26.7 C
Manila
Linggo, Setyembre 15, 2024

Mas epektibong estratehiya dapat ipatupad ng Pagcor laban sa mga krimeng nauugnay sa POGO – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

HINIHIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na magdisenyo ng mas epektibong estratehiya para matugunan ang lumalaking bilang ng krimen na nauugnay sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Hinihimok ni Senador Win Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) na magsagawa ng epektibong estratehiya para matugunan ang lumalaking bilang ng krimen na nauugnay sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Larawan ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

 

Kasunod ito ng kamakailang pagsalakay sa isa na namang POGO-accredited service provider na SA Rivendell Global Support, Inc. Sa operasyon ng mga awtoridad noong nagdaang Miyerkules sa Pasay City, ilang mga Pilipino ang nasagip, at natuklasan na maraming kuwarto ang ginagamit para sa cyber scam habang ang ilang kuwarto naman ay ginagamit para sa online gambling. Ilang kaso na rin nitong nagdaang mga buwan ang naitala sa ilang lisensyadong kumpanya ng POGO o accredited service provider nito tulad ng kidnap-for-ransom, cryptocurrency, love scam, at human trafficking.  

 

“Sa pagtaas ng bilang ng mga krimeng ito, tayo ay nagiging sentro ng human trafficking ng mundo.  Maliwanag na walang pakinabang ang POGO at ang industriya ay nagdudulot ng kahihiyan sa bansa,” diin ni Gatchalian.

 

“Ang gusto namin ay pormal at mas epektibong estratehiya ng Pagcor na aprubado ng board at hindi lang mga planong pampalubag loob sa mga mambabatas.  ‘Yung sinasabi niyong inspection and coordination, narinig na namin ’yan ng ilang beses,” sabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng Pagcor sa isang Senate hearing ukol sa mga krimeng kinasasangkutan ng mga POGO.

 

Sinabi ni Pagcor Vice President Atty.  Jessa Mariz Fernandez sa komite na kabilang sa mga repormang isinagawa nila ay ang pagpapatibay ng isang bagong framework, na naglalagay sa lahat ng POGO sa probationary status hanggang Setyembre ng taong ito. Pagkatapos nito ay kakailanganin nilang mag-apply ulit ng bagong lisensya. Pagkatapos ng prosesong ito ay maglalabas na sila ng rekomendasyon batay sa pagsunod o hindi pagsunod ng mga kumpanya.

 

Ito ang tugon ni Fernandez sa mga tanong ni Gatchalian kung hindi pa ba kumbinsido ang Pagcor na kailangan nang i-ban ang mga POGO dahil sa ng mga krimeng kinasasangkutan nito.

 

Bilang chairman ng Senate Committee on Ways and Means, si Gatchalian ay paulit-ulit na nananawagan para sa agarang pagpapatalsik sa mga POGO sa gitna ng tumataas na mga kaso ng kriminalidad na nauugnay sa POGO.

 

Nanindigan siya na ang mga gastos at mga panganib na dulot ng mga krimeng ito ay mas malaki pa kaysa sa anumang mga benepisyong nakukuha mula sa mga kita na binabayaran ng mga POGO.  

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -