PINASINAYAAN kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng islogang Bagong Pilipinas. Ito aniya ang tema ng lahat ng departamento ng kanyang pamahalaan.
Lahat ng departamento?
Kaya, isa-isahin natin.
Unahin na natin ang Kagawaran ng Agrikultura na si Pangulong Marcos mismo ang kalihim. Natalakay na natin na ang pangunahing problema sa usapin na ito ay ang tungkol sa pagsasabansa ng industriya ng pagkain. Ibig sabihin, alisin sa kamay ng pribado at ipabalikat sa estado ang produksyon at distribusyon ng pagkain sa lahat ng sektor nito: pananim, hayupan, pangisdaan. Ito ang tunay na pagbabago na kailangang makita para mo masabi na bago na ang Pilipinas.
Sabi ng isa kong inaanak, sa bigas na bigas na lang, oras na tuparin ni Bongbong ang pangakong ibaba ang presyo nito sa P20, nakapagbago na siya. E, sa sibuyas pa? At sa kamatis? At sa galunggong? Mantakin mong gaan ng buhay na iyan na idudulot niya sa Pilipino oras na ang buong industriya ng pagkain ay naisabansa na dulot ng Bagong Pilipinas na tema ng pamamahala sa Departamento ng Agrikultura.
Sa Departamento ng Enerhiya naman, kaya pala nailabas na ang anunsyo na balak nang isabansa ni Pangulong Marcos ang produksyon at distribusyon ng elektrisidad. Hindi matatamo ang tunay na pagbabago kung ang mga pampublikong pangangailangan tulad ng tubig at kuryente ay hawak ng mga oligarko. Minsan na itong napatunayang tama noong panahon ng Martial Law nang ipailalim ni Presidente Ferdinand E. Marcos Sr. ang Meralco sa isang Foundation para sa Sambayanang Pilipino. Nabalik lamang ito sa mga Lopezes bilang una sa mga pagpapanumbalik sa lumang lipunang ginawa ni Corazon Cojuangco-Aquino nang naluklok sa pwesto.
Sa kaso ng industriya sa tubig, dati na itong saklaw ng estado sa pamamagitan ng National Waterworks and Sewarage Authority (NAWASA). Kung bakit sa panahon ni Presidente Fidel V. Ramos ay ipinasa ang Epira Law na naglipat ng gawain ng NAWASA sa Maynilad, pribadong pag-aari ng mga Ayala. Kung ang tubig ay mababawi ni Bongbong mula sa mga Ayala, isang kaangatan ito sa ginawa ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na pinapagbayad ang Maynilad ng bilyung-bilyung utang na buwis sa gobiyerno.
Ang panghahawakan ni Bongbong sa Departamento ng Agrikultura at ang kanyang intensyong muling ibalik sa kontrol ng estado ang mga industriya ng enerhiya at tubig ay patunay na ang islogang Bagong Pilipinas ay hindi lamang isang palamuting pulitikal kundi isang kongkretong balangkas ng tunay na kaunlaran para sa bansa, tunay na Bagong Pilipinas.
Subalit dalawang larangan pa lamang iyan ng kaunlarang dapat harapin ng bansa. Naririyan ang mga problema ng panloob na seguridad (mga rebelyong Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Democratic Front; insurhensyang Moro Islamic Liberation Front; mga teroristang grupong Abu Sayyaf at Maute), ugnayang panlabas at estratehikong kaunlarang pangkabuhayan.
Para mo masabi na bago na ang Pilipinas, dapat ganap nang wagi ang gobyerno sa mahigit kalahating siglo nang paghihimagsik ng CPP/NPA/NDF. At ang mga kalsada ay hindi na maya’t-maya’y binubulabog ng mga rali ng mga aktibistang sa katunayan ay panangga lamang ng mga tagong komunistang terorista.
