Noong Hulyo 27, 2023 naibalita sa The Manila Times na sa pananaw ng Moody’s ang ekonomiya ng Pilipinas ay halos matatag. Maraming binanggit na salik ang kompanyang sumusuri at nagtatasa sa lagay ng mga kompanya at ekonomiya sa rehiyon ngunit hindi ipinaliwanag kung papaano ito nakaaambag sa katatagan ng ating ekonomiya. Ano ba ang ibig sabihin ng isang matatag na ekonomiya?
Ang tinatanggap na katuturan ng katatagan ng ekonomiya ay kapag ang kabuuang demand sa buong ekonomiya ay kayang tustusan ng kabuuang suplay. Nagpapahiwatig ito na may katapat na produksyon sa loob ng isang ekonomiya ang iba’t ibang gugulin sa kabuuang demand tulad ng pagkonsumo, pangangapital, gugulin ng pamahalaan at netong eksports. Kapag hindi pantay ang kabuuang demand sa kabuuang suplay masasabing hindi matatag ang ekonomiya dahil nauuwi ito sa maraming hamon at problemang ekonomiko. Halimbawa, kung mas mataas ang kabuuang demand sa kabuuang suplay may malakas na pwersang tumaas ang pangkalahatang presyo o inflationary pressure. Mauuwi naman sa desempleo at mabagal na paglaki ng ekonomiya kapag ang kabuuang demand ay nagkukulang sa kabuuang produksyon. Kapag kulang ang demand sa kasalukuyan magbabawas ang mga kompanya ng produksyon sa mga susunod na taon upang itugma sa mababang demand. Sa pagbabawas sa produksyon magbabawas din ang mga kompanya sa paggamit ng manggagawa at iba pang salik sa produksyon na nauuwi sa desempleo at pagbagal sa paglaki ng ekonomiya.
Sa halip na kabuuang demand at kabuuang suplay ang popular na ginagamit na batayan sa pagtatasa sa katatagan ng mga ekonomiya ay ang matibay na pundasyong makroekonomiko o macroeconomic fundamental. Matibay ang pundasyong makroekonomiko kapag ang mga pangunahing gugulin ay may katapat na pondo mula sa pambansang kita o kabuuang suplay upang tustusan ang mga ito. Ang pangangapital ng mga kompanya ay pinopondohan ng pag-iimpok na galing sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya samantalang ang gugulin ng pamahalaan ay tinutustusan ng buwis na nalilikom ng pamahalaan at ang pag aangkat ay pinopondohan ng mga benta sa eksports.
Suriin natin ang mga problemang magbubunga kapag ang pangangapital ay lumalabis sa antas pag-iimpok, at kapag ang gugulin ng pamahalaan ay mas mataas sa antas sa nakolektang buwis nito. Kung hindi babaguhin ang labis na gugulin, mauuwi ito sa pagtaas ng presyo na ipinaliwanag na natin sa itaas. Kung ayaw naman nating tumaas ang presyo dahil bababa ang kakayahang makabili ng mga mamimili pwedeng dagdagan ng ekonomiya ang pag-aangkat ng mga produkto at serbisyo upang punan ang kulang na produksyon bunga ng labis na pangangapital at sobrang gugulin ng pamahalaan. Ang tanong saan kukuha ng pondo ang ekonomiya upang tustusan ang dagdag na pag-aangkat? Maaaring mangutang ang bansa upang tustusan ang dagdag na pag-aangkat o pwede ring bawasan ang reserbang dayuhang pananalapi ng bansa.
Kung ayaw nating mangutang dahil babayaran din ito sa hinaharap ng mga susunod na henerasyon at kung ayaw nating basawan ang reserbang dayuhang salapi dahil liliit ang istak ng dayuhang salapi, maaaring babaan na lang ang mga gugulin at itaas ang pondo pamamagitan ng mga patakarang ekonomiko. Halimbawa, ang isang mahigpit na patakarang pananalapi na nagpapataas sa interes rate ay magpapababa sa pangangapital at magpapataas sa pondo sa pag-iimpok. Pwede ring bawasan ang gugulin ng pamahalaan at itaas ang buwis sa pamamagitan ng mahigpit na patakarang fiscal. Ito ang tinatawag na paghihigpit ng sinturon o pagbabawas ng mga gugulin. Pwede ring ipatupad ng pamahalaan ang depresasyon ng piso upang tumaas ang ekports at mabawasan ang pag-aangkat.
Marami naman palang paraan upang tugunan ang mahinang katatagan ng ekonomiya na nabanggit sa itaas. Ang problema rito ay may kaakibat na mabibigat na sakripisyo at matitinding hamong ekonomiko ang bawat alternatibo. Halimbawa, ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo ay magpapababa sa kakayahang makabili ng mga mamimili at nagpapababa sa kanilang kagalingan. Samantala, ang patuloy na pangungutang ng bansa upang punan ang kulang na panloob na pondo ay maaaring mauwi sa paghihigpit ng mga nagpapautang sa atin at hindi na tayo pautangin sa hinaharap o maaaring patawan tayo ng mataas na interes rate sa ating mga inuutang.
Sa mahigpit na patakarang pananalapi naman ay nauuwi sa mataas na interest rate na magpapabagal sa paglaki ng ekonomiya dahil sa mababang gugulin ng iba’t ibang sektor. Samantala, ang mahigpit na patakarang fiscal ay maaari ding mauwi sa mabagal na paglaki at sa pagbaba ng kakayahang makabili ng mga mamimili. Maaari ding hindi matugunan ng pamahalaan ang mga paglilingkod sa mga maralita, mga mamamayan na nasa laylayan ng lipunan at iba pang sektor na kapos ng lipunan. Ang depresasyon ng piso ay magpapataas ng presyo ng mga bilihin at paglipat ng mga produktibong sangkap tungo sa produksyon ng mga produktong iniluluwas mula sa mga produktong panloob.
Ayon sa mga datos ng World Bank ang porsiyento ng pangangapital sa GDP ng Pilipinas ay 25% noong 2022 samantalang ang pag-iimpok bilang porsiyento ng GDP ay umabot lamang ng 9.1% sa parehong taon. Samantala, ang gugulin ng pamahalaan ay 15% ng GDP habang ang buwis ay 14.1% ng GDP noong 2021. Ang ating eksport umabot sa USD 111. 8 bilyon samantala ang inaangkat ay USD 160.2 bilyon ang halaga noong 2022. Batay sa mga datos na mga ito kayo ang humusga kung matatag ang ekonomiya ng Pilipinas.