31.8 C
Manila
Linggo, Marso 3, 2024

Mga kakaibang padron ng pananalita (speech patterns)

- Advertisement -
- Advertisement -

KAPAG binanggit ang storytelling o pagkukuwento sa harap ng mga bata, ang pumapasok sa isip natin ay ang nakakaenganyong boses ng storytellers na layong hikayatain ang maliliit na batang makinig. Mapapansing may padron ito sa pagsasalita na parang pakanta: tinatawag din nating ‘sing song pattern.’ Halimbawa nito’y ganito: “Mga bata, gusto n’yo bang makarinig ng isang magandang kuwento?” Sinasabi niya ito sa isang paraang taas-baba-taas-baba ang pagde-deliver ng mga linya.

Wala naman sanang gaanong problema dito. Kaya lang, kung ganitong padron ang gagamitin sa kabuuan ng storytelling, nawawalan na rin ito ng bisa kalaunan. Dumarating sa puntong ayaw mo nang pakinggan ang kuwento. Taas-baba, baba-taas, taas-baba ang boses.

Maaaring epektibo ito kung  maliliit na bata ang makikinig sa kuwento. Ayaw kasi nating mabaling sa iba ang atensiyon ng batang maliliit kaya gumagamit tayo ng ganitong estratehiya.

Pero kung medyo malalaki na ang mga bata – halimbawa’y nasa grade school na ito – baka ang pakiramdam nila habang nakikinig sa ganitong sing-song pattern ng pananalita ay parang binebeybi sila. Kaya nga siguro mahalagang isinasaalang-alang ng storyteller ang kaniyang audience na kukuwentuhan. Ano ang age range ng batang makikinig? Pre-schoolers ba o grade schoolers? Kailangang age-appropriate o akma rin sa edad nila ang gagamitin nating estilo.

Nakalakhan rin kasi siguro ng marami sa atin ang TV show na Batibot (popular noong dekada ‘80 at ‘90)  kung saan madalas na i-feature sa programa ang storytelling. Ito ang naging sukatan (o gold standard) ng marami pagdating sa praktis ng pagkukuwento. Napakahusay ng mga storytellers sa palabas na ito, sa pangunguna ng theater-film-TV actor na si Bodjie Pascua. Tunay na engaging pakinggan si Kuya Bodjie sa kanyang pagkukuwento. Pero iba rin ang pagkukuwento kapag nasa harap ng kamera na pang-TV kumpara sa storytelling na nasa harap ng live audience kung saan waring mas demanding ang nakikinig. Kinakailangan pa tuloy ng mas malalaking body movements, mas malakas na boses, at mas matinding facial expressions (depende sa laki ng audience at sa pagdarausang tanghalan).


Maaaring nakaligtaan nating tingnan na ang programang Batibot ay nilikha para sa mga batang nasa edad 3-5 (mga pre-schoolers). Ang pagtaas-pagbaba ng boses ay ginagawa upang mahikayat ang batang makinig. Pero kapag ang batang makikinig ay ang mga grade schoolers, kailangan nating mag-adjust sa paraan nang pagkukuwento upang hindi maging eksaherado ang dating.

Napansin ko na nawalan na yata ng lugar ang natural lamang na paraan ng pagsasalita sa mga idinaraos na pagkukuwento o storytelling . Sa mga batang nasa Grade school, magandang mapakinggan na nagkukuwento ang bata sa paraang natural. Yung hindi na kailangang umakting o masyadong i-project ang boses pero nakakahikayat pa rin. Pansinin na kapag nagsama-sama ang mga bata ay walang katapusan ang kanilang pagkukuwento sa isa’t isa. Pansinin din na interesado at naeengganyong makinig ang mga kalaro’t kaklase kapag ‘lively’ o buhay na buhay ang storytelling (na hindi kailangang nasa pakanta o sing-song pattern). Kapag nasa ganitong di-pormal na sitwasyon, relaxed lamang ang nagsasalaysay. Ni hindi kailangang mag-project nang todo. Masyadong nakakairita sa tainga kapag walang katapusang sing-song pattern ang naririnig natin mula sa tagapagsalaysay.

Speech patterns. Ito ang terminong binanggit ng kaibigan kong manunulat at theater expert na si Glenn Sevilla Mas para tukuyin ang paraan ng pagsasalita ng tao. Ang speech pattern ay tinatawag ding “idiolect” (idyolek). Tumutukoy ito sa unique na paraan ng paggamit ng wika ng isang tao, kasama na rito ang paggawa ng talumpati (speech). Kasama sa ‘idiolect’ ang paggamit ng gramatika, bokabularyo, at pagbigkas ng mga salita. Pansinin na bawat tao ay magkakaiba ang paraan ng pagsasalita.

Huwag ipagkamaling magkatulad ang idiolect at dialect. Ang dialect ay tumutukoy sa isang padron ng pagsasalita na common sa isang grupo ng mga tao.

Hindi man sinasadya, nagtatakda ng isang particular na speech pattern ang praktis ng storytelling. At ang nakita nilang padron ng storytelling ay ang napanuod nila sa TV show na Batibot. Ito ‘yung klase ng pagtatanghal na nakita nilang pamarisan kapag may nagtatanghal sa entablado.

“Ito ang kailangang bigyang-pansin ng maraming storytellers ngayon,” puna ni Glenn. “Tingnan mo’t Grade 3 na ang mga bata sa kumpetisyong ito pero ang ginagamit nilang manner of delivery sa storytelling ay ang nakagawiang  sing-song pattern ng pagsasalita.”

Aakalain nga tuloy na maliliit na paslit ang kinakausap ng tagapagsalaysay.

Mukhang kailangan na nating baguhin ang ilang nakasanayang speech patterns. Alam kong bahagi ito ng unique expression ng isang tao partikular sa paraan ng pagkukuwento. Pero baka sa halip na makaengganyong makinig sa sinasabi ng storyteller, mas maligaw pa sa kung saan-saan ang diwa natin dahil hindi na tayo tumutok sa nilalaman ng kuwento kundi sa kakayahan na lamang ng storyteller na magtaas-baba ng boses na may kaakibat na iba-ibang facial expressions (gaya ng pagmulagat o paniningkit ng mata o paglaki ng butas ng ilong o pagnganga).

Maski na sa mga sa mga paligsahan sa pagbigkas ng mga talumpati o interpretatibong pagbasa, at kahit sa iba pang paligsahang ginagamitan ng boses ng kalahok, naglalahok ng mga sari-saring speech patterns ang ilang participants. Ano ang layon? Para lumutang sa nakararami? Para mapansin? Madalas ay napagkakamalang mahusay ang napiling speech pattern at dapat pamarisan. Pero mas madalas kaysa hindi, ito ay nakadi-distract.

Napansin ko rin na ang madalas na ginagaya ng mga kalahok sa pagsasalita ay ang mga kilalang broadcaster sa radio o TV, patunay nang pagiging popular ng medium na ito. Kabilang sa madalas nilang gayahin ay sina Mike Enriquez (ang istilo niyang halos pakantang magsalita nang dire-diretso), Noli De Castro, Ted Failon, at si Gus Abelgas. Sa mga babae, madalas ding gayahin sina Karen Davila, Mel Tiangco, o Korina Sanchez. Nae-entertain ang marami at di-sinasadyang nagiging padron ito ng kanilang pananalita.

Pero heto ang panganib na dulot ng panggagaya ng speech patterns — sa  halip na ang focus ay ang content na gustong ipaabot ng writer, napupunta sa ginagayang TV personality o pulitiko ang atensyon ng nakikinig.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -