30.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 16, 2024

O, anong kaingratahan ni Senador Risa Hontiveros

- Advertisement -
- Advertisement -

ALIN kung si Senador Risa Hontiveros ay pa-cute lamang sa kanyang resolusyon na isampa na sa United Nations ang sigalot ng China at Pilipinas sa South China Sea o sadyang nagpapalabas siya ng nakakasuklam na panlilinlang upang isulong ang di-mapigil na disenyo ng Estados Unidos na makapaghari sa Indo-Pasipiko. Sa sandaling magtagumpay siyang udyukan ang pamahalaan ng Pilipinas na ibato na lamang sa UN ang alitang China-Pilipinas, pinalawak lamang niya ang dapat na domestikong saklaw lamang ng isyu. Sa ibang salita, imbes na ang sigalot ay sa pagitan lamang ng China at Pilipinas, ang gulo ay ginawa nang pansandaigdigan. At sa panahong ito, kapag pinag-usapan ang giyerang pang-mundo, hindi maaaring hindi ito pakialaman ng Estados Unidos.

Ayon sa Senate Resolution 659, ipasasakop sa United Nations (UN) ang diumano’y panalo ng.Pilipinas sa arbitration case nito laban sa China.

Beteranong senador si Hontiveros. Imposibleng hindi niya alam na ang kanyang resolusyon ay mapapasabak sa ilang matindiing sagabal.

Unang-una, wala sa saklaw ng kapangyarihan ng Senado na magpanimula ng mga hakbanging pampamahalaan sa larangan ng ugnayang panlabas. Ang naging tradisyon ay iparatipika sa senado ang isang kasunduan na naroroon na — na  gawa na ng sangay ng gonyerno na siyang may basbas ng Saligang Batas na gumanap ng ganung tungkulin — ang  Ehekutibo.

At lalo na sa pagsampa sa UN ng mga reklamo laban sa ibang bansa, hindi ito tungkulin ng mga mambabatas. Ang responsibilidad na ito ay nakaatang sa mga taong nagkaroon ng mga tanging pagsasanay sa ganung espesyal na gawain — ang  mga diplomatiko. At ang mga diplomatiko ay hindi kumikilos sa kanilang sariling diskarte kundi ganap na ayon sa katalinuhan at maliwanag na instrusyon ng presidente ng bansa.


Mauunawaan kung bakit unang-unang kumontra sa resolusyon ni Hontiveros ay si Senador Rene Cayetano. Mahabang panahon ang kanyang ipinanilbihan bilang Kalihim ng Ugnayan Panlabas. Malalim ang kanyang kaalaman sa diplomasya.

Ayon kay Cayetano, ganap siyang kaisa ng mga senador na sumang-ayon sa resolusyon sa layuning pangalagaan ang interes ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea, pero nababahala siya na malaking problema ang lilikhain kung dadalhin ito sa United Nations. Payo ni Cayetano na hintayin muna ang desisyon ni Presidente Marcos sa usaping ito.

Sinang-ayunan si Senador Cayetano ni Senador Imee Marcos na nagpahayag na kahit kelan ay hindi tayo sinalakay ng China at walang dahilan upang palalain ang usaping ito.

Sadyang nagiging kahanga-hanga ang mga paninindigan ni Senador Imee sa mga kagyat na dinaanang isyu ng bansa. Lantaran ang kanyang pagkontra sa karagdagang apat pang base militar sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na kaloob sa Amerika ng kapatid na si Bongbong. Sa mga nabanggit na kontrobersiya, tumingkad ang kontra-Amerika na tindig ni Imee. Kung ang paninindigang kontra Amerika ay siyang magiging batayan sa eleksyong pampanguluhan sa 2028, ngayon pa lang ay ipinahihiwatig na ang susunod na presidente ng Pilipinas ay babae.

- Advertisement -

Mabuti na lamang at matagal nang malinaw na sa labanang China-Amerika, si Senador Hontiveros ay bunganga ng Amerika sa Pilipinas. Kung meron mang silbi ang kanyang Senate Resolution Blg  659, iyun ay ang bigyan ang Amerika ng biyaya ng propaganda sa alitan nito sa China sa rehiyon ng South China Sea.

Maliban doon ay wala nang silbi ang resolusyon. Kung bakit may mga sumusuporta sa nasabing resolusyon, tulad nina Senador Jinggoy Estrada, Francis Tolentino at mismong si Senate President Juan Miguel Zubiri.

