad ng mga hakbang upang matiyak na ang lifetime validity ng mga identification card ay hindi maaabuso, lalo na kapag namatay ang may hawak ng ID.
At nitong Hunyo 2023, isang panukalang batas ang inihain sa House of Representatives na naglalayong bigyan ng lifetime PWD ID card ang mga taong may permanenteng kapansanan.
Inihain ni Cagayan de Oro City Representative Lordan Suan ang House Bill 8440 matapos ang konsultasyon sa kanyang mga nasasakupan na PWD.
Kinatigan ito ng Commission on Human Rights at nanawagan para sa pagpasa ng panukalang batas na magbibigay ng panghabambuhay na bisa sa mga PWD ID sa mga taong may permanenteng kapansanan, na nagsasabing mababawasan nito ang mga hadlang na administratibong kinakaharap ng sektor.
Ang pagbibigay sa mga taong may permanenteng kapansanan ng panghabambuhay na ID card ay isang “opisyal na pagkilala at pagpapatunay sa mga natatanging pangangailangan at sitwasyon ng sektor na ito,” sabi ng CHR sa isang pahayag.
“Nababawasan nito ang mga pasanin sa pangangasiwa habang ginagawang madali para sa sektor na patuloy na ma-access ang mga serbisyo at mga karapatan na nakatutugon sa kanilang mga pangangailangan nang walang pagkagambala, lalo na sa mga sitwasyong pang-emergency at krisis,” dagdag sa pahayag.
Inaamyenda ng House Bill 8440 ang Republic Act 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons. Kung maipapasa ang batas, ang mga taong may permanenteng kapansanan ay maliligtas mula sa problema ng muling pag-aplay para sa kanilang ID kada tatlong taon.
Maglalabas din ang National Council on Disability Affairs ng mga implementing rules and regulations pagkatapos na kumonsulta sa Department of Interior and Local Government, Department of Health, Department of Social Welfare and Development, at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno at stakeholder.
National Disability Prevention and Rehabilitation Week
Batay sa Proklamasyon Blg. 361, ang ikatlong linggo ng Hulyo ay idineklara bilang National Disability Prevention and Rehabilitation Week na magtatapos sa petsa ng kapanganakan ng dakilang paralitiko na si Apolinario Mabini sa Hulyo 23 bawat taon.
Ang pangunahing layunin nito ay palakasin ang kamalayan ng publiko sa mga problema sa kapansanan at mga alalahanin partikular na ang mga isyu sa pag-iwas sa kapansanan, rehabilitasyon at pagkakaroon ng pantay-pantay na mga pagkakataon para sa mga taong may kapansanan.
Sa Quezon City, bilang bahagi ng pagdiriwang, sinabi ni Belmonte na plano ng lungsod na magkaroon ng mas maraming rampa sa mga bangketa at mga gusali upang mas madaling kumilos ang mga taong may pisikal na kapansanan.
Ang mga pribadong establisyimento ay iniinspeksyon din upang matiyak ang pagsunod sa mga kinakailangan at pamantayan na ipinag-uutos ng Accessibility Law.
Hinikayat din ni Belmonte ang mga residente ng PWD na samantalahin ang iba’t ibang serbisyo at programang ipinatutupad sa lungsod, tulad ng Pangkabuhayang QC, Tindahan ni Ate Joy, Social Welfare Assistance to PWDs at QC Kabahagi Center rehabilitation services.
Nag-aalok din ang pamahalaang lungsod ng insentibo sa mga kompanya na tumatanggap ng mga PWD na empleyado.
“Ang Quezon City ay nakikiisa sa bansa sa paggunita sa Pambansang Pag-iwas sa Kapansanan at Rehabilitation Awareness Week ngayong taon. Muli naming pinagtitibay ang aming hindi natitinag na pangako sa inclusivity at ang empowerment ng PWD community,” sabi pa ni Belmonte.