ANG kulay dilaw ay madalas na ikinakabit sa oposisyon partikular sa pamilyang Aquino na matinding kalaban ng pamilya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsimula noon pang dekada 80.
Kaya’t sino ang mag-aakala na sa isa sa pinakamahalagang okasyon ng pagkapangulo ni Marcos Jr. ay magsusuot ng kulay dilaw na terno si Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
Suot ang isang klasikong dilaw na hand embroidered piña terno na gawa ni Leslie Mobo, isang presko at nakapaninibagong tanawin ang Unang Ginang sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr. kahapon (Hulyo 24) ng hapon. Ang pangyayaring ito ay pagpapakita na rin ng pagsunod sa ipinangakong pagkakaisa ng Pangulo noong panahon ng kampanya sa panguluhan noong nakaraang taon.
Sa kabilang banda, isang kulay gintong long-sleeved na pang-itaas at pantalon na may kakulay ding inaul o malong ang suot ni Bise Presidente at Kalihim ng Edukasyon na si Sara Duterte.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Duterte na ipinagmamalaki niyang dalhin ang pagkakakilanlan ng tribung Maguindanaon sa pamamagitan ng pagsuot ng kanilang traditional dress na Bangala. “Suot ko ang Bangala bilang pagkilala sa tribung Moro na naninirahan sa Timog-Gitnang Mindanao.”
“Ang kulay dilaw na Bangala ay gawa ni Israel Ellah Ungkakay mula Cotabato City. Ito ay may kasamang inaul o isang local fabric na habi sa cotton at silk at itinuturing na isa sa kanilang kultural na kayamanan dahil lumalarawan ito sa karangalan, katapangan, pamana, at kasaysayan ng Maguindanao,” ayon pa sa FB post.
Kilala sa pagsuporta sa nag-uumapaw na talento ng taga-Timog kung fashion ang pag-uusapan, isa ring traditional dress mula naman sa tribung Bagobo Tagabawa ang suot ng bise-presidente noong unang SONA ni Pangulong Marcos.
Samantala, kulay dilaw rin ang kasuotan ni Manila Mayor Honey Lacuna at ang asawa ni Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara na si Tootsy Angara.
Sa kanyang Instagram account, sinabi ni Angara na umaasa siyang ang malillit na kulay dilaw na bulaklak na disenyo ng kanyang modern tapis na likha rin ni Mobo ay magiging “happy and sunny” tulad ng hinaharap ng bansa.
Sinabi naman ni Senator Imee Marcos, na nakasuot ng isang tradisyonal na kasuotan ng mga taga-Cordillera, na gusto ng kanyang ina na si dating Unang Ginang Imelda Marcos na dumalo sa SONA ng kanyang anak ngunit pinayuhan ng mga doktor na umiwas muna sa maraming tao.
“Gusto niyang pumunta, pero pinagbabawalan pa rin siya ng doktor dahil masyado raw maraming tao,” pahayag ng senador na nagsabi rin na pinili niya ang kanyang kasuotan bilang pagpupugay sa kultura ng Cordillera.
“Bilang isang Lagunawa o ‘Anak ng Kalinga,’ pinili kong suotin ang kasuotan ng mga taga-Cordillera ngayong #SONA2023 bilang pagpupugay sa makulay na kultura ng ating mga ka-tribu,” ayon sa kanyang Instagram post. Halaw sa artikulo ni Tessa Mauricio Arreola, TMT Lifestyle and Entertainment Editor at may dagdag na ulat ni Rufina Caponpon, Pinoy Peryodiko Editor