Napag-isipan na kaya ni Pangulong Bongbong kung bakit nagpakatagal-tagal na ang insurhensiya ng CPP/NPA/NDF? Hindi kaya dahil sa likod nito sa katunayan ay ang CIA na nakapagmamaniobra sa lahat ng galaw? Sa anumang kalagayan, maganda ang rebelyon para sa tinatawag na war industrial complex ng Amerika. Mas tumatagal ang himagsikan, mas tuloy-fuloy ang pangangailangan sa armas ng kapwa mga nagbabarilan, mas malaking negosyo para sa taga-gawa ng baril, na sino pa kundi Amerika. May impormasyon tayo na noon pang 1969 nang mabuo ang NPA, gamit nito ay mga makabagong kalibre ng riple katulad ng gamit ng mga sundalong Amerikano sa Clark Air Field.
Sa Bagong Pilipinas, isang maiksing ratsada na lang, pulbos na ang CPP/NPA/NDF.
Ngayon, kung ang mga panloob na kaguluhan ay negosyong pinakikinabangan ng Amerika, papayag ba ang Kano na tapusin na ito?
Kaya nga nagpakatagal-tagal na. Hindi masupil dahil ayaw ngang ipatigil ng Amerika.
Dito makatitikim ng kagyat na pagkabalaho ang pangarap na Bagong Pilipinas ni Bongbong.
Naririyan lagi ang Kano upang hadlangan ito.
Sa usapin pa lamang ng pagsasabansa sa industriya ng pagkain, ang talagang binabangga ni Bongbong ay ang konsepto ng malayang kalakalan na isinalaksak ng Anerika sa lalamunan ng Pilipino noon pang 1900 nang magsimulang kolonyahin nito ang bansa. Kaaayaw-ayawan ng Amerika na magtagumpay siya rito. Ganun din nga sa problema ng panloob na seguridad. Aayaw ang Amerika na magwakas ito.
Pag kontra sa interes ng Amerika, tigil yan.
Tingnan natin ang nangyari sa Bagong Lipunan ng Tatay ni Bongbong. Habang nakikipag-ututang dila siya kay Reagan, okay lang. Subalit noong 1985, sinabi niya, taasan uli ng milyung-milyung dolyares ang upa sa mga base militar ng Amerika sa Pilipinas, ang sagot ng Kano: “Tama na! Sobra na! Palitan na!” At iyun ang isinigaw ni Cory sa snap election noong 1986 na samantalang pinagwagian ni Marcos ay tumungo naman sa kanyang pagbagsak sa EDSA People Power Revolt.
Dito lumilitaw ang totoong balakid ng Bagong Pilipinas ni Bongbong. Saang anggulo mo man tingnan, naroroon si Uncle Sam na nakahadlang. Kaya nga di na pag-uusapan pa kung saan ito dadamputin sa larangan ng relasyong internasyonal.
Sa talumpati sa kanyang inagurasyon, ipinahayag ni Bongbong ang kanyang patakaran sa ugnayang panlabas: “friends to all, enemy to none (kaibigan ng lahat, di kaaway nino man).” Wala pang isang taon sa panunungkulan, eto na siya’t pumayag sa kahilingan ng Amerika sa apat pang base militar na pagdedeployan ng mga tropa’t kagamitang pandigma. Galit dito ang China, dahil ang tatlo sa mga base na nasa Cagayan at Isabela ay lantaran nang nakaumang sa Mainland China at ang isa sa Palawan ay pumupuntirya naman sa kanyang mga base militar sa South China Sea.
Sa kalagayang malinaw nang nagbabanggaan ang China’t Amerika, paano ka magiging “enemy to none” kung ganyang di ka lang kampi sa Amerika kundi ipinagagamit mo pa rito ang iyong mga base militar laban sa China?
Sa ideya, kapuri-puri ang Bagong Pilipinas ni Bongbong. Maaring hindi natin alam, pero naniniwala siyang magagawa niya ito sa maiksing panahon ng kanyang panunungkulan. Malungkot nga lamang na ang Bagong Pilipinas ay hindi maaaring magkatotoo nang ayon sa pabulusok nang padron ng ekonomiya ng Estados Unidos.
Magkakatotoo lamang ang Bagong Pilipinas kung ito ay iaayon sa daan na tinahak ng China.