Ayon kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi maisisisi kay Hontiveros ang paghahain ng ganung resolusyon. Bilang oposisyong minorya, trabaho niya iyon. Pero, dagdag ni Roque, hindi tama na panigan ng Presidente ng Senado ang kalaban ng administrasyon.

Ang pagpanig ni Zubiri sa resolusyon ay nagpapalakas lamang sa ating sapantaha na malakas ang pag-lobby na ginagawa ng Amerika sa usaping ito. Higit pa sa prinsipyo, ipinaaalaala nito ang winika minsan ng yumaong Senador Mirriam Defensor Santiago: “Bobo kang senador kung di ka kumikita ng isang milyon isang araw.”

Para sa mga senador, ang usapin sa Resolution 659, magkano.

Kung sa maraming okasyon ang senado ay nagsasagawa ng mga pagdinig hinggil sa iba’t-ibang aspeto ng pamahalaan at ng lipunan sa kabuoan, halimbawa’y korapsyon at kriminalidad, iyun ay lagi nang may pangangatwirang “in aid of legislation.”

- Advertisement -

Ngayon, maitatanong natin: Anong lehislasyon ang maaaring ipasa ng Senado ng Pilipinas sa pagsampa nito ng Resolusyon Blg  659 sa United Nations? Isang batas na nagbabawal sa China na manghimasok sa teritoryo ng Pilipinas? Ang problema rito, ang tertiryong pinagbabawalan mong panghimasukan ay inaangkin din ng China na kanya.

At walang bansang magsasabi sa isa pa kung ano ang dapat gawin at kung ano ang hindi.

Lalo na, walang bansang sinliit at singhina ng Pilipinas ang magsasabi nito sa isa pa na hindi lang isang pangmundong higante kundi nangunguna nang ekonomiya sa mundo — at malamang na siya pang may taglay ng pinakamaunlad nang sandatang nukleyar.

Sa paglutas sa tensyon sa South China Sea, pinakamagaling na ang pamaraang ginawa ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte. Walang kaabugbog, dumalaw siya sa Beijing at siya ay tinanggap na para bang siya pa rin ang presidente ng Pilipinas.

Halatang ikinabigla iyun nina Pangulong Bongbong at Kalihim Gilbert “Gibo” Teidoro ng Tanggulang Pambansa. Kapwa nagpahayag ang dalawa ng kawalang-alam sa kung ano ang pinag-usapan nina dating Pangulo Duterte at Pangulo Xi Jinping ng China.

Sa isang pahayag sa media, sinabi ni Duterte na wala siyang pakialam sa kung ano ang paninindigan ng taong dapat na bumabalikat sa away ng China at Pilipinas, pero kailangang gawin niya ang kanyang kaya sa problemang ito. Aniya, dapat magkaroon ng bukas na pag-uusap tungkol dito; hindi ito dapat na desisyon lamang ng iisang utak kundi ng isandaan at sampung milyong Pilipino.

Sa panahon ng kanyang termino, ang relasyong Chino-Pilipino — na bumagsak sa halos zero sa sinundang termino ng yumaong Presidente Benigno Aquino “Noynoy” 3rd — ay bumalik sa siyento porsyentong buti: ganap na winakasan ang embargo ng China sa pag-angkat ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas tulad ng gulay, prutas at mga kataying hayop na sa isang sandali ay nakpagdagdag sa ekonomiya ng Pilipinas ng halagang $25 milyon; mula zero, humalili sa mga turistang Koreano ang mga turistang Chino bilang Numero Uno sa datingan sa bansa ng mga turista; naitayo ang dalawa pang tulay sa Pasig River na nagkakahalaga ng $5 milyon, lahat ng gastos sa China; sa panahon ng pandemic, umabot sa 2.5 milyon na doses ng Sinovac ang idinonate ng China sa Pilipinas; sa kasagsagan ng drug war, isang 10,000-bed hospital ang donasyon ng China upang pagpagalingan ng mga drug addict; at sa maya’t-mayang pananalasa ng bagyo, China ang palaging nangunguna sa mga bansang nagpaparating ng tulong.

At kapalit ng mga kabutihang ito, ihahabla mo ang China sa United Nations?

Anong klaseng inggrata ka?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -