SA buong Pilipinas, maraming mga kapistahan at festival ang masusumpungan: Ati-atihan sa Aklan; Sinulog sa Cebu; Dinagyang sa Iloilo; Pahiyas sa Lukban, Quezon; Buling-Buling sa Pandacan, Maynila at marami pang iba.
Ngunit sa mga araw na ito (Agosto 20, marami ang tutungo sa Davao para sa kanilang Kadayawan Festival. Naroon din ngayon ang Philippine Book Festival ng National Book Development Board. Mapapa #Sanaol ka na lang talaga. At dahil frustrated ako dahil hindi ako nakapunta doon ay nagsikap akong magsaliksik ukol sa festival na ito.
Walang masyadong makikita sa internet at sa mga librong pangkasaysayan na nabili ko ukol sa Davao ukol sa Kadayawan Festival. Mas magandang tanong, ano ang maaari nating matutuhan kaugnay ng Kadayawan. Para sa akin, ito yun: Sagot siya sa maling akala na ang mga taga bundok at ang mga indigenous peoples o IP ay mga walang kultura at kabihasnan. Ang Kadayawan ay isang buhay na museo ng makulay na kultura ng 11 grupong Muslim at Lumad sa Davao: Mga lumad tulad ng mga Ata, Klata, Tagabawa, Ovu Manuvu, Matigsalog at mga Moro tulad ng mga Tausug, Sama, Iranun, Maguindanaoan, Maranao at mga Kagan. Lahat sila namumuhay ng magkasama at mapayapa sa Davao.
Noong 1970, inudyok ni Mayor Elias Lopez ang mga IP sa Davao na ipamalas nila ang kanilang mga ritwal ng pasasalamat sa masaganang ani. Kaiba sa ibang mga lugar sa bansa na nabanggit sa simula ng sanaysay na tatlong daang taong nahawakan ng mga Espanyol, 1848 lang nasakop ni José Cruz de Uyanguren ang Davao nang matalo niya si Datu Bago. Kaya naman kung papansinin, tila hindi naangkin ng Katolisismo ang mga ritwal na ito bilang bahagi ng kanilang kapistahan na kaiba sa ibang sayaw ng mga ninuno natin tulad ng Sinulog at Ati-Atihan.
Noong 1986, ang kapistahan ay tinawag na Apo Duwaling na pinagsama-samang natural wonders ng Davao: Mt. Apo, Durian at Waling-Waling. Ngunit pinalitan ito kinalaunan ng noon ay Mayor Rodrigo Duterte ng pangalang “Kadayawan Festival” na nagmula sa salitang “madayaw” na pagbati ng mga Dabawenyo, na ang kahulugan ay mabuti, mahalaga at maganda. Tila ang kahulugan ng pista ay pasasalamat at pagpapahalaga.
Isa sa pinakatampok na bahagi ng Kadayawan ang ”Indak-Indak sa Kadalanan,” o street dancing. Malaki ang premyo ng sinumang mananalo sa paligsahang ito. Mayroon ding beauty pageant ito na ”Hiyas sa Kadayawan.”
Ipinahatid naman ni Anatalio Viadoy ng University of the Immaculate Concepcion ang ilan sa kanyang mga pangamba sa kanyang papel na ”Kadayawan Festival and the Plight of the Indigenous People in the Light of the Book of Wisdom of Solomon” na imbes na nagiging tungkol ang Kadayawan sa pagtanghal sa kultura ng mga Lumad ay nagiging tungkol ito sa komersyalismo dahil nagiging tila produkto o ”commodity” ang mga lumad at nasasawalang bahala ang mga patuloy nilang problema kasama na ang pagsasamantala ng ilang makapangyarihan.
Ang mga IP ang sisidlan ng ating nagpapatuloy na kultura mula sa ating mga ninuno, nawa ay hindi lamang natin sila itanghal kundi siguraduhin na bahagi sila sa kaginhawahan ng bayan.