30.5 C
Manila
Biyernes, Oktubre 18, 2024

Pagtindi ng girian sa Asya at Europa, giyera na ba?

TALAGA!

- Advertisement -
- Advertisement -

Ni Ricardo Saludo
SA kasamaang palad, baka nagkamali ako. Sa aking artikulo kahapon sa The Manila Times, isinulat kong hindi malamang magkadigma sa buong Europa, kung saan daan-daan libong kababayan natin ang namumuhay.

Bagaman may 750,000 armadong kawal ang Rusya sa loob at palibot ng Ukraina, handing tirisin ang lugmok at laspag na hukbong nagdedepensa sa tulong ng North Atlantic Treaty Organization (NATO), sa sapantaha ko, hindi malamang lumahok itong alyansiyang pinamumunuan ng Estados Unidos (US).

Unang-una, sa ulat ng mga ekspertong militar, hindi handa ang NATO upang tapatan ang hukbong Ruso. Kulang sa mobilisasyon at armas ang alyansiya, matapos ang tatlong dekada na walang dambuhalang kalaban matapos mabuwag ang komunistang Unyong Sobyet sa 1991, nahati sa iba’t-ibang bansa kabilang ang Rusya.

Pangalawa, magdadalawang-isip ang gobyerno ni Pangulong Joseph Biden ng Amerika na pumasok sa digma nang may halalang kaharap sa susunod na taon. Hindi malayong matalo ang kanyang Partidong Democratic kung magkamatayan ng maraming Amerikano sa labanang baka ikatalo pa ng US dahil nga mismo sa kakulangan ng sundalo at sandata.

Sa gayon, palagay ko, maiiwasan ang paglaganap ng giyera sa labas ng Ukraine. Laking ligaya sa mga kababayang nasa Europa at mga mag-anak nila rito, sampo ng pamahalaang Marcos na hindi sana mangangailangang ilikas ang napakaraming Pilipino kung magkadigma roon.


Bukod sa ligalig at panganib sa Europa, maliligtas din sana tayo sa malaking dagok sa pandaigdigang ekonomiya kung lalamunin ng giyera ang buong Europa. Kung sa digmaan sa Ukraine pa lamang, nagtaasan na nang walang humpay ang presyo ng langis at pagkain, ano pa kaya kung magsiklab ang mga bansa mula sa Rusya hanggang Pransiya at maging Britanya?

Kaya lang mukhang puwede pa ring bumulwak ang digma sa labas ng Ukraine. Bakit?

Palaban ang Amerika

Matapos ilathala ang artikulo sa The Manila Times noong Agosto 13, may nabasa akong ulat tungkol sa dalawang mataas na opisyal sa Amerikang itinalaga ni Presidente Biden na kapwa palaban sa mga katunggali ng US.

- Advertisement -

Una ang magiging bagong Tagapamuno ng Hukbong Sandatahan ng Amerika (Chairman of the Joint Chiefs of Staff), si Heneral Charles Q. “CQ” Brown Jr., ang Hepe ng Hukbong Panghimpapawid (US Air Force). Halos pasado na siya sa Kongreso ng Amerika, bagaman may isang senador na kailangan pang mag-aproba sa kanya.

Para kay Heneral CQ, marapat maghanda para sa tunggalian, at lantaran ang pagtukoy niya sa Rusya at Tsina bilang magkakampi laban sa pandaigdigang kaayusang inilatag ng mga bansang Kanluraning pinamumunuan ng US.

“Hindi dapat hintayin ang krisis bago magpuwesto ng kakayahan,” sabi ng heneral sa panayam sa Senado ng US (salin mula sa Ingles). Sa gayon, dagdag niya, dapat maglagay ng puwersa malapit sa maaaring laban at makipagtulungan sa mga kaalyadong bansa. Pihadong kasama ang Pilipinas sa mga bayang tinutukoy ng susunod na hepe ng hukbong US.

Samantala, noong isang buwan, itinalaga bilang pansamantalang Pangalawang Kalihim ng Estado (acting deputy secretary of state) ang isa sa pinakamabagsik na kalaban ng Rusya sa Amerika, si Victoria Nuland. Dumalaw sa Maynila noong Marso, napabantog si Nuland noong di-umano sinusugan ng Amerika ang pag-aalsa na nagpatalsik sa pangulo ng Ukraina noong 2014. Pabor daw sa Rusya ang pinunong lumikas sa bansa.

Sa Administrasyong Biden, kinikilala si Nuland bilang isa sa mga nagsusulong ng patuloy na digma ng Ukraina laban sa Rusya noong nagkasundo na sina Pangulong Volodymir Zelenskyy at Vladimir Putin noong Marso 2022 na itigil ang digma kapalit ng hindi paglahok ng Ukraine sa NATO. Sa gayon, nagpatuloy ang labanan hanggang ngayon, at tinatayang mahigit 300,000 ang nasawi, karamihan taga-Ukraine, wasak-wasak ang mga siyudad ng bansa.

Sa pag-angat sa puwesto nina Heneral CQ Brown at Pangalawang Kalihim Nuland, mas lumakas ang mga tinig na palaban sa Amerika. Baka hindi pa rin ito magtulak sa NATO na makipagdigma sa Rusya, dahil mangingimi ang mga kapartido ni Presidente Biden na pumasok sa digmaang baka ikatalo nila sa halalan.

- Advertisement -

Pero pagdating sa Tsina at Asya, pihadong mas tatapang pa ang Amerika sa pagpasok sa puwesto nina Brown at Nuland. At kung aatras nga ang US sa paglaban sa Rusya, maaaring gamitin pa ng gobyernong Biden ang mas mabagsik na tagisan sa Tsina bilang dahilan para umurong sa Europa. Palalabasin nito na dapat umiwas sa laban sa Rusya dahil kailangan harapin ang higit na matinding kaaway, ang Tsina.

Mukhang ito na nga ang salaysay o narrative na lumalabas sa media, at malaki ang papel ng Pilipinas dito. Laganap sa daigdig ang balita tungkol sa pagtatapat ng mga tanod baybayin o coast guard ng Pilipinas at Tsina, lalo na ang paggamit ng barko Tsino ng kanyong tubig. Napabalita rin sa ibayong dagat ang pagbabawal ng pagtatambak ng lupa sa Look ng Maynila dahil nagreklamo ng Amerika laban sa kompanyang Tsinong kinontrata sa reklamasyon.

Ngayon, may bagong sigalot dahil sa paghinto ng bise-presidente ng Taiwan sa US, at nagbanta ang Tsina ng matapang na kontra.

Umpisa lang ito.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -