29.5 C
Manila
Linggo, Nobyembre 10, 2024

Duterte-Xi meeting nagbigay-daan sa ‘bagong linya ng komunikasyon’

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes na alam niya ang pagpupulong na nangyari sa pagitan ni dating pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping at nagpahayag ng pag-asa na ang kanyang hinalinhan ay makakatulong sa pagtatatag ng bagong linya ng komunikasyon para sa pagresolba ng mga natitirang isyu sa pagitan ng dalawang bansa.

Nakipag-meeting si Chinese President Xi Jinping kay dating Pangulo Rodrigo Duterte sa Diaoyutai State Guesthouse sa Beijing, capital ng China, noong Hulyo 17, 2023. XINHUA PHOTO

Sa kanyang pagsasalita sa pagsisimula ng Food Stamp Program (FSP) ng gobyerno sa Tondo, Maynila, iginiit ni Marcos na hindi kailangan ni Duterte ang kanyang pahintulot na pumunta sa Beijing dahil ang pulong ay “sa pagitan ng magkakaibigan,” ngunit malugod niyang tatanggapin ang anumang input mula sa dating pinuno sa mga susunod na araw.

“I knew that he was going to go there. They are friends, they know each other. So, sana napag-usapan nila yung mga issues na kinakaharap namin ngayon like shadowing and other things. All of these things that we are seeing now, sana napag-usapan nila ito para makamit natin ang pag-unlad. Dahil iyon ang hinahabol natin, para magpatuloy ang pag-uusap,” dagdag ni Marcos.

Iginiit ng pangulo na hindi mahalaga kung sino ang nagpasimula ng mga pag-uusap sa pagitan ng dalawang umaangkin sa pinagtatalunang daluyan ng tubig, dahil tinatanggap niya ang “anumang bagong linya ng komunikasyon”.

Duterte-Xi meeting


Hinikayat naman ni Chinese President Xi Jinping si dating Pangulong Rodrigo Duterte na gumanap ng mahalagang papel sa pagtataguyod ng ugnayan sa pagitan ng kanilang mga bansa sa gitna ng mga alitan sa teritoryo sa South China Sea at sa lumalagong ugnayan ng depensa ng Maynila sa Estados Unidos.

Pinuri ni Xi ang mga kontribusyon ni Duterte sa pagkakaibigan ng China at Pilipinas habang tinatanggap niya ang dating pangulo sa Diaoyutai State Guesthouse sa Beijing noong Lunes, iniulat ng Xinhua state news agency.

Sinabi ni Xi na habang siya ay presidente ng Pilipinas, determinado si Duterte sa kanyang  naging pagpili na pahusayin ang relasyon sa China, na may saloobin ng pagiging responsable sa mga mamamayan at kasaysayan.

Dahil sa ang China at Pilipinas ay parehong umuunlad na bansa sa Asya, sinabi ni Xi na ang pag-unlad ng dalawang bansa ay nakaugat sa mabuting pakikipagkapwa at palakaibigang pag-uugali na nagreresulta sa maayos na kooperasyon.

- Advertisement -

Pinanindigan ng China ang patakaran ng diplomasya sa mga katabing bansa na nagtatampok sa pakikipagkaibigan, katapatan, pakinabang sa isa’t isa at pagiging inklusibo, at palaging nakatuon sa pagbuo ng pagkakaibigan at pakikipagtulungan sa mga kapitbahay nito, ani Xi.

Palaging binibigyang importansya ng China ang relasyon ng China-Philippines at handang makipagtulungan sa Pilipinas para isulong ang matatag at pangmatagalang pag-unlad ng kanilang relasyon, dagdag ni Xi.

Nagpapasalamat naman si Duterte sa China sa mahalagang suporta nito sa pag-unlad ng ekonomiya at panlipunan ng Pilipinas.

Ang pagpapaunlad ng ugnayang pangkaibigan sa pagitan ng dalawang bansa ay nagsisilbi sa interes ng mga mamamayan ng kapwa bansa at umaayon sa adhikain ng mayorya ng mamamayang Pilipino sabay ng pangako na patuloy na mag-aambag sa pagtataguyod ng bilateral na pagkakaibigan.

Nag-post din ng video ang CCTV Video News Agency ukol sa naganap na pagpupulong.

Ayon kay Hua Chunying, tagapagsalita ng Chinese foreign ministry na sinabi ni Xi kay Duterte na “pinapahalagahan niya ang estratehikong pagpili”  na ginawa niya upang mapabuti ang relasyon ng China sa Pilipinas.

- Advertisement -

“Pinapahalagahan ng China ang relasyon nito sa Pilipinas at handang makipagtulungan sa Pilipinas para isulong ang matatag at patuloy na paglago ng relasyong bilateral,” sabi ni Hua sa isang post sa Twitter.

Ugnayang Pilipinas-Estados Unidos

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., naging tensiyonado ang relasyon sa pagitan ng China at Pilipinas dahil sa tila pagbalik ng bansa sa tradisyonal nitong kaalyado, ang Estados Unidos.

Muling pinagtibay ng Pilipinas at Amerika ang alyansa sa seguridad sa ginawang pagbisita ni Marcos sa U.S. noong Mayo, kung saan nakipagpulong siya kay Pangulong Joe Biden, na nagsabing “ironclad” ang pangako ng U.S. sa pagtatanggol sa kaalyado nito.

Nangako ang Washington na ipagtatanggol ang Pilipinas, na nagpapahintulot sa U.S. na makapasok sa apat na karagdagang base militar ngayong taon, na hindi nagustuhan ng China.

Sinabi rin ni Marcos na ang pagbibigay ng access sa US sa mga base ay isang depensibong hakbang na magiging “kapaki-pakinabang” kung aatakehin ng China ang Taiwan na pinamamahalaan ng demokratiko, na inaangkin ng China bilang bahagi ng teritoryo nito.

Sa isang survey ng Pulse Asia na inilabas noong Lunes, lumabas na 75% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa mas malapit na kooperasyong militar sa pagitan ng Pilipinas at Washington sa gitna ng maritime row ng bansa sa China sa West Philippines Sea. May dagdag na ulat ni Rufina Caponpon

